Chapter One

9.4K 158 9
                                    

Chapter One

NAUNANG tumungo si Zel sa pinag-usapan nilang restaurant ng boyfriend niya—ang Aficionado’s. Iyon kasi ang paborito nilang lugar kapag nagdi-date sila. Medyo malayo kasi ito sa restaurant na iyon kaysa sa kanya. Samantala siya ay tatlong establisiyemento lang ang pagitan no’n sa pinagtatrabahuhan niyang restaurant. Si Charlie, ang boyfriend niya, ay sa Makati pa.

            Ang sabi nito ay susunduin siya nito para sabay na silang tumungo roon. Pang-third monthsary kasi nila, pero sinabi niyang maglalakad na lang siya patungo roon. Nandoon na nga siya, naghihintay dito. Mahigit treinta minutos na siyang naghihintay doon at kanina pa nagpapabalik-balik ang waiter sa kanya kung ano ang orders niya. Panay tubig lang ang in-order niya sa water.

            Pagkatapos niyang uminom ng tubig ay nakita na niya itong papasok. Biglang nagliwanag ang mukha niya. “Sorry, napaghintay kita,” hinging-paumanhin nito pagkaupo at pagkatapos humalik sa kanyang pisngi.

            “Okay lang,” kabit-balikat niya. Nagkakilala sila nito nang minsang magkabanggaan sila. Noong una, ay wala lang iyon. Pero nang sumunod na magkita sila nito—sa restaurant na pinagtatrabahuhan—ay nagpakilala ito sa kanya. Simula n’on ay nanligaw ito. Hindi naman ito mahirap na magustuhan dahil sadyang malambing ito, bagay na hinahanap niya sa lalaki. Mabait ito at sweet. Halos araw-araw nga itong tumatawag at nagti-text sa kanya. Hindi nga niya alam kung ano ang nagustuhan nito sa kanya, samantalang mahirap lang siya at marami ang nagkakandarapa ritong mga babae na ka-level nito. Ang sabi lang nito ay mahal siya nito. Siguro ay iyon ang mas importante, kuntento na siya roon.

            “Dumaan pa kasi ako ng mall. Order na tayo?” Pagkatapos ay tinawag nito ang waiter. Hindi na lamang niya iyon pinansin. Hinayaan na niya ito dahil alam na nito ang gusto niyang pagkain. Ganoon rin siya rito, halos lahat na yata na dapat niyang malaman tungkol dito ay alam na niya. Vocal ito, isang pang bagay na nagustuhan niya rito. Last month nga lang ay nagyaya na itong pakasal sa kanya, ngunit tinanggihan niya ito, hindi dahil wala pa sa isip niya iyon, kundi dahil sa may mga kapatid pa siyang pinag-aaral. Waitress siya. Siya kasi ang bread winner sa pamilya. Nangako itong tutulungan siya nito sa pagpapa-aral sa apat pa niyang mga kapatid pero tinanggihan niya ito.

            Hindi naman siya mapagsamantalang tao. Ang sabi niya rito ay magpapakasal siya rito sa tamang panahon at tamang oras, iyon ay ang pagtatapos ng mga kapatid niya. Maghihintay daw ito, na labis niyang ikinatuwa. Napaka-understanding nito sa kanya.

            Tapos na silang kumain nang may kinuha ito mula sa bulsa nito. “Ano 'yan?” tanong niya sa hawak nitong maliit na pulang kahon. Nahuhulaan na niya ang laman niyon, biglang tumahip ang dibdib niya. Humugot siya nang malalim na hininga.

            Ginagap nito ang mga kamay niya. “Honey?” anito. Mataman siyang tumitig dito. “Happy third monthsary,” ngiting-ngiting wika nito. “You know how much I love you…”

            Tumango-tango siya. Ano ba ang ginagawa nito? Hindi ba’t nagkaintindihan na sila nito na magpapakasal sila pagkatapos niyang pag-aralin ang mga kapatid niya?

            “Hindi na ako makapaghintay, eh.” Tumayo ito, kapagkuwa’y biglang lumuhod sa paanan niya.

            “Charlie—”

            “Liezl Mendoza, will you marry me?” wika nito.

            Pinagtitinginan na sila ng mga tao sa pagkakataong iyon. Ang puso niya ay halos hindi kumalma. Napalunok siya. Oo, mahal niya ito but it is too soon so settle down. “Charlie, 'di ba p-pinag-usapan na natin ito?”

The Fake Proposal (To Be Published in LIB)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon