Chapter 9: Miracle

11.9K 545 9
                                    

One, two, three . . . fall?

Kaya siguro "Tears of Midnight." Tama nga. Fall. Paghulog ng luha. Wow. Kung ako yung dating Nathan, mawawalan ako ng pakialam. Pero dahil binago ako ng isang buhay na manika, heto . . . parang kahit yung ibig sabihin ng mga tagong salita, naiintindihan ko.

Sobrang lakas ng sigawan ng mga tao rito sa paligid. May sigaw, may pito, may tawa, may tugtog. Pero ako, heto, inaabangan ko lang yung pagkanta ng vocalist.

"I've gone for too long, living like I'm not alive. So I'm gonna start over tonight . . . beginning with you and I."

"Miracle" ng Paramore. Sa unang dalawang linya palang na 'yon, isa lang ang naalala ko—Si Mary. Iyong una naming pagkikita kung saan sinabi niya na "Nabubuhay ako pero patay ang turing sa 'kin." Paanong hindi tatak ang bawat salitang sasabihin niya sa 'kin kung ganito siya kakaiba? Hindi lang siya naiiba e. Nag-iisa lang siya.

Habang kinakanta niya yung kanta, nakikita ko si Mary. Parang biglang nagtatransform yung vocalist. Lumulugay yung buhok, humahaba yung damit . . . at natatanggal yung maskara. Nakikita ko na ang kumakanta ay si Mary. Natatawa nga ako e. Ano ba tong ilusyong ginagawa ng utak ko?

Bukod sa kinakanta niya, may pinaparating siyang mensahe. Naalala ko tuloy yung sinabi niya noong huli kaming nag-usap. "Alam ko rin naman na mawawala tong alaala ko. O kung di man mawala, mababago. Kaya bago pa mangyari 'yon, sasabihin ko na. Ang mga alaala naman, hindi tinatago."

"I'm not going 'cause I've been waiting for a miracle, and I'm not leaving. I won't let you, let you give up for a miracle. And it might save you."

Miracle.

Naalala ko na naman si Mary at yung mga salitang iniwan niya nung huli kaming nagkita. "Pero kung nangyari na yung himala na hinihintay ko, siguro . . . siguro puwede na kong umalis." Bigla kong naalala yung araw na binigay niya yung mga pinakuluang buto ng rosas kung kailan tinanong niya yung tanong na gumimbal sa mundo ko."Naniniwala ka ba sa mga himala, Nathan?"

Heto, nakaupo pa rin ako. Hindi ko nga namalayan na hawak na pala ni Sam yung kamay ko. Hinayaan ko lang siya. Wala naman na 'yon sa 'kin. Hindi ko siya pinapaasa . . . siya 'tong umaasa.

Iyong mensahe ng kanta, malinaw na malinaw. Oo, si Mary . . . isang "kimkimadong" babae. Mapalad ako na ako yung pinili niya—ng diary niya—para malaman yung katotohanan tungkol sa kanya.

Totoo naman e. Iyong diary niya yung mismong lumapit sa 'kin. Kung hindi pa ako natapilok ng diary niyang 'yon sa kuwarto niya, hindi ko malalaman ang katotohanan tungkol sa buhay niya. Hindi kami magiging ganito kalapit ngayon.

Habang tumatagal, palakas nang palakas yung mga sigaw. Nakatingin lahat ng mata sa mga magagandang babaeng nakamaskara sa may stage. Hindi ko nga alam kung bakit si Mary ang nasa isip ko. Bakit nga ba? Siguro na-associate ko lang dahil "Miracle" yung title ng kanta.

"It's not faith if . . . if you use your eyes. Oh why?"

Bigla akong napatitig sa mga mata ng vocalist. Na hindi sa hindi ko alam na dahilan ay nakatingin na rin sa 'kin habang kinakanta niya yung susunod na verse.

"I just want, no, I just need this pain to end right here."

Tinuro niya yung puso niya pagbanggit niya ng salitang here. At saka ko napansin na may nakasabit na kuwintas sa leeg niya. Pero di ko masyado makita dahil hindi rin malinaw yung mga mata ko.

"I'm not going 'cause I've been waiting for a miracle, and I'm not leaving. I won't let you, let you give up for a miracle, and it might save you."

Hindi ko alam kung bakit—o kung tama nga ba yung nakikita ko. Hinahawakan niya yung maskara niya—o parang hindi. Parang . . . sumasakit yung ulo niya. Pero kahit ganoon, nakita ko siyang ngumiti at tinuloy ang palabas.

"It's not faith if . . . if you use your eyes . . . if you use your eyes . . ."

At saka ko nakita ang isang bagay. Isang bagay na napatayo ako. Isang bagay na nagudyok sa 'kin na pumunta sa may stage at bitawan ang kamay ni Sam.

Isang kuwintas na may krus.

"If you use your eyes . . ."

Habang binabanggit niya yung huling linya, tinanggal niya yung maskara. Pero habang nangyayari rin 'yon, dumilim rin sa may stage kaya halos wala narin akong nakita sa mukha nung babaeng 'yon.. Nagsigawan ang mga tao dahil siguro, lahat ay curious sa mukha ng bokalista.

Pero . . .

Parang may nakita ako. Parang may nakita akong isang luhang pumatak sa mga matang 'yon habang tinatanggal niya ang maskara niya . . . habang dumidilim sa entabladong tinatapakan niya.

Tumakbo agad ako papunta sa may stage at kinuha yung maskara na tinanggal niya. Saan ako pupunta? Backstage! Kung sa'n man 'yon, hindi ko alam. Nang hindi ako pinapasok ng guard, lumabas ako. Pumunta ako sa likod kung saan, tingin ko, sila lalabas.

Naghintay ako ng ilang minuto pero . . .

"Nathan!" sigaw ni Sam habang papalapit at tumatakbo. "Anong problema?"

Nawalan ako ng pag-asa na lalabas pa yung bandang 'yon. Malakas ang kutob ko na si Mary at yung vocalist na 'yon ay iisa. Nagtutugma sa lahat ng nangyari.

"Wala. Para kasing—"

"Iyong Tears of Midnight nasa loob a. Nagpakilala na sila."

Kumaripas ako ng takbo papunta ulit sa loob. Ang tanga ko! Naiinis ako sa sarili ko kung bakit ako lumabas agad. Pagpasok ko sa loob, humarap agad ako sa may stage.

Apat na babae lang na nakamaskara ang nakita ko. Wala yung vocalist.

"Puta!" mura ko. Hindi na kinaya ng puso ko yung galit at inis na nararamdaman ko.

"Nathan, anong bang nangyayari sa 'yo?" tanong ni Sam.

"Ba't hindi mo sinabing—"

Napatigil ako sa pagsigaw ko sana kay Sam. Pero ano bang malay niya kung sino ang hinanap ko? Hindi ko siya dapat sisihin.

"Sorry," sabi ko.

Lumabas ako ng bar, hinihiling sa langit na sana tama yung hinala ko. Na sana nasa labas pa yung babaeng 'yon, sosorpresahin ako na siya 'yon.

Paglabas ko . . .

Hangin ang sumalubong sa 'kin.

Dinala ako sa ospital, hawak-hawak ang maskarang tumakip sa babaeng hinangaan ko sa entablado at ang alaala ng kuwintas at ng luhang nakita ko. Naririnig ko pa rin yung boses ng babaeng 'yon . . . na alam kong siya rin ang manikang dahilan kung bakit hindi ako nakahinga noong gabing 'yon.

A MiracleTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon