"Hindi mo na ako kailangang sabihan."

"Hindi? Napupulaan ako dahil mababagal kayo. Sinasadya mo lang yata!"

Lately, napipikon na siya sa'kin kasi hindi ko agad siya sinusunod. "Kung nagtatrabaho ka lang sana ng maayos, eh 'di sana hindi ka napapagalitan."

"Sira ka pala eh!" Napikon na siya kaya inawat na kami. "Sundin niyo ang gusto ko. Hindi ako natatakot kahit kaibigan mo pa si Miss Ken. Mas nauna ako sa'yo dito, tandaan mo 'yan. O gusto mong pag-usapan natin sa labas ang problema mo sa'kin."

Naalala kong bigla si Kuya Rogelio. Madaling pasukin ang gulo pero mahirap labasan. Gulo nga lang talaga pag pinatulan ko pa siya. Pasalamat siya, maganda ang mood ko. Hindi na ako nagsalita. "Rosen, tama na 'yan." Bulong ni Leni.

"Akala ko papalag ka eh." Umalis na si Danilo. Ano ba talaga ang ipagmamalaki ng taong ito? Sobra ang tapang ah. Maghintay ka lang.

"Rosen, hayaan mo na siya." Sabi ni Jerry nang makaalis na si Danilo.

"Isang araw, masasapak ko na 'yan eh." Sabi ko sa inis ko.

"Huwag mong gagawin 'yan. Gulo lang tapos bad record pa. Baka maphiya si Miss Ken. Okay na 'yun. Sanay na kami sa kaniya." Sabi ni Leni.

Kinabukasan. "Bakit ba hindi mo ako sinusunod ah." Sabi ni Danilo nang magkita kami.

Tarantado talaga. Napailing lang ako. "Alam ko sa sarili ko na nagtatrabaho ako ng maayos. Kaya kung hindi man kita sundin, nagagawa ko naman ang trabaho ko. Easy ka lang."

"Rosen, huwag mo akong susubukan. Hindi mo pa ako kilala. Wala akong paki kung isumbong mo ako kay Miss Ken. Baka balian ka namin ng buto. Kilala mo ba ako?"

Natawa lang ako. Linya ng mga taong duwag. Dinadaan sa dada. Nginitian ko siya. "Sige na. Para wala nang gulo, susundin na kita."

Umalis na siya. Nag-iwan pa ng tingin na masama. Nakakatawa lang. Akala niya natakot ako sa kaniya. "Basta tol, magtrabaho ka na lang. Ganiyan talaga 'yan pag ayaw niya ang empleyado. Pinupuntirya niya. Iinisin ka niyan. Tatakutin. Hanggang sa matanggal ka na. May nakaaway na 'yan dito. Nahanapan ng butas. Parang ikaw din kasi siya. Kaibahan lang, walang Miss Ken na tutulong sa kaniya. Isa pa, tropa sila ng supervisor. Kahit sila na ang mali, nagagawan nila ng paraan." Kwento ni Jerry dahil iba na ang pinapakita ko kay Danilo.

Ngumiti ako. "Okay lang 'yan." Pasalamat siya dahil nagbago na ako. Hindi ko siya target dito. Tama si Ate Paulina. Wala akong paki kung maging duwag ako sa paningin ng lahat. Ang importante, masaya ako dahil matuwid na ang buhay ko. At kailangan ko si Ken. Inaamin kong isa si Ken sa dahilan kaya lalo akong magpupursige.

Isang umaga na maganda na naman ang mood ko. Sinaluduhan pa namin si Ken habang naglalakad siya. Naramdaman kong tinulak niya ang noo ko. Ngumiti lang ako at tumawa si Jerry pagkadaan ni Ken. Iba talaga ang pakita niya sa'kin. Sana nga gusto na niya ako kahit janitor lang ako. Hindi naman daw malayong mangyari kahit sa mga pelikula lang. Sabi ni Ate Paulina, pinapakita sa pelikula ang pwedeng mangyari sa totoong buhay kahit kathang isip lang. Pero hindi talaga ako janitor lang kaya matutuwa si Ken sa bandang huli. Ang gusto niyang lalaki, karapat dapat pala sa kaniya.

