Bakit ginto? Dahil namamayani ang ginto sa mundo ng mga dyosa.

Isa nang magandang halimbawa ay ang aming mga sayawin at awitin, dahil sa bawat halina ng musika sa hangin, sa bawat indayog ng aming mga katawan ay sinasabayan ng saliw ng buhanging ginto na siyang pumapatnubay sa aming mga pagtatanghal.

Ang kaharian, estatwa, mga rebulto ng mga makakapangyarihang dyosa, mga kagamitan, kasuotan at ang bawat bagay na makikita sa mundong ito ay pawang may halik ng ginto.

Puti, ginto, kristal at berde... ang siyang bumubuhay sa mundong ito.

Puti na sumasalamin sa aming kalooban...

Ginto na nagpapahayag nang aming walang katapusang halaga...

Kristal na nagpapahiwatig nang aming malinaw na hangarin...

At berde na nagpapahiwatig ng buhay...

Isang mundong halos yakapin ang salitang perpekto, ang mundong siyang nagsilang sa akin.

Hindi ko napigilan ang sarili kong lumingon sa direksyon ni maestra nang marinig ko ang magandang papuri nito sa mga kapwa ko dyosa. Sa tagal nang aking pag-uukit, hindi ba talaga ako nagkaroon ng gawang tama sa kanyang mga mata? Lagi na lamang may mali o kulang.

Muli akong huminga nang malalim at marahan kong hinaplos ang kamay kong kasalukuyan nang namumula dahil sa pamalo. Kung sana'y mabilis itong maghilom sa sandaling ito'y ilubog ko sa ilog. Ngunit alam kong espesiyal ang pamalo ng maestra para madesiplina ang mga batang dyosa na katulad ko.

Mukhang maging ang mahiwagang tubig sa ilog ay hindi matutulungan ang aking mga kamay.

Sinulyapan ko ang ibang mga dyosa, kaiba ko'y pawang mga ngiti at tango ang kanilang natatanggap mula sa maestra. Ilang beses kong sinulyapan ang gawa ng dyosang katabi ko at mariing ikinumpara sa aking likha, ngunit halos wala man lang itong kaibahan!

Hindi ko man gustong mag-isip nang hindi maganda, hindi ko na magawang pigilan ang aking sarili. Ang mundo ng mga diyosa'y walang diskrimanasyon, ngunit bakit tila nararamdaman ko ito?

Ito ba ay dahil kakaiba ako sa mga dyosang kasabayan kong inilabas sa bunga?

Saglit akong sumulyap sa malaking bintana ng aming gintong aralan na siyang nasa ikaapat na palapag ng aming palasyo, para tanawin ang napakalaking punong nakatayo sa gitna ng mga kahariang nagtatayugan. Ang punong hitik sa malalaking gintong bunga, na sa sandaling magliwanag ang bawat mga bunga ay magsisimula itong magkawala ng bagong silang na mga dyosa.

Ang bungang nagluwal sa akin at sa mga diyosang naninirahan sa mundong ito.

Ang purong dugong mga dyosa ay magmumula lamang sa punong ginto na tinatawag naming lahat, na Puno ng En Aurete. Isang klase ng puno na tanging sa mundong ito lamang matatagpuan. Sa Mundo ng mga dyosa na tinatawag na, Gottin Deeseyadah.

Nabubuo kami hindi mula sa pakikipagtalik ng babae at lalaki, kundi sa pamamagitan ng dasal at bulong sa puno. Isa itong ilang buwang ritwal na isinasagawa nang pinakamagagaling na dyosang bihasa sa pagdarasal.

Ang mga diyosang magdarasal ay gagawa ng isang malaking bilog sa palibot ng Puno ng En Aurete, na may kasamang madamdaming pag-awit at pagkumpas ng mga kamay.

Dalawampu't isang dyosa ang mga kasabayan ko noon, ngunit sa mabilis na paglipas ng panahon para lamang silang hinipan ng hangin tangay ang kanilang pamumukadkad bilang mga dyosang dalagita.

At tanging ako lamang ang naiwan. Mabagal ang pag-angat ng aking edad. Minsa'y narinig kong inihambing ng isang dyosa ang paggalaw ng aking orasan sa isang bampira. Mga nilalang na may pangil, mga matang nagniningas na kawangis ng kulay ng dugo at higit sa lahat mga nilalang na may libong taon nang nakaukit na kasalanan sa aming lahi.

Moonlight Blade (Gazellian Series #4)Where stories live. Discover now