PAGDILAT ko ng aking mga mata, nakita ko ang sarili sa'king kwarto, nakaupo sa sahig habang sapo-sapo ang aking ulo. Nadama ko ang pagtulo ng pulang likido mula sa aking mga daliri at agad akong nakaramdam ng hapdi.

"Damian... Damian... Damian... Hanggang kailan ka ba magtatanda? Sabi ko sa'yo eh. 'Di mo ako kaya." Mapanuyang sabi ng isang pamilyar na boses.

Matapos kong marinig iyon, muling nanumbalik ang galit sa'king damdamin. Nag-angat ako ng ulo at nang magtama ang aming mga mata'y biglang naikuyom ko ang aking kamao. Kumirot ang mga sugat sa'king mga daliri ngunit hindi ko na ininda pa iyon.

Wala na akong ibang maramdaman kundi ang pagkasuklam sa taong kaharap ko.

"Tsk tsk tsk. Alam mo ba kung ano ang nangyayari kapag masyadong nagpapabulag sa babae?" tanong niya habang pina-ikot-ikot ang isang mansanas sa kanyang palad. Tinapon niya ito sa ere at hinayaan na mahulog sa sahig. Inapakan niya ang kapirasong prutas na iyon at saka ako tinignan. "..bumabagsak."

Bumaba siya sa'king lebel nang hindi inaalis ang malademonyo niyang ngiti. "Pero wag kang mag-alala. Naayos ko na lahat para sa'yo."

Mistulang nasilaban ang aking ulo nang maramdaman ko ang paghimas niya sa'kin. Marahas kong winakli ang kanyang kamay kaya siya napahalakhak.

"Pwede ba, Hyde! Huwag ka ngang magkunwaring may pakialam!" bulyaw ko na lamang sa kanya. Hindi ko na matiis ang kinikimkim na galit.

Simula pa noon, kinamumuhian ko na siya dahil wala siyang ibang ginawa kundi kontrolin ang aking buhay. Sa bawat araw na lagi ko siyang nakakasama, palagi kong nararamdaman kung gaano ako kahina kung ikukumpara sa kanya.

Pero ngayon, sisiguraduhin kong mag-iiba na ang lahat.

Saglit na nabago ang ekspresyon ng kanyang mukha nang marinig niya ang nagngangalit kong boses. Marahan niyang sinapak-sapak ang kanyang dibdib at umarteng nasasaktan.

"Ouch! Ang sakit mo namang magsalita. Sabi nila 'blood is thicker than water.' Hindi mo ba alam iyon?" daing niya na hindi ko binigyan ng pansin. Sa tagal na naming magkasama, malinaw sa'kin na nagkukunwari lamang siya.

Oo nga't pareho kaming Figaro.

Iisa lang ang dugo't laman namin subalit malaki ang pinagkaiba ko sa kanya. Lalong-lalo na sa aking ama dahil lingid sa kaalaman ng tao, demonyo ang pamilya ko. Nanlilinlang at pumapaslang sila para lang makakuha ng kapangyarihan at yaman. Hindi ko kayang sikmurain iyon kaya't ginagawa ko ang lahat upang hindi mapabilang sa sindikatong pinapatakbo nila.

Hinding hindi ko hahayaang madungisan ang buhay ko.

"Haaaay... Alam ko. Galit ka dahil sa ginawa ko kay Eve, di ba? Eh masyado na kasi siyang pumapapel kaya tinakot ko lang. Konti lang naman!" Paniniguro niya pa na may halong tawa.

"Walang hiya ka!"

Nakita ko ang pagkabigla sa kanyang mukha nang bigla ko siyang sunggaban sa kuwelyo at hatakin siya patayo. Pinanlisikan ko siya ng mata kung kaya't dahan-dahan nawala ang ngiti sa kanyang labi.

"Tsk tsk tsk. Pati sa'kin, nawawalan ka na ng respeto. Sana pala tinuluyan ko na lang siya." Umangat ang kanyang dalawang kilay habang nakipagtalasan ng titig sa'kin. Hindi siya natitinag kahit halos sakalin ko na siya sa higpit ng paghigit ko sa kuwelyo niya. Sa halip ay napangisi pa siya. "Ahhh! Ba't di ko na lang kaya ituloy?"

Halos magdilim ang aking paningin sa'king narinig. Itinulak ko siya hanggang sa mapasandal ko na siya sa wasak na salamin na nasa likuran niya. Sa sobrang lakas ng pagkakadiin ko ay nagsibagsakan ang iilang mga parte nitong nabiak nang suntukin ko siya kanina.

WP New Stories' One-Shot Story ContestNơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