Malapit nang dumilim ngunit hindi pa rin ako mapakali sa kung alin ang gagamiting sapatos. Nakailang ikot na rin ako sa harap ng malaking salamin at kanina ko pang pinagmamasdan ang suot na gown nang may marinig akong ugong ng sasakyan sa labas.
Dala ng kuryusidad ay agad kong tinungo ang malaking bintana at dumungaw mula rito.
Isang matangkad at matipunong lalaki na may kulay itim na sombrero at jacket ang nakita kong sinalubong ni Papa.
Halatang may mahalaga silang pag-uusapan at inanyayahan pa niya ito sa paborito niyang Cottage malapit sa hardin. Sa pakiwari ko'y maraming inuutos sa kanya si Papa dahil kanina pa siya nagsusulat. Nangalay na ako sa kakamatyag sa kanila ngunit hindi pa sila matapos tapos.
Kung sino ba kasing baliw ang nag-suggest sa kanya na ganapin ang celebration sa kalagitnaan ng gabi. Hindi na tuloy ako makapag party.
Naisip kong wala naman akong mapapala sa pagmamasid sa kanila dahil hindi ko rin naman naririnig ang usapan nila kaya ibinalik ko sa dating pagkaka-ayos ang kurtina at pumanhik sa silid.
Ilang minuto pa lang ang nakalipas ay nakarinig ulit ako ng mga ugong ng sasakyan. Agad kong tinungo ang bintana at sa pagdungaw ay nakita kong may isang sasakyan at dalawa pang motor na naka parada na sa harap ng bahay.
Hindi ko lubos maisip kung anong klaseng paghahanda ang naisip ng aking Ama. Mukhang hindi yata pangkaraniwan lang ang gaganaping selebrasyon mamayang gabi. Napapailing na lang akong bumalik sa aking silid.
Masaya ako at kinakabahan din dahil marami akong naimbitang kamag-aral at kaibigan ngunit dahil sa schedule hindi ako sigurado kung makakarating lahat sila.
Paulit-ulit kong sinasabayan ang tugtog at kinabisado ang steps ng sayaw hanggang sa hindi ko namalayan ay nakaidlip na pala ako.
Naalimpungatan na lang ako sa malakas na pagtunog ng malaking antigong orasan.
Bigla akong napabalikwas sa pagkakahiga at napatingin dito. Laking gulat ko na lang nang makitang oras na para bumaba ako ngunit kakagising ko pa lang.
Nagmamadali kong pinulot ang telepono at sinubukang tumawag sa kusina upang paakyatin si Aling Nona ngunit walang sumasagot.
Nag-panic ako dahil kahit advance pa ito ng isang oras ay gahol pa rin ako sa oras para makapaghanda.
Makailang ulit akong tumawag sa kusina para tulungan ako ni Aling Nona sa pag-aayos ngunit wala talagang sumasagot sa telepono.
Sa kakamadali ay hindi ko pa mahanap ang gown na binili ni Papa sa box na kinalalagyan nito.
Hinalungkat ko na lahat ng maaari kong paglagyan ngunit wala pa rin akong makita. Buti na lang at may pagpipilian pa ako na iba. Naghanap ako ng pwede kong isuot ngunit wala akong makitang mas maganda pa sa nakasabit na pulang gown kaya isinukat ko na lang ito.
"Tama! ito nga ang pinakamaganda sa lahat. Ito ang isusuot ko ngayong gabi."
Tumunog na muli ang orasan na nagpapahiwatig na alas dose na ng hating gabi. Hindi ko na hinintay pang tawagin ako ni Papa kaya nag-ayos ako bago lumabas.
Kilala ko na si Papa, hindi na bago sa akin ang palagi niyang pagsurpresa sa tuwing darating ang kaarawan ko. Malamang ay marami na naman siyang pakulong hinanda.
Dahan dahan kong inikot ang hawakan ng pinto at kinakabahang lumabas ng silid.
Ngunit hindi ko inaasahan sa aking paglabas ang bumungad sa akin.
"Papa!!!"
Natakpan ko ang labi matapos sumigaw dahil sa sobrang pagkabigla. Napapatadyak ako ng mga paa habang umiiyak at hinahabol ang paghinga ko.
Hindi ito magandang biro. Nakalupaypay ang mga kamay at wala nang buhay si Papa na nakasabit ang leeg sa tali.
"Hindi pwede!!"
Napasandal ako sa hawakan ng hagdan dahil nanghina ang tuhod ko sa nakita. Pinilit kong ihakbang ang mga paa para makalabas kahit pa nanghihina at nanginginig ang buong katawan ko.
Habang papalapit sa may pintuan ay nakita ko ang mga nagkalat na papel at litrato sa sahig. Para bang may humahatak sa akin na lumapit dito kaya naman isa-isa kong pinulot ang mga nagkalat na litrato.
Habang iniisa-isa kong tinititigan ang mga larawan ay napatigil ako bigla sa pagbalasa.
"Paanong napunta sa kaniya ito?"
Nagtataka at tulirong napatitig ako sa mga larawan.
Muli kong sinuri ang iba pang mga litrato dahil panay wide shot lang ang nakikita ko. Ngunit hindi nakaligtas sa aking paningin ang pagbago ng kulay ng gown na suot ng babaeng hindi na maaninag ang mukha dahil sa dami ng saksak sa katawan.
Naguluhan ako sa mga litrato. Wala man lang close-up shot. Mukhang malayo ang bangin kung saan ito kinunan ng litrato.
Ngunit may bagay na labis kong ikinasindak sa huling litrato. Nakilala ko ang babae dahil sa balat nito sa paa.
Tinitigan kong muli ang aking kasuotan kasabay ng pagkawala ng aking ulirat.
VOUS LISEZ
Debutante
NouvellesA/N The whole story is a work of Art. The name of the characters, place and events are all fiction. This story has been written years ago.
