SD 10

2.4K 76 31
                                    

NAGTATAKBO ako papunta kung nasaan si Nola. Malinaw na malinaw sa paningin ko ang unti-unti niyang paglubog sa tubig habang hawak ang mga mata niya. Hindi ako makagalaw. Parang nanigas ako sa kinatatayuan ko. Ilang sandali pa ay tumigil na ang pag-alon ng tubig sa pool.

Kitang-kita ko ang dahan-dahang paglutang ng katawan niya.

Cari . . .

Caricia . . .

Napailing ako nang tila um-echo sa tainga ko ang pagtawag niya sa akin. Parang sasabog ang ulo ko.

Reiko?

Nasaan ka na, Reiko?

Ano'ng ginawa mo kay Nola?

Para akong robot na hinakbang ang mga paa ko palapit sa pool. Tulala akong nakatingin kay Nola habang dahan-dahan kong inilulubog ang sarili ko sa tubig. Napapikit ako nang mariin.

Nola . . .

"Maniwala ka, Caricia. Kapag na-i-shoot mo 'yan sa vase na 'yon, matutupad ang kahit na anong i-wish mo," bulong ni Lhiza sa akin. Inilagay niya sa kamay ko ang dalawang gold coins na binili niya. Bente pesos ang isa n'on.

"Pumayag na akong mag-cutting tayo. Huwag mo na akong pilitin diyan sa mga paniniwala mo," himutok ko sa kanya. Napalingon ako sa paligid. Baka mamaya ay may kakilala ang nanay ko rito at isumbong ako.

Sasabihin na naman niyang hindi ako makaka-graduate ng high school.

"Huwag ka nang KJ diyan! Malay mo, diyan ka yumaman!" Humagikgik si Lhiza at saka nag-concentrate sa paghagis ng unang coin na hawak niya.

Ang vase ay nasa gitna ng malaking man-made falls. May malaking pigurin ng anghel sa taas kung saan nagmumula ang tubig na bumabagsak. Ang bunganga ng vase ay bahagyang nakalitaw sa tubig.

Nagkalat sa gilid ang mga gold coin na hindi na-i-shoot ng mga taong hindi ko maintindihan kung bakit napapaniwala ng ganitong style.

Napailing ako. Mas pipiliin ko pang ipambili ng pagkain ang bente pesos ko. Kung yayaman man ako ay hindi dahil sa vase na iyon.

"Ang wish ko po, sana ay pansinin na ako ng escort namin sa klase na si Bryan!" usal ni Lhiza.

Lalo akong napailing habang natatawa. Maski anong pagpapansin niya kasi roon ay hindi siya kinakausap.

Sinipat maigi ni Lhiza ang bunganga ng vase. Ilang segundo lang ay inihagis na niya ito.

"Wala ka talagang pag-asa," natatawa kong pahayag nang dumaplis ang barya.

Inirapan ako ni Lhiza at nagpapadyak siya sa inis. Walang pag-aalinlangan niyang inihagis ang huli niyang barya.

"Wala talaga." Napabunghalit ako ng tawa. Hinampas niya ako sa balikat.

"Ako na nga," pahayag ko. Tiningnan ko ang vase at tinantiya ang puwersang kailangan kong ibigay. Ipinikit ko ang kanang mata ko.

"I-shoot mo 'yan!" nag-pa-panic na cheer ni Lhiza sa tabi ko. "Sana po mapansin na ako ni Bryan!"

"Ewan ko sa pangarap mong 'yan. Dapat ang wini-wish mo ay makatulong ka sa kapwa!" nakangisi kong pahayag. Inihagis ko ang barya.

Sandali kaming natahimik.

"Cari," tawag niya sa akin. "Na-i-shoot mo!"

Niyugyog niya nang niyugyog ang balikat ko. Nagpaikot-ikot pa siya dahil sa kasayahan.

"Bibili pa ako! Iba naman ang i-wi-wish ko!"

Napailing na lang ako. Sana nga ay matupad ang wish niyang iyon. Kinawayan ako ni Lhiza bago tuluyang nagtatakbo sa bilihan ng gold coin.

"Excuse me?"

