KABANATA XVIII

5K 215 35
                                    


NAPALUNOK si Danilo sa sinabing iyon ni Ipang. Makakaya ba niyang patayin ang taong maraming tao na tumutulong sa mamamayan ng Baryo Sapian? Ngunit, kapag ginawa naman niya iyon, kapalit naman niyon ay gagaling naman ang asawa niya at mawawala na ang sumpa sa kanilang baryo.

Isang buhay kapalit ng maraming buhay.

Marahil nga ay kailangan niyang tanggapin na muli na namang mababahiran ng dugo ang kamay niya.

Nakapagdesisyon na siya. Papatayin na niya si Aling Divina!

Lumabas siya ng kuweba na dala ang kuwintas at itak na gagamitin niya sa matandang albularya para wakasan ang buhay nito.

Malalaki ang hakbang ni Danilo. Ngayong alam na niya na si Aling Divina ang may kagagawan ng lahat ay dapat na talaga niyang magmadali. Kasama ng asawa niya ang taong nagbigay dito ng sakit na iyon!


-----ooo-----


BINUKSAN ni Divina ang isang maliit na aparador sa kaniyang kubo. Sarado ang lahat ng bintana at pinto dahil nangangamba siya na baka may makapasok sa bahay niya na taong may sakit. Panay ang sigaw at pagwawala ni Nenita Isang garapon ang kinuha niya. May lamang fetus ang garapon. Nakababad iyon sa isang tubig na may kasamang mga dahon at ugat para hindi agad mabulok.

“Ito na siguro ang tamang panahon para--” Nagulat siya nang biglang bumukas ang pinto ng kaniyang bahay.

Napatayo siya habang hawak ang garapon. Ang buong akala niya ay taong may sakit ngunit si Danilo lang pala. May hawak itong itak at sa isang kamay ay isang kuwintas. Napatingin siya sa kuwintas na hawak nito. Kahit malayo iyon ay alam niya na ang kuwintas na iyon ay ang pagmamay-ari ng itim na mangkukulam!


-----ooo-----


KITANG-KITA ni Danilo ang gulat sa mukha ni Aling Divina nang makita siya nito. Pero siya ang mas nagulat nang makita niya ang garapong hawak nito. Hindi siya maaaring magkamali-- iyon ang garapon kung saan nakalagay ang fetus na anak nila ni Nenita! Ito pala ang kumuha niyon. Ngayon ay mas lalo siyang nakumbinse na ito nga ang itim na mangkukulam na nagbigay ng sakit kay Nenita. Walang duda iyon.

“D-danilo! Bakit nasa iyo ang kuwintas na iyan? Hindi mo ba naintindihan ang sinabi ko sa iyo? Mapanganib na hawakan mo iyan dahil sa--”

“Dahil sa hindi mo magagamit ang kapangyarihan mong galing sa diablo?” putol niya sa sasabihin nito. Nagulantang si Aling Divina sa sinabi niya. Nabitawan nito ang hawak na garapon. Gumulong iyon sa kung saan. “At bakit mo hawak ang anak namin ni Nenita?!”

Tigalgal na umiling ang albularya. “H-hindi, Danilo. N-nagkakamali ka! Oo. Ako kumuha nito kay Nenita. Kinuha ko ito para madali niyang matanggap ang lahat. Naisip ko kasi na mali na hinayaan ko siyang hawakan ang kasinungalingan na buhay ang anak niya sa pamamagitan ng pagbibigay sa kaniya ng garapon kung saan nakalagay ang anak ninyo na--”

“Tumigil ka na sa iyong kasinungalingan! Nakausap ko si Ipang at sinabi niya sa akin ang lahat at ang katotohanan. Alam kong ikaw ay kapatid niya at hindi talaga siya ang itim na mangkukulam kundi ikaw!” Itinuro niya ito gamit ang itak. “Ginawa mo ang lahat ng ito, isinumpa mo ang Baryo Sapian dahil sa sinisisi mo kami sa pagkamatay ng anak mo!”

“Oo! Sinisi ko kayo noon pero nakalimutan ko na ang lahat ng iyon. Ibinaon ko na iyon kasabay ng paglibing ko kay Sendong!”

Tumiim ang bagang ni Danilo. Nakita niya ang kalunos-lunos na kalagayan ni Nenita. Halos magdugo na ang pulso nito sa pagpipilit nitong makawala. Hindi na niya kayang makita pa ng ganoon si Nenita. Gagawin na niya ang lahat para mawakasan ang sakit na meron ito.

In This Crazy TownWhere stories live. Discover now