Preface: BAGONG NAMAYAN

6.7K 115 19
                                    

"No matter how sexually attracted a man might be toward other men, or a woman toward other women, and no matter how close the bonds of affection and friendship might be within same-sex couples, there is no act of court or Congress that can make these relationships the same as the coupling between a man and a woman."

-          Orson Scott Card, 2008 AD

Winasak na ng Ikatlong Digmaang Pandaigdig ang maraming mga bansa. Sa Nalagpasang Gunaw noong 2021 AD, nilamon ng karagatan ang ilang kontinenteng ginuho ng mga lindol. Binalot ng nyebe at yelo ang buong daigdig. Kalahating porsyento ng mundo ang namatay dahil sa malawakang gutom, ginaw, radiation, at environmental damage na iniwan ng mga nagamit na nuclear at biological weapons. Pero mula sa nasirang kapuluan ng Pilipinas, tila phoenix na isinilang ang isang bagong bansang matatag, maunlad, at pinakamakapangyarihan sa Asya…

Ang Bagong Namayan -- isang kahariang nagniningning at matayog ang lipad sa kabila ng karimlang hatid ng Panahon ng Yelo.

Pinamamahalaan ng isang haring kung tawagin ay 'lakan' ang Bagong Namayan. Ang kasalukuyang lakan ng bansa ay si Lakan Dimalupig. Nahahati ang bansa sa Siyam na Balangay. Pinamumunuan ang bawat balangay ng isang mataas na panginoon o datu kasama ang kani-kanilang Maginoong pamilya: Si Datu Talim para sa Balangay-Sambal, Datu Daluyong para sa Balangay-Bataan, Datu Banuk para sa Balangay-Pampanga, Datu Lanaw para sa Balangay-Bulacan, Datu Kaliskis para sa Balangay-Tayabas, Datu Habagat para sa Balangay-Palayan, Datu Pagaspas para sa Balangay-Pangasinan, ang opisyal na tirahan ng Maginoong Angkan ng Lakan na Balangay-Tarlac, at ang teritoryo ng Benguet na direkta ring nasa ilalim ng kontrol ng lakan.

Ayon sa Dakilang Utos Blg. 32, ang pitong datu ay sumumpang hindi mangingiming gumamit ng dahas maipagtanggol lang ang maginoong angkan at ang kaharian… Dahas na hambog na ipinangangalandakan sa daigdig ng hugis-palakol na pulo.

Samantalang noong 2031 AD o 10 MG (Matapos ang Gunaw), dahil sa Propagandang Makalahi ng gobyerno ni Lakan Diwa na nagsusulong sa Dewesternization ng kamalayan ng Bagong Namayan, ipinatupad ang unti-unting paggamit ng mga pangalang gamit na ng mga sinaunang Pilipino noong Pre-Hispanic era sa kapuluan. Ang mga pangalang tulad ng ‘Alfred’, ‘Garcia’, ‘Santos’, at ‘Michelle’ ay pinalitan ng mga ancient Filipino names tulad ng ‘Mangubat’, ‘Lam-ang’, ‘Makisig’, at ‘Dalaga’.

Tulad din noong panahong hindi pa nakakatapak sa sinaunang Pilipinas ang mga Kