2006-2019
"Ma, bilhan mo akong laruan! Gusto ko yung barbie!" bibong sabi ko pa habang tumuturo-turo sa mga laruang nakalapag sa mababang lamesa ng mga tindera.
"Huwag na muna ngayon, kailangan nating magtipid, anak." pilit na ngiti ang isinukli niya sa akin.
Dahil bata pa lamang ako, apat na taong gulang, ay ngumawa ako sa harap ng mga tao.
Dati rati ay nabibilhan ako ng kahit anong gusto ko, bakit ngayon hindi?
"Gusto ko 'yon , eh!" patuloy pa rin sa pag-iyak na sabi ko.
Kahit naiinis na si Mama ay pinagbigyan niya ako. Marahas ang bawat hila niya sa akin ngunit hindi ko iniinda iyon. Malaki ang ngiti ko sapagkat nasa harap ko na ang gustong-gusto kong laruan.
Simpli ang buhay ng isang bata, walang problemang kinakaharap. Walang muwang sa mundong puno ng pasakit.
"Papa!" umiiyak na sigaw ko, hindi mahagip ng paningin ko si Papa at Mama kaya nag-uumapaw ang emosyon sa dibdib ko. Natatakot ako lalo pa't maraming taong nakapalibot sa akin.
"Mama!" hindi matigil sa pagbuhos ang luha ko. Nakukuha ko na ang atensyon ng mga tao. Nutrition month kasi ng bagong school na pinapasukan ko.
"Ericka! Ssh tahan na! Umalis lang ako saglit, bumili ako ng pagkain mo. Tahan na." pang-aalo pa ni mama sabay bigay ng juice at biscuit sa akin. Umiiyak na nilamon ko iyon at mahigpit na yumakap sa kaniya.
Noon ay halos ayaw kong nawawala sa mata ko ang sino mang miyembro ng pamilya ko. Parang lahat ng masasakit na pwedeng maramdaman ay nararamdaman ko. Napakabigat sa dibdib. Sa tuwing nawawala sila sa paningin ko, pakiramdam ko ay inabandona na nila ako. Pakiramdam ko ay ayaw na nila sa akin.
"Pupunta tayo ng Laguna, gusto raw makita ng kapatid ko ang mga anak mo." kahit hindi alam ang ibigsabihin ng narinig ay lumapit ako kina mama at papa na nag-uusap.
"Aalis tayo?" tanong ko.
"Oo, bibisitahin natin sina Tito mo." sagot sa akin ni Mama.
Natuwa ako sa sinabi niya't excited na nagtatalon.
Anim na taong gulang na ako noon. Katatapos lang ng graduation ko ng kinder 2. Pumunta kami ng Laguna noong April, bakasyon, upang bumisita kina Tito.
Sa subdivision na iyon ay masaya ang naging bakasyon, muli kong narasan ang maluhong pamumuhay. Noong bago ako ipanganak ay may negosyo sina Mama, Papa at Tito, pagbebenta ng sasakyan. Malaki ang kita kung kaya't lahat ng gusto namin noon ng dalawa ko pang kuya ay naibibigay nila. Madalas ang pagm-mall kaya marami palagi kaming laruan. Madalas rin ay sa labas kami kumakaing magpapamilya.
Ngunit nang mag-aapat na ako'y bumagsak ang negosyo nila. Nascam si Tito ng mga itinuri niyang kaibigan. Malaki ang perang ginastos niya para sa lupang dapat ay pag-aari na niya sana ngunit itinakbo ng mga 'kaibigan' niya ang milyong-milyong pera niya.
Hindi nakabayad sina Tito sa upa ng shop na ginagamit nila noon sa pagawaan ng sasakyan at nagsilbing bentahan din.
Umalis kami roon kaya napauwi kami sa Pampanga, nagpaiwan si Tito sa Laguna.
Nang pauwi na kami ng Pampanga pagkatapos ng bakasyon ay nalaman naming buntis si Mama sa ika-apat naming kapatid.
Grade 1 na ako nang ipanganak siya. Evan ang pangalan niya. Natanggal si Mama sa trabaho dahil sa pagbubuntis niya noon, kaya pansamantalang naging maliit ang income namin kaya sumbora kami sa pagtitipid noon. Nang makapanganak ay bumalik siya sa trabaho. Muling bumalik ang medyo marangyang buhay ngunit kalaunan ay umalis siya sa at dahil lugi na ang kumpanya nila. Ang amo nila ay may utang sa sikat na si Henry Sy na hindi mabayaran.
