"Mauna na ako, paalam. Huwag kang pupunta sa kung saan-saan dahil alam mong delikado," paalam niya at hinalikan ako sa noo.

"Oo, mag-iingat ka," huli kong wika bago siya tuluyang lumisan.

Hinintay ko muna siyang maka-alis bago muling nagmasid sa paligid kung mayroon bang ibang bampira dito. Nang masigurong wala ay agad kong tinahak ang daan patungo sa kinaroroonan ni Himalia.

Naabutan ko siyang may kausap na isang lalaking mas mataas pa sa kanya. Kumunot ang aking noo sapagkat ngayon ko lamang siya nakita. Hindi na ako magtataka pa sapagkat hindi naman ako palalabas ng mansyon.

"Himalia?" tawag ko sa kanya. Hinarap nila akong dalawa at yumuko bilang paggalang.

Binigyan ko ng makahulugang tingin ang lalaki. "Kamahalan, siya po ang aking anak," sambit ni Himalia.

"Ikinagagalak ko pong makita kayo, kamahalan. Paalam, ako po ay lilisan na," paalam nito. Papaalis na sana siya nang hinablot ko ang kanyang braso dahilan ng kanyang pagkatigil.

"Anak ni Himalia, nais kong samahan mo kami papunta kay Adrastea. Lubhang mapanganib kung kaming dalawa lamang ang tutungo doon. Malayo-layo pa naman iyon mula dito sa mansyon. Nababalitaan mo naman siguro ang mga pakalat-kalat na masasamang bampira, hindi ba?"

"Ikinagagalak ko pong samahan kayo patungo sa bahay ni Adrastea," tugon nito at yumuko sa akin.

"Mabuti kung ganoon. Tara na at simulang tahakin ang daan patungo sa kanyang kinaroroonan."

Sa paglalakbay namin, mayroong ilog na kailangan tawirin. Matatawid mo iyon sa pamamagitan ng bato. Kung may kakayahan lamang na makalipad ang isang bampira ay kanina ko pa ginawa.

Naunang tumawid si Himalia, sinundan ng kanyang anak. Naiwan ako na nakatitig lamang sa mga bato at nauubusan na ng pasensya. Ayoko sa lahat ay ang tumatawid sa ganito.

Nakita kong bumalik ang kanyang anak at inilahad ang kanyang kamay sa akin. "Nababatid ko pong ayaw ninyong tumawid at apakan ang mga batong ito. Ngunit gayunpaman, sana'y tanggapin ninyo ang aking tulong," maginoong litanya nito.

Ngumiti lamang ako at tinanggap ang kanyang kamay at inalalayan ako hanggang sa makatawid sa ilog.

"Anak ni Himalia," tawag ko sa kanya habang kami'y naglalakad. Huminto naman siya at nilingon ako, bahagya pa siyang yumuko.

"Bakit po, kamahalan?"

"Maaari bang manatiling sikreto ang pagpunta natin kay Adrastea? Ayokong may makakaalam maliban sa ating tatlo tungkol dito."

"Naiintindihan ko po," magalang na sabi nito at ipinagpatuloy na ang aming paglalakbay.

"Narito na tayo, kamahalan," sabi ni Himalia. Napatitig naman ako sa harap ng bahay ni Adrastea.

Bigla itong bumukas at iniluwa ang isang magandang babae. Ngumiti siya sa akin kaya sinuklian ko ito.

"Kanina pa kita hinihintay, kamahalan," sabi nito at yumuko bilang paggalang.

"Pasok kayo sa aking munting tahanan, aking mga panauhin," wika nito at nilakihan ang pagkakabukas ng kanyang pinto.

Pina-upo kami ni Adrastea sa kanyang bahay. Sandali siyang umalis at bumalik din naman kaagad.

"Ano ang iyong sadya?" tanong nito.

Tinignan ko ng makahulugan sina Himalia at ang kanyang anak. Tila naintindihan naman ito ni Adrastea. "Maiwan ko muna kayong dalawa dito. Sa tingin ko ay mayroon kaming dapat pag-usapan ng kamahalan sa loob ng aking silid," paalam nito bago kami tumungo sa kanyang silid.

My Vampire Guard (COMPLETED)Where stories live. Discover now