"Tulungan mo ako, Cari."

Pakiramdam ko ay umiikot ang paligid. Nanghihina man ay pinilit kong lumingon kay Nola.

Napasinghap ako.

Basang-basa siya. Tumutulo sa sahig ang tubig na umaagos galing sa buong katawan niya. Halos hindi ko na siya makilala sa sobrang putla ng mukha niya. Nangingitim na rin ang mga labi niya. Unti-unti siyang ngumiti sa akin.

"Sorry."

Iyon lang at para akong tinakasan ng kaluluwa.

***

"NILAGYAN mo na?"

"Oo. Sigurado ka ba na 'andito siya mamaya?"

"Oo. Tuwing alas-kuwatro siya 'andito."

"Sigurado ka na ba diyan, Sally?"

"Oo! Inalis niya sa trabaho si Jun! Sumosobra na siya! Hindi por que maganda siya, akala niya lahat ng lalaki ay minamanyak siya!"

Hindi pa man nagmumulat ang mga mata ko ay awtomatikong bumangon ang katawan ko. Umikot agad ang paningin ko sa paligid.

Napasinghap ako nang mapagtanto ko kung nasaan ako—sa locker room ng swimming pool ng mga empleyado ng EnKay. Ito rin ang lugar na pinanggalingan ko kanina.

Sandali.

Swimming pool?

Dito ba namatay si Nola?

Bigla akong nakaramdam ng pangingilabot.

"Sally, baka kung mapaano si Ma'am."

"Ano ka ba, Lilac, tatakutin lang natin siya."

"Ano'ng gagawin ninyo?" nawiwindang kong tanong. Sabay silang napalingon sa direksiyon ko. Hindi sila nagulat. Tumaas pa ang isang kilay ni Sally.

"Daisy?" kunot-noong tanong ni Lilac.

Daisy?

Huh?

Teka . . .

Si Daisy ang kahera sa Enkay.

Si Daisy naman ba ang naging kapalitan ko?

Napamura ako nang mahina at sinabunutan ang sarili ko. Ano ba'ng nangyayari? Kung sino-sino na ang nililipatan ng kaluluwa ko!

"Hindi ak—" Naputol ang pagsasalita ko nang may magsalita.

"B-bakit kayo 'andito?"

Napalingon ako sa likuran ko nang marinig iyon. Napasinghap ako nang makita ko si Daisy. Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa kanilang tatlo.

"Bakit kayo 'andito?" muli kong tanong. Pero walang sumagot sa akin. Para akong hangin na hindi nila napapansin. Sinubukan ko silang kaway-kawayan pero hindi talaga nila ako nakikita.

"Ikaw? Bakit ka 'andito?" balik-tanong ni Sally. Nagkatinginan sila ni Lilac.

Hindi ko maintindihan kung ano ang pinag-uusapan nila pero sigurado akong hindi ako nag-e-exist sa paningin nila.

Swimming pool naman nila 'to, 'di ba? Bakit magtatanungan sila kung bakit nandito ang isa't isa?

"May nakalimutan lang ako," sagot ni Daisy at naglakad na siya papunta sa mga locker. Nang matagpuan niya iyon ay may kinuha lang siyang naka-brown envelope.

Binalingan niya sina Lilac at Sally. "Mamaya na raw i-a-announce kung sino ang mapo-promote bilang manager ng EnKay. Ano'ng ginagawa ninyo rito?"

"May nakalimutan lang din kami. Sabay-sabay na tayong umalis. Baka hanapin na rin tayo ni Sir Torque," yaya ni Sally.

switch dreams (WattysPh2019 Winner) ✔Where stories live. Discover now