Bahaghari

1 0 0
                                    

Sa unang patak noo ko'y napakunot,
"Bakit tila may ambon kahit ngayo'y tagtuyot?"
Tumingala sa langit at ako'y napasambit,
"Ama, regalo mo bang ito'y saya o sakit?"

Unti-unting lumakas bagsak ng tubig ulan,
Unti-unti ring bumagsak ang loob sa kawalan.
Huminto saglit ang hangin, sabay biglang ihip,
Simoy ay 'sing lamig ng damdamin sa dibdib.

Ulap na puti ngayon ay nangingitim,
Parang iyong ngiti na di wari kung taimtim,
Ang sigla ng langit ay wala nang saya,
"May ligaya pa bang natitira sa kanya?".

Tapos na ang ulan ngunit nasaan na'ng araw?
Sumuko ka na ba at sa akin na'y ayaw?
Humina na ang ihip ng hangin at tumahimik,
Katulad mong napipi, saki'y hindi na sabik.

Ano na'ng nangyari? Nawala na ang dati.
Nagtampisaw nalang sa tubig ulang marumi.
Tila 'di sapat ang lakas ng ulan, di ko mawari.
May pag-asa pa ba ang ating bahaghari?

MurmursWhere stories live. Discover now