Chapter 1

40.6K 448 6
                                                  

"AND THEY lived happily ever after..." pagtatapos ni Lola Asuncion ng pagkukuwento tungkol sa prinsipeng naging palaka at muling naging prinsipe dahil sa halik ng bidang babae.

Isinara nito ang librong pambata na kung tutuusin ay hindi naman naalis sa first page. Memoryado na nito ang alinmang kuwentong nakapaloob sa children's book na iyon na sintanda na ng panahon at nagpasalin-salin at nagkaroon na ng iba't ibang version.

Masuyong nginitian nito ang apong si Ella na nanatili pa ring nakaupo sa paanan ng rocking chair, nakayakap sa isang malaking almohadon, nagbubuntong-hininga at nangangarap.

In a couple of months' time she would be twelve. Kung tutuusin, ang mga ganoong kuwentong pambata ay para lang sa mga mas bata sa kanya. But she loved to hear stories with happy endings. Always believed in happy endings.

"Hija, kung umarte ka'y parang ngayon mo lang narinig ang kuwentong iyan. Napakaraming beses ko nang binasa ang kuwentong iyan sa iyo."

She wrinkled her nose. Tumayo at pinagpagan ng imaginary dust ang shorts at umupo sa armrest ng rocker. "Para pangatlo pa lang ito. Ang huli ay noong nasa Maynila pa kayo. Isa pa, you are the best storyteller in the world, Lola, alam mo ba iyon?"

Tumawa si Lola Asuncion. "Alam ko, Miss Ella The Dreamer, dahil pansampung beses mo nang sinabi sa akin iyan."

"'Lam n'yo, 'La, gusto kong maging writer balang-araw..." aniya at nilaro-laro ang pusod ng abuela. "Hindi ko nga lang tiyak kung gusto kong magsulat ng mga kuwentong pambata o ng mga kuwentong tulad ng..." She stopped in midsentence.

"Tulad ng sa Mills & Boon?" dugtong ng abuela na masuyong tumawa. "Duda akong gusto mong gumawa ng mga kuwentong a la-Grimm Brothers. Kung hindi ko pa alam na itinatakas mo ang mga pocketbook ng mama mo?"

Umiwas siya ng tingin. Hindi niya alam na alam iyon ng lola niya. Tuwing nasa villa siya ay palihim niyang kinukuha mula sa attic ang mga nakatagong lumang pocketbooks ng mama niya.

Tumingala ang abuela sa kanya. "I would have prohibited you from reading your mother's romance pocketbooks, Ella. Pero natitiyak kong mientras kitang aawatin ay lalo ka lang manggigigil na basahin iyon. At hindi ko naman malalaman kung bibili ka ng mga iyon pagbabalik mo sa Maynila."

"Eh, bakit n'yo naman ako aawating magbasa ng mga romance pocketbooks, Lola?" She toyed with her fingernails. Hindi gustong salubungin ang tingin nito. She knew what she meant and pretended innocence.

Her grandmother sighed. "Hija, may mga eksena sa mga librong iyon na hindi dapat para sa batang tulad mo. Pero sabi ko nga, hindi kita maaawat doon. Kaya umaasa na lang ako sa mga pangaral namin ng daddy mo sa iyo. Na sana, sa gulang mong iyan ay matutuhan mong ikapit."

"Oo naman." She shrugged her shoulders. Tumayo siya mula sa pagkakaupo sa armrest ng rocking chair at tinungo ang bintana. Mula roon ay natatanaw ang malawak na kagubatan. Alas-dos ng hapon at kainitan, gayunma'y tila hindi makalusot sa naglalakihang mga sanga ang sinag ng araw. Sa likod ng matatandang punong iyong ay ang ilog na siyang naghahati sa bayan ng San Fabian at ng Rosario.

Ang Rosario ay ang sinundang bayan at higit na malaki at maunlad kaysa sa San Fabian. But she loved this small town. Dito siya ipinanganak, sa mismong villa na pag-aari ni Asuncion Angeles, ang abuela niya sa maternal side.

Anim na taong gulang siya nang umalis sila sa San Fabian at nanirahan sa Maynila. Bagaman masama ang loob niya ay nagsawalang-kibo siya dahil alam niyang para iyon sa mama niya na nang mga panahong iyon ay paroo't parito sa Maynila upang magpagamot.

Hindi niya nalaman kung gaano kalubha ang sakit ng ina malibang tuluyan itong maratay. She was almost eight when her mother succumbed to breast cancer, matapos ang dalawang taong pakikipaglaban.

Iniuwi sa San Fabian ang mga labi ng ina at doon sa mausoleo ng pamilya inilibing. Dahil may matatag nang trabaho si Orlando sa Maynila ay hindi na nito magawang manatili silang mag-ama sa bayan ng ina. Hindi rin nito gustong iwan siya sa abuela. Ayon dito'y nawalan na siya ng ina kaya hindi dapat na magkalayo silang mag-ama.

Napilitan si Lola Asuncion na sumamang lumuwas sa Maynila upang arugain siya at punan ang pagkawala ng ina, na isang napakalaking bagay para kay Ella upang matanggap kahit paano ang maagang pagkawala ng ina. Subalit dahil matanda na ay hindi kayang pakibagayan ni Lola Asuncion ang buhay-Maynila. Hindi rin nito kayang tagalan ang polusyon.

Naging sunud-sunod ang pagkakasakit nito kaya ipinasya ni Orlando na pauwiin na muli ang biyenan sa San Fabian matapos ang mahigit isang taong pananatili sa Maynila. Nangako ito sa anak na sa San Fabian gugugulin parati ang dalawang buwang summer vacation.

Ito ang ikalawang summer na ginugol niya sa piling ng abuela. Sa pagtatapos ng klase ay inihahatid siya ng ama sa San Fabian at sinusundo, tulad ngayon, isang linggo bago magbukas ang klase. At tuwing sinusundo siya'y naroroon ang panghihinayang na iwan ang abuela at ang lugar na iyon. Lalo na at matanda na rin naman ito.

Kung hindi nga lang nito kasama sa villa si Tiya Lucila, isang malayong kamag-anak ng lola niya at ang anak nitong si Alma, na bata lang nang dalawang taon sa kanya, ay baka mag-alala siya sa matanda.

She turned to her grandmother who was watching her with a litle frown on her forehead.

"Do wishes really come true?" Nagkibit siya ng mga balikat. "I mean... tulad ni Rodora at ng palakang naging prinsipe."

The frown vanished and amusement lit the old woman's rheumy eyes. "Halos doce años ka na, Ella. Ang ibang kasing-edad mo, tulad ng pinsan mong si Alma ay nagsisimula nang magkaroon ng paghanga sa mga kabataang lalaki. Pero ikaw ay nakatuon pa rin sa mga kuwentong pambata ang buong kaisipan."

"I am not interested in boys, Lola. Gusto ko, tulad ni Rodora at ng iba pang mga character sa mga kuwentong binabasa ninyo sa akin ay matagpuan ko ang aking Prince Charming and then we will live happily ever after," nangangarap niyang sabi.

Her grandmother chuckled. "Walang masamang nangangarap, Ella. Pero sana ay itanim mo diyan sa isip mo na hindi lahat ng wakas ay happy ending..."

"Basta." She pouted.

"Siya, gumayak ka na at mayamaya lang ay nariyan na ang daddy mo."

Kanina pa makapananghali dumating ang daddy niya pero inutusan ito ng abuela na bumili ng pagkain ng mga manok sa bayan.

"Iginayak ko na kaninang umaga ang mga gamit ko, Lola," aniya. "Gusto kong magtungo sa ilog sa huling pagkakataon. Isang taon na naman uli bago ako makadalaw dito."

"O, siya... siya." Napailing ito at tumayo na sa silyang tumbatumba. "Sige na. Huwag kang magtatagal at alam mo naman ang daddy mo. Hindi niyon gustong abutin kayo ng dilim sa daan at humihina ang paningin niya sa gabi."

Hinagkan niya ang kulubot na pisngi ng abuela at patakbong tinungo ang malaking hagdan ng villa at nagmamadaling bumaba. 

Almost A Fairy Tale  by Martha CeciliaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon