Chapter Five

2.5K 93 9
                                    


PAGKATAPOS ng tanghalian ay nagyaya si Grego na maglaro sila ng volleyball sa labas. Bumili kasi ito ng bola. Napansin ni Sandy na dalawang araw nang hindi umuuwi sa bahay ng mga ito si Ruel. Hindi rin alam ni Lorene kung ano pa ang pinagkakaabalahan nito.

Habang naglalaro sila ay panay ang sipat ni Sandy kay Mang Leo na naghahasa ng itak sa lilim ng punong mangga. Ito kasi ang nagtatabas ng damo sa bakuran. Palaging nakabuntot dito ang anak nitong si Luis. May hawak ding itak si Luis. Maya't-maya itong napapahinto sa pagtatabas ng halaman upang manood sa kanila. Basang-basa ng pawis ang itim nitong kamiseta.

Tumigil siya sa paglalaro nang makadama siya ng pagod. Umupo siya sa bench malapit sa garahe. Nanonood na lang siya sa tatlong naglalaro. Nagulat siya nang biglang tumilapon ang bola kay Luis. Sa halip na paluin ng kamay ay pinalo nito ng itak ang bola. Napakatalim ng itak nito dahil nasugat ang balat ng bola.

"Ano ba! Baliw ka ba? Bakit mo tinaga ang bola?!" nanggagalaiting bulyaw ni Grego kay Luis.

"S-Sorry, akala ko ulo ng tao," hibang na sabi ni Luis.

"Sira-ulo!" hasik ni Grego.

Napatayo si Mang Leo. Nataranta naman si Lorene at pilit naawat si Grego.

"Huwag mo siyang patulan, Greg!" sabi ni Lorene.

Nakialam na rin si Sandy. Napansin niya na nanlilisik ang mga mata ni Luis habang nakatitig kay Grego. Kinaladkad nila papasok ng bahay si Grego. Tumatalak pa rin ito.

"Nakakainis namang baliw 'yon! Hay! Ang mahal ng bili ko sa bola na iyon. Kaloka siya," sabi ni Grego, habang nakaupo na sa sofa.

"Hindi mo dapat siya sinigawan, Greg. Kapag napapagalitan si Luis ay sinusumpong ang sakit niya," sabi ni Lorene.

"Sorry, girl. Uminit lang talaga ang ulo ko sa ginawa niya," ani Grego.

"Sige na. Huwag mo nang pansinin si Luis," ng si Lorene.

"Magmeryenda na nga lang tayo," sabad ni Aiza. Pumasok na ito sa kusina.

Hindi mapakali si Sandy. Natakot siya sa hitsura kanina ni Luis na parang papatay ng tao. Hindi na lamang sila lumabas. Nanood sila ng pilekula.

KINABUKASAN. Alas-siyete na ng gabi nagising si Sandy dahil nahirapan siyang nakatulog. Sinumpong na naman siya ng insomnia niya. Nauna pa rin siyang nagising sa mga kasama niya. Siya na ang nagluto ng almusal.

Habang naghahalo siya ng sinangag sa kawali ay biglang may senaryong bumulabog sa isip niya. Isang senaryo na naganap roon sa kinatatayuan niya. May nakita siyang babae na naghahalo ng niluluto nito sa kawali katulad ng ginagawa niya. Mamaya'y may sumakal dito na lalaki at inihampas ang ulo nito sa lababo. Paulit-ulit ang ganoong senaryo sa isip niya pero hindi niya namukhaan ang mga ito. Noon lamang niya naipag-ugnay ang senaryong iyon sa kuwento ni Lorene kung ano ang ikinamatay ng mama nito. Hindi siya sigurado sa nakitang senaryo pero ramdam niya na may koneksiyon iyon sa mga naganap.

Hindi na niya binalewala ang kanyang kakayahang makakita ng mga hindi normal na bagay. Naisip niya na maari siyang makatulong kay Lorene.

Pagkatapos niyang nag-almusal ay lumabas siya ng bahay at naglakad-lakad sa bakuran. Hanggang sa dalhin siya ng mga paa niya sa pinakamalapit na palaisdaan.

Nakita niya si Mang Leo na nagpapakain sa mga isda. Natukso siyang lapitan ito.

"Magandang umaga po!" bati niya sa ginoo.

Nagulat si Mang Leo. Marahas itong humarap sa kanya. Naitigil nito ang ginagawa.

"Pasensiya na po kayo, mukhang nagulat ko kayo," aniya.

The Hidden Senses (Complete)Where stories live. Discover now