Chapter Ten

2.4K 92 1
                                    


"ANG tagal naman ni Lorene," reklamo ni Grego nang napansin niya na hindi na bumalik si Lorene.

Nagpalaam na ang pari. Tapos na ring kumain ang mga bisita. Mabuti na lang may tagaligpit ng mga plato. Tumulong pa rin sila ni Aiza sa pagliligpit. Ang kusinero ay nakauwi na. Nabayaran na raw iyon ni Lorene. Pati ang mga tagahugas ay bayad na rin.

"Ang haba naman ng tulog ni Sandy," sabi ni Aiza.

"Baka hindi na naman siya nakatulog kagabi kaya bumabawi. Nakakaloka ang babaeng iyon, ang weird," aniya.

"May something talaga kay Sandy, girl."

"Correct."

Alas-dos na ng hapon. Wala nang kumakain kaya nililigpit na nila ang mga tirang ulam. Ang iba ay pinadala na nila sa mga naghugas.

Sinisinop ni Grego ang mga tirang pagkain nang napansin niya si Luis na may dalang itak at sumusugod sa kanila. Bigla siyang inalipin ng takot. Napatili siya.

"Aiza, si Luis!" sigaw niya.

Mabuti na lang may isang lalaki pang naiwan. Hinarang nito si Luis.

"Huwag mo akong pigilan! Mananagot sa akin si Ruel! Papatayin ko siya!" nagpupumiglas na sabi ni Luis.

"Diyos ko," bulalas niya.

"Hoy kayo! Kung ayaw n'yong mamatay, umalis na kayo sa lugar na ito! May demonyong nakatira sa bahay na 'yan!" sabi ni Luis.

"Tumawag na kaya tayo ng pulis, bakla," natatarantang sabi ni Aiza.

"Ano naman ang magagawa ng pulis sa baliw na iyan?" sabi niya.

Dumating naman si Mang Leo at ito na ang umawat sa anak. Napansin niya na tila may gustong sabihin sa kanila ang ginoo pero nababasa niyaa ng takot sa mukha nito.

Mamaya ay lumabas si Ruel. Noon lang ulit niya ito nakita matapos itong nagkatay ng kambing kaninang umaga.

"Ano'ng problema rito?" matapang na tanong ni Ruel.

Nakita niyang nagwawala si Luis. "'Yan! Demonyo ang lalaking 'yan!" hasik ni Luis. Marami pa sana itong sasabihin ngunit tinakpan ni Mang Leo ng kamay ang bibig nito.

"Mang Leo, alam mo na ang mangyayari sa anak mo kapag hindi mo itinali 'yan sa bahay n'yo," banta ni Ruel sa ginoo.

"Pasensiya na po kayo, sir," sabi naman ni Mang Leo. Kinaladkad na nito palayo ang anak.

"Hay naku, bakit kasi hindi pa nila dinadala sa mental hospital ang isang iyon?" usal ni Grego.

Tiningnan lang niya si Ruel na kumuha ng pagkain. Dalawang plato ang nilagyan nito ng ulam at kanin. Nagtataka ma'y natapunan pa niya ito ng biro.

"Mukhang bibitayin ka at ang dami mong pagkaing kinuha, papa Ruel," sabi niya sa binata.

"Hindi kasi ako nakakain kagabi at kaninang umaga," sabi lang nito.

"Ganun ba? Huwag ka masyadong papagutom, baka pumayat ang maskulado mong katawan," malanding sabi niya habang hinahagod ang dibdib nito.

Hindi siya nito pinansin. Pagkakuha ng pagkain ay umalis na ito. Itinuloy naman niyaa ng pagliligpit ng tirang pagkain. Si Aiza ang nagtatanggal ng table cloth.

NAGISING si Sandy nang marinig niyang bumukas ang pinto. Nakatulog pala siya sa sobrang pag-iyak. Nakita niyang pumasok si Ruel at may dalang dalawang plato ng pagkain. Lumuklok ito sa gawing kaliwa niya. Namayani na naman ang takot sa puso niya.

"Kumain ka muna," sabi nito.

Inalis nito ang busal sa bibig niya. Sisigaw sana siya ngunit tinutukan siya nito ng kutsilyo sa leeg. Nagsisimula na namang tumulo ang luha niya.

The Hidden Senses (Complete)Where stories live. Discover now