Napalingon ako nang marinig ang tawag na iyon. Bumungad sa akin ang isang babaeng nakasuot ng itim na cap. Halos hindi ko na makita ang mga mata niya. Mahaba ang buhok niya at tulad namin ay naka-uniporme lang din siya, ibang eskuwelahan nga lang.

"Can I ask a favor?" tanong niya. Mababa ang boses niya at garalgal.

Itinuro ko ang sarili ko at nagpalingon-lingon sa paligid. Wala namang ibang tao. Ako ba ang ini-Ingles niya?

"Ano 'yon?" tanong ko.

Bahagya pa siyang nagulat nang sumagot ako pero agad din siyang nakabawi. Hinawakan niya ang kanang kamay ko at inilagay sa palad ko ang isang dakot na gold coins. Nanlaki ang mga mata ko sa dami n'on.

Magkano kaya ang lahat ng ito?

"Please, shoot it for me. Kahit isa lang," pahayag niya na parang nagmamakaawa.

Hindi nakaligtas sa paningin ko ang mabilis na pagpahid niya sa kanyang pisngi.

Teka, umiiyak ba siya?

"Okay ka lang?" usisa ko.

Marahan siyang umiling. "Kahit ubusin mo 'yan, basta maka-shoot ka lang. Basta matupad lang ang wish ko."

Gusto kong mapairap. Anong klaseng wish naman kaya ang nasa isip ng babaeng 'to? Katulad ba ni Lhiza na tungkol sa lalaki?

"Bibili ako ulit kapag wala kang na-i-shoot. Nakita ko na-i-shoot mo 'yong sa kaibigan mo. Kaya please?"

"Lalaki ba ang dahilan?" hindi ko napigilang hindi itanong.

Hindi ko maintindihan kung bakit high school pa lang kami ay marami nang problema ang mga babae sa lalaki.

Tumango siya.

Tuluyan na kong napairap. "Bakit ba masyado kayong problemado sa mga lalaki? Alam mo, dapat nag-aara"

"It's for my kuya and my best friend."

Natigilan ako sa sinabi niyang iyon. Lalo siyang napahikbi. Tuloy-tuloy na umagos ang mga luha niya.

"Ma'am Nola!"

Dalawang lalaki ang dumating. Sa tikas at ayos nila ay para silang mga bodyguard. Mayaman siguro talaga ang babaeng ito. Hinawakan ng isang lalaki ang babaeng tinawag nilang Nola sa magkabilang braso.

A, Nola ang pangalan ng babaeng nagbigay sa akin ng isang dakot ng gold coins.

Nagpupumiglas si Nola. Nahubad ang sombrero niyang suot. Tuluyan kong napagmasdan ang mukha niya. Magang-maga ang mga mata niya, dahil siguro sa pag-iyak.

"Ma'am, hinahanap na po kayo. Nasa bahay na po si Sir Gift," mahinahong pahayag ng lalaki.

Doon natigilan si Nola. Ilang segundo siyang natulala. Nang makabawi siya ay binalingan niya akong muli.

"Please, shoot it. Ask that vase to bring my brother and best friend back to life. Please ask that freaking vase to change what happened. Please, save them!" Naghi-hysterical siya at pilit na kumakawala sa nakahawak sa kanya habang humahagulgol.

Nakatulala lang ako habang tinatanaw ang paglayo nila.

Ilang beses akong napakurap. Biglang nanghina ang mga tuhod ko. Unti-unti akong napaupo. Parang hinihigit ng lupa ang buong katawan ko.

Napapikit ako nang mariin.

"Cari! Hoy! Gumising ka na!"

Napabalikwas ako mula sa pagkakahiga. Parang puputok ang dibdib ko sa bilis ng tibok ng puso ko. Inilibot ko ang paningin ko. Nasa apartment ako.

"Okay ka lang?"

Dahan-dahan akong napalingon. Si Nola. Katabi ko si Nola.

"Para kang binabangungot," seryoso niyang pahayag.

"N-Nola?" Halos hindi ko maibuka ang bibig ko para magsalita.

Unti-unti siyang napangiti at niyakap ako. "Birthday ko ngayon! Ikukuwento ko sa 'yo ang Last Night."

switch dreams (WattysPh2019 Winner) ✔Where stories live. Discover now