"Rosen, pinapatawag ka sa CEO's office." Sabi ni Danilo sa'kin. Ano kaya ang sinumbong niya?

"Bakit daw?"

Lumapit pa siya sa'kin. "Ewan ko. Baka tatanggalin ka na?" Tumawa pa siya. "Ayokong makakahanap sila ng problema sa'kin ah. Malalagot ka sa'kin. Hindi mo pa ako kilala."

Sabay alis niya. Wala nga sigurong koneksyon sa problema namin. Kinakabahan ako ah. Mukhang Tatay ni Ken ang kakausap sa'kin. Saka ko naisip na medyo nagiging halata na talaga ang pagiging close namin. 'Di bali, kaya ko nang sabihin na hindi ako masamang tao. Pumasok ako sa office niya. "Upo ka." Umupo ako sa harap niya. Siya ang kauna-unahan kong nakausap dito nung nag-aapply pa lang ako. Alam kong mabait naman siya. "Ikaw daw si Rose?"

"A-ako nga po." Rose kasi ang tawag sa'kin sa cafeteria dahil kay Sir Ayie. Mukhang walang kinalaman sa pagtatrabaho 'to ah.

"Paano ka naging malapit kay Ken?"

"Siya po ang tumanggap sa'kin dito."

Nag-isip siya saglit. "Alam mo bang ang Anak kong 'yun ay napakahirap pangitiin?"

"Sabi nga po nila." Mukhang naghihinala na siya sa relasyon namin.

"Para siyang mabangis na hayop. Na-aamoy niya ang panganib sa paligid. Kaya alam kong hindi ka naman masama. Nagtataka lang ako."

"Mabait po siya sa lahat." Naalala ko ang sinabi niya tungkol kay Danilo. Naaamoy pala niyang masama si Danilo. Instinct na niya siguro 'yun ayon sa pakita sa kaniya. Kahit katulad ko na pilosopo nung ininterview niya. Ramdam niya na hindi talaga ako masama. Amazing girl.

"Iba ang pakita niya sa'yo. Espesyal ka sa kaniya. Napapangiti mo siya. Okay, aaminin kong natutuwa ako diyan. Pero hindi perpektong tao si Ken. Alam kong dadating ang oras na pwede siyang magkamali. Ang akala ko noong una, panandalian lang ito. Pero mukhang iba na ang pakita mo sa kaniya. Sana naman wala kang masamang interes sa kaniya."

"Maniwala kayo. Wala po talaga. Magkaibigan lang kami. Hanggang doon lang 'yun." Mukhang nahahalata niya na kami. Baka isipin niyang nanliligaw ako. Sabagay, janitor lang ako kaya kailangan niyang ilayo ang Anak niya sa'kin kung iisipin niyang manliligaw ako.

Ngumiti siya. "Alam ko naman 'yun. Inaamin kong nag-alala talaga ako pero napatunayan ko naman na hindi aabot sa mas mataas pa sa pagkakaibigan ang relasyon niyo."

Mas maigi nang hanggang dun lang muna ang alam niya para hindi siya mag-isip. Si Ken parin naman ang magpapasya at hindi sila. Oras na makilala nila ako, papatunayan kong mabuti ang intensyon ko. "Masaya lang po ako siguro dahil kaibigan ko siya. Pero wala po akong balak na iba pa. Alam ko naman po siguro na hindi kami bagay." Tumawa ako. Para iparating na alam ko ang nangyayari. Huwag nila ako pag-isipan na may plano ako kay Ken na ligawan siya.

"Alam ko 'yan dahil may boyfriend na si Ken..."

May boyfriend na si Ken...

May boyfriend na si Ken...

May boyfriend na si Ken...

Natulala ako dahil paulit-ulit na narinig ko ang sinabi niya. Sumakit bigla ang dibdib ko. Akala ko, gusto ako ni Ken pero hindi pala. Akala ko in love siya sa'kin pero akala ko lang pala 'yun. Ordinaryong empleyado lang pala talaga ang tingin niya sa'kin. This story upsets me.

Expect The UnexpectedWhere stories live. Discover now