A/N
Paunawa:
Mangyaring huwag muling ipamahagi sa anumang anyo nang walang pag-aalala ng May-akda.
Sana po ay magustuhan ninyo.
Amber:)
***
Kakaiba ang tanawin sa taas ng gusali ng paaralan namin.
Parang kasing liit na ng mga langgam ang mga kotse na naguunahan sa kalsada. Kitang kita din ang mga estudyanteng kakababa lang ng jeep at papasok na ngayon sa eskwela.
Matapos suriin ang baba, tumingala naman ako sa langit. Bughaw na bughaw ito, ang paborito kong kulay. Sobrang klaro ng langit ngayon na ni isang ulap ay wala kang makikita. Isa ito sa paborito kong makita tuwing umaga.
Napaka perpekto.
Madalas akong tumitingala sa langit tuwing umaga. Pinagmamasdan ang nagliliparang mga ibon habang umiinom ng mainit na kape. Pangkumpleto lang ng umaga ko.
Parang lahat ng problema, kalungkutan, pagod, nawawala.
Masaya akong ginagawa ito...
...pero hindi ngayong araw.
Unang klase. Alas-otso ng umaga.
Kanina pa ako nakatayo sa harapan at nangagatog ang mga tuhod, daig ko pa ang ibibitay. Bakit ba kasi kinakabahan ako eh alam ko naman na wala silang interes at di naman makikinig sa akin? Kanina ko pa gustong magsalita pero parang may pumipigil sa akin sa kaloob looban ko.
Tsak na pagtatawanan nila ako pagnagsalita ako.
"Sige anak, magsalita ka na." Bulong ni Maam Values Education sa gilid ko. Nakatingin sya sa akin na parang nag-aalala. "Sige na. Wag ka nang kabahan." Tinapik nya ako sa likod para bigyan ako ng lakas ng loob, pero ni isang kurot man lang ng determinasyon, ay walang sumanib sa akin.
"Class, listen na. Makinig na kayo. Magkwewento na sya patungkol sa pamilya nya." Sabi ni Maam Values sa mga kaklase ko. Humina na ang ingay at lahat ay nakatingin na sa akin. Di ko maintindihan pero pakiramdam ko, nakataas ang kilay ng karamihan.
Dapat masanay na ako, lagi naman silang tumitingin sakin ng ganun e.
"Ahm.", simula ko.
Nawalan ng ingay ang kwarto. Kataka taka na lahat sila ay makikinig sa sasabihin ko. Natigil ang pagsesenyasan ng mga kaklase ko at tumingin sa akin na parang pinipigil yung mga tawa nila.
"Ang...ahm-"
Hindi na napigilan ng kaklase ko ang tawa nya. Nahinto ako sa pagsasalita at napatingin ako sa kanya na halos labas na ang ngala ngala dahil sa pagtawa. Nagbulungan naman yung mga kaklase kong mga babae at nahuli ko silang sumulyap sa akin. Huminto muna ako ng ilang segundo saka nagsalita ulit.
"Ang aking..."
Magsasalita sana ako pero napansin kong wala nang nakikinig. May nagtatawanan, nagkwewentuhan, gumagamit ng cellphone ng patago. Wala nanaman silang pakialam sa sasabihin ko.
Sa sobrang sama ng loob ko ay umupo nalang ako sa pwesto ko banda sa likuran. Halos nakasimangot na tumitig si Maam Values sa akin.
Bakit ba ganun ang tingin ng iba?
Para nila akong pinapatay sa titig nila.
Nakatitig lang si Maam Values habang nakasimangot lang sya sa akin. Pakiramdam ko ay naaawa sya, at ako ng kinakaawaan ako!
ŞİMDİ OKUDUĞUN
Mga Mahihinang Bulong ni Rebecca (Short Story)
Kısa HikayeKaylan nga ba papakinggan ang mahihinang bulong ng isang munting batang si Rebecca?
