Chapter 3

23.7K 450 1
                                    

"NANA Epang! Nana Epang!"

Halos magkandarapa sa pagtakbo ang matandang babae sa sigaw na iyon.

"Ano ka ba naman, Miranda? Bakit ba parang nagkakasunog kung makatili ka?" Maliban sa papa niya ay bukod-tanging si Epang lamang ang nakapagsasalita nang ganito sa kanya.

Naniningkit sa galit ang mga mata ng dalagita na itinuro ang kuwadro ni Aurea na nakasabit sa dingding.

"Sino ang nag-alis ng kuwadro ng mommy dito sa library? At bakit nakasabit ang larawan ng bruhang iyan diyan?"

"Bruha pala, ha?" si Aurea na nakasandal sa hamba ng pinto. "Puwes, ang bruhang ito ay ang asawa ng papa mo at wala kang magagawa kahit ano pa ang gawin mo." patuyang ngumisi ito.

"Hindi ka asawa ng papa dahil hindi ka niya pinakakasalan at hindi ka pakakasalan hanggang buhay ako!"

"Iyon ay dahil natatakot mo siya. Pero nangako ang papa mo na 'pag nasa Maynila ka na ay pakakasal kami."

"Wala akong pakialam! Alisin mo ang kuwadrong ito at ibabalik ko ang kay Mommy!"

"Nakita na ni Armando iyan at wala siyang sinasabi. Kaya maaari ba, Miranda, tumahimik ka na lang?" angil ni Aurea.

"Ah ganoon, ha?" Mabilis niyang hinablot ang kuwadro at inihagis sa harapan ni Aurea.

Biglang nanlisik ang mga mata ni Aurea. Nahagip nito ng tingin ang figurine na nasa tabi ng mesa at ibinato kay Miranda. Huli na para umilag siya. Nahagip ang tagilirang ulo niya.

Sindak na tinakbo ni Epang ang alaga at sinapo ang ulo.

"Dugo! Dumudugo ang ulo mo, Miranda!"

Nilingon nito si Aurea na hindi man lang naliligalig. Kampanteng dinampot nito ang kuwadro sa sahig.

"Baka ang akala mo, Miranda, lahat ng tao ay natatakot sa iyo. Puwes, nagkakamali ka. Asawa ako ng ama mo at dapat mong igalang!"

Nagdilim ang paningin ni Miranda sa nakitang dugo sa kamay ni Epang mula sa ulo niya. Inabot niya ang latigong nakasabit sa dingding. At bago pa nakahuma si Aurea ay tumama na sa katawan nito ang latigo.

Nakatatlong hagupit ang dalagita nang dumating si Armando.

"Miranda!" Mabilis nitong dinaluhan si Aurea na nalugmok sa sahig.

Pahisteryang nagtitili si Aurea at hindi malaman kung ano ang gagawin sa mga sugat sa braso.

"Ang walanghiyang anak mo, Armando! Papatayin ako!"

"Hindi ko akalaing magagawa mo kay Aurea ito, Miranda!" pagalit na wika ni Armando sa anak. "Sumosobra ka na!"

Sa halip na sumagot ay patakbong lumabas ng library si Miranda. Nag-iiyak naman nang todo si Aurea.

"Minsan man ay hindi ko pinanghihimasukan ang mga ginagawa mo, Armando!" si Epang. "Subalit hindi ko pahihintulutang sigaw-sigawan mo nang ganoon ang anak mo nang dahil lang sa babaeng
iyan!"

"Epang, nawawalan ka na ng galang sa asawa ko!" sigaw ni Aurea.

"Nakita mo naman ang ginawa ng alaga mo, 'di ba, Epang? Bakit hindi mo inawat si Miranda?"

"Itinanong mo ba muna kung bakit ginawa ni Miranda iyon? Nakita mo ba ang basag na piguring 'yan, ha? Bata pa ako ay narito na sa villa 'yang antigong figurine na iyan. Ibinato lang ng babaeng iyan sa anak mo. At 'eto ang dugo sa kamay ko." Inilahad nito ang palad. "Galing ito sa ulo ni Miranda!" pagkasabi noo'y lumabas ng silid si Epang.

Tinitigan ni Armando si Aurea.

Nang araw ding iyon ay umalis ng villa si Aurea. Totoong pinahalagahan ni Armando ang anak subalit hindi nito napigil si Miranda sa pag-iempake ng mga gamit.

"Doon na muna ako sa mga Tiya Soledad, Papa. Huwag kang mag-alala. Uuwi ako rito tuwing semestral break. Hindi ba at talaga namang balak mong sa Maynila ako mag-aral?" Inalis nito mula sa wardrobe ang mga damit.

"Pero sayang naman ang semester na ito, anak. Isang buwan na lang."

"Isang buwan na lang pala, eh. Kayang-kaya mo nang gawan ng paraan iyon, Papa. Isa pa, matataas naman ang grades ko."

"Miranda... I'm sorry," marahang wika ni Armando.

Hinarap ni Miranda ang ama. "Hindi ako nagagalit sa inyo, Papa. Pinaalis naman ninyo ang babaeng iyon, 'di ba? And I'm sorry, too. Hindi ko gustong maging hadlang sa kaligayahan mo, but you don't deserve a woman like that."

"Alam ko, hija. Matagal ko nang na-realize iyon. Hindi ko nga lang alam kung paano sasabihin sa kanya. Afterall, nawalan siya ng trabaho dahil sa pag-asang pakakasalan ko siya."

"Well, the cash you've given her ay sobra-sobra pa para magamit niya sa susunod na mga taon ng kanyang buhay," sarkastikong sagot ng dalaga.

"I just don't want you whipping and punching people around, anak. Tulad noong isang taon, kung hindi dahil kay gobernor, tiyak na matatagalan ang kaso mo."

Nagkibit ng mga balikat ang dalaga. "Tapos na iyon, 'Pa. Anyway, I guess I need a change of environment. Nag-long distance na ako sa mga Tiya Soledad at Tiyo Johnny."

Tumango-tango si Armando. Siguro nga ay makabubuting sa Maynila na muna mag-aral ang anak. Matandang kapatid nito si Soledad at military man naman ang asawa nitong si Johnny. Madidisiplina roon si Miranda.

Mga Latay ng Pag-ibig by Martha CeciliaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon