Kabanata 7: Si Zap Kulisap

235 2 0
                                    

Hindi pa rin kumilos si Calla Kalabaw upang matigil ang paglagas ng nag-iisang puno sa parang dahil, para sa kaniya, hindi niya iyon kawalan.

Patuloy naman ang paggapang ni Chrys Ahas. Mayroon siyang maitim na balak. Kahit pinahiya siya ni Calla Kalabaw noong nakaraang linggo, hindi pa rin siya sumuko sa pagsuyo sa reyna.

Hindi naman lingid sa buong parang ang kasamaan ni Chrys Ahas. Halos lahat ng hayop at kulisap doon ay umiiwas lang sa kaniya.

Pero, iba si Jack Tagak. Hindi lang siya umiiwas, hinihikayat din niya ang mga kaibigan niya, na putulin na ang kasamaan ng ahas nilang kasamahan upang manumbalik ang kaayusan sa parang at upang makita ng kalabaw ang tunay na problema rito at solusyon nito.

"Hindi matatapos ang kaguluhan, pag-aaway-away, at pag-usbong ng mga problema hangga't nakikinig si Calla Kalabaw kay Chrys Ahas," minsang sabi ni Jack Tagak sa mga kaibigan.

Naniniwala naman sila.

"Alam mo, Jack Tagak, hindi ko maintindihan noong kinausap ko si Calla Kalabaw, isang araw," turan ni Zap Kulisap.

Matamang nakikinig si Jack Tagak.

"Sabi ko sa kaniya, ang pagsusumbong nang mali ang nagiging dahilan ng kaguluhan sa parang," patuloy ni Zap Kulisap.

"Tama! Ano ang sagot niya?" tanong ni Jack Tagak.

"Si Chrys Ahas daw ba tinutukoy ko?"

"Siya naman talaga ang isa sa mga sipsip sa kaniya, a!" galit na singit ng tagak.

"Hindi ako nakasagot kasi kung ano-ano na ang sinabi niya. Kesyo magagalit daw si Chrys Ahas kapag nalaman niya na ganoon ang tingin ko sa kaniya. Ang gusto ko lang naman sabihin ay kahinaan ang labis na pagsisipsip upang siya ay lumakas."

Napamura si Jack Tagak. "Halata namang nagkakampihan silang dalawa. Hindi ko maintindihan si Calla Kalabaw kung bakit nakikinig siya riyan kay Chrys Ahas. E, obvious namang may masamang balak iyan sa kaniya para sa sarili niyang interes. Hindi tuloy natin masolusyunan ang mga problema sa parang dahil sa kanila. Patuloy at magpapatong-patong ang problema kapag hindi nila binigyang-pansin ang pinakaugat ng problema. Magkakasakit ang mga hayop at insekto dahil mawawalan tayo ng masisilungan pagdating ng matinding sikat ng araw o ng malakas na ulan."

"Grabe talaga siya, Jack Tagak! Hindi na niya naisip ang kapakanan nating mabubuti," malungkot na pahayag ni Zap Kulisap.

Naawa si Jack Tagak sa kaibigang kulisap habang laylay ang balikat na lumulukso palayo.

"Hayaan mo, Zap Kulisap, gagawa ako ng paraan!" pahabol na sigaw ng tagak.

Nang bumuhos ang malakas na ulan, marami ang sumisigaw ng tulong dahil halos na malubog sa baha ang buong parang. Nakalikas naman ang ibang hayop at insekto.

Si Jack Tagak , palibhasa may kakayahang lumipad, nakahanap siya ng masisilungan. Ang mabubuti naman niyang kaibigan na sina Daniel Daga, Susie Suso, Susan Uwang, Lala Langgam, Zap Kulisap, Barack Uwak, at Naty Bulate ay komportable sa kani-kanilang lungga. Katulad niya, ligtas sila sa buhos ng ulan at ihip ng hangin.

"Paano kaya si Calla Kalabaw?" naisip ni Jack Tagak. "Nalunod na kaya si Chrys Ahas sa kaniyang lungga? Naku, mababasa ang kaniyang maputing balat, pero maaaring bumalik ang kaniyang pag-aagnas." Isang makahulugang ngiti ang rumihestro sa kaniyang mukha.

Sumikat ang araw. Masayang nilipad ni Jack Tagak ang paligid ng parang upang kumustahin ang kaniyang mga kaibigan.

Pinuntahan niya isa-isa ang lungga ng mga kaibigan. Kaya, nang matapos niyang masigurong ligtas at nasa maayos na kalagayan ang mabubuting kaibigan, nagpahinga siya. Naalala niya si Susie Suso. Kaya, muli siyang lumipad at tinungo ang tirahan nito.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Oct 31, 2023 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Ang Alamat ng ParangWhere stories live. Discover now