Kaya nang mag-isa na niyang pinapalaki ang kaniyang mga anak ay doon niya napagtanto na hindi talaga biro ang maging isang single-parent. Lalo na sa katulad niya na wala namang tinapos sa pag-aaral. Second year high school lang kasi ang tinapos niya. Pagkatapos niya ng ikalawang taon niya sa high school ay nakilala niya ang isang lalaki limang taon ang tanda sa kaniya. Unang pag-ibig niya iyon kaya naman ganoon na lang katindi. Kahit anong pagbabawal ng mga magulang niya ay hindi siya nakinig. Hanggang sa makipagtanan siya kasama ang lalaking iyon.

Inilayo siya nito sa mga magulang niya. Tumira sila sa probinsiya ng lalaking iyon. Doon ay naranasan niya ang hirap ng buhay. Kinailangan niyang magtrabaho para may makain sa araw-araw. Tamad kasi ang lalaking sinamahan niya. Sa edad na labing-anim ay nabuntis siya. Pero nalaglag ang bata dahil sa mabibigat na trabaho na ginagawa niya kahit nagdadalang-tao na siya.

Doon ay nag-isip na si Marites. Walang mangyayari kung mananatili siya sa piling ng tamad na nobyo niya kaya nilayasan niya ito. Pero hindi siya bumalik sa kaniyang pamilya dahil sa labis na hiya niya sa mga ito. Binuhay niya ang kaniyang sarili. Pumunta siya sa kung saan-saan na probinsiya hanggang sa mapadpad siya sa Maynila. Nagtrabaho siya doon ng kung anu-ano. Waitress, basurera, barker at kung anu-ano pa. Hanggang sa masadlak siya sa pagbebenta ng kaniyang katawan. Sa pagiging pokpok siya nagtagal at sa trabaho rin na iyon niya nakilala ang kaniyang napangasawa.

Pigil ang luhang dinampot ni Marites ang takip ng kaldero. Gumamit na siya ng sapin sa kamay para hindi na siya mapaso. Binawasan niya ng baga ang kalan at tinakpan na ito. Nasa tabi niya pa rin si Rachel at nakanganga sa kaniya.

“Rachel, tulungan mo muna ako, anak. Patahanin mo muna ang mga kapatid mo. Nakakahiya sa kapitbahay natin. Ang iingay nila,” aniya sa kaniyang panganay.

“Mama, hindi po sila titigil kasi gutom na sila. M-malapit na po bang maluto iyang kanin?”

“Oo, malapit na. Kaya maghain ka na lang. Buksan mo na iyong sardinas. Mag-iingat ka sa paggamit ng kutsilyo.” Wala kasi silang abrilata kaya kutsilyo ang ginagamit nila sa pagbukas ng de-lata.

Tumalima naman agad si Rache. Kinuha nito ang kutsilyo at binuksan na ang sardinas na nasa maliit nilang lamesa. May awang humaplos sa puso ni Marites habang pinagmamasdan ang abang kalagayan ng kaniyang pamilya.

Diyos ko, kailan kaya kami makakaranas ng ginhawa? Tanong niya sa sarili.

Makalipas pa ang ilang minuto ay naluto na ang kanin. Inilagay niya iyon sa gitna ng kanilang mesa. Ang sardinas ay nakalagay sa mangkok. Nilagyan niya ng magkakaparehas na dami ng kanin ang pinggan nina Rachel, Dylan at Rebecca. Ang natira ay para sa kanila ni Jon. Susubuan niya ito dahil hindi pa ito marunong kumain mag-isa. Palagi itong nagkakalat kapag hinahayaan nila itong kumain ng ito lang.

Tig-iisa sila ng sardinas. Tamang-tama dahil limang piraso iyon.

Kinalong na niya si Jon para subuan ng pagkain. May kakaiba siyang naramdaman nang dumaiti ang balat nito sa kaniya. Mainit ang katawan ni Jon. Sandali niya iyong isinantabi. Umiiyak pa rin kasi ito. Pinakain niya muna ito at nang magkaroon na ng laman ang bibig ay saka lang tumahan.

“Mama…” ungot sa kaniya ni Rebecca.

“Bakit? Ano iyon?” tanong niya dito.

“W-wala na po akong ulam, mama,” tila nahihiyang turan nito.

Hinati niya ang kaniyang sardinas sa gitna. Ibinigay niya ang kalahati kay Rebecca. “O, 'ayan. Unti-untiin mo at wala na,” sabi ni Marites.

“Ang bilis mong mag-ulam, Rebecca! Mawawalan na naman ng ulam si mama dahil sa’yo!” turan ni Rachel kay Rebecca.

MamaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon