KABANATA XIX

5.2K 206 20
                                    

KINABUKASAN ay agad na pinuntahan nina Nenita at Danilo si Ipang sa gubat. Muling nagtayo ng panibagong kubo ang matanda doon gamit ang mga dahon ng niyog at kawayan. Kumpara sa nauna nitong kubo ay mas nakakaawang tingnan ang tirahan nito ngayon. Mula sa labas ay kita na nila ang matanda na natutulog ng hapon na iyon. Nakahiga ito at nakauklo. Ayaw sana nila itong gambalain dahil mukhang nagpapahinga ang matanda pero naisip nila na siguradong ikakatuwa nito nang labis ang sasabihin nila.

“Aling Ipang… Aling Ipang…” tawag ni Danilo dito.

Gumalaw ang matanda at nagising. Bumangon ito at lumabas ng maliit na tirahan. “Anong sa atin? Bakit kayo tumungo dito?” tanong ni Aling Ipang.

“May sasabihin po kami sa inyo. Gusto po sana namin na doon na lang kayo manirahan sa Baryo Sapian. Kesa naman dito kayo sa gubat na hindi sigurado ang inyong kaligtasan,” nakangiting sagot ni Nenita. “Naisip kasi namin ni Danilo na mahihirapan kayo kung kayo lang mag-isa dito at walang kapitbahay na maaaring mahingan ng tulong kung sakaling kailanganin ninyo.”

Sandaling natahimik si Ipang. Tila nag-iisip ito ng mabuti. Maya maya’y matipid itong ngumiti at umiling. “Nagagalak ako na meron kayong pag-aalala sa akin pero kaya ko naman ang mag-isa dito sa gubat. Ilang buwan na rin naman ako dito at sanay na ako sa buhay na meron ako dito. Dito na lamang ako hanggang sa lubugan ako ng araw. Isa pa, nangangamba ako na baka hindi pa rin ako tanggap ng mga kabaryo ninyo sa Sapian.” Kahit ngumiti ito ay bakas pa rin sa mukha ng matanda ang lungkot.

Nararamdaman ni Danilo na malungkot si Ipang sa pag-iisa nito sa gubat. Sino ba naman kasi ang matutuwa na wala kang nakakausap sa buong araw? Siya nga, nang maisip niya na baka mawala sa kaniya noon si Nenita at baka maging mag-isa na lang siya ay ganoon na lang ang lungkot niya. Si Ipang pa kaya na nararanasan na ito.

“Huwag po kayong mag-alala. Ako na ang pinuno ng Baryo Sapian at nakikinig ang mga tao sa akin. Sasabihin ko sa kanila na wala silang dapat na ikatakot sa iyo dahil kung tutuusin, ikaw po ang naging susi sa pagkakabalik sa normal ng aming baryo. Utang na loob namin iyon sa inyo! Marami na rin naman ang nakakaalam sa inyong ginawa at kakaunti na lang ang bilang ng tao na aming papaliwanagan,” ani Danilo.

“Ganoon ba? Ngunit hindi kaya ako maging pabigat sa inyo doon? Matanda na ako, Danilo. Ang inaalala ko rin ay kung saan ako titira sa Baryo Sapian.”

“Kung tirahan lang din naman po ang inyong iniisip ay wala kayong dapat na ikabahala. Wala nang nakatira sa bahay ng kapatid ninyong si Aling Divina. At dahil kapatid ninyo naman siya ay sa inyo na ang bahay niya. At sinisiguro ko din pong hindi kayo magiging pabigat sa amin sa Baryo Sapian. Ang totoo niyan ay may naiisip akong maaaring gawin ninyo doon…”

“Ano naman iyon?”

“Maaari po bang kayo na ang pumalit kay Aling Divina bilang albularya ng aming baryo? Kung inyo po sanang mamarapatin…”

Bumakas ang walang pagsidlang saya sa mukha ni Ipang sa sinabing iyon ni Danilo. Naitutop nito ang dalawang kamay sa bibig. “Diyos ko! Totoo ba ang sinabi mo? Kukunin mo akong albularya sa inyong baryo?” Mangiyak-ngiyak nitong sabi.

Tumango si Danilo. “Totoo po!”

“Kung alam mo lang na matagal ko nang gustong bumalik sa panggagamot. Hindi lang talaga ako nabibigyan ng pagkakataon dahil sa hinuhusgahan agad ako ng mga tao base sa akiong hitsura. Kaya naman tatanggapin ko, Danilo, ang iyong alok! Sa Baryo Sapian na ako titira at manggagamot! Salamat, Danilo!”

“Walang anuman po.”

“Maaari ko ba kayong yakaping dalawa?”

“Oo naman po!”

In This Crazy TownTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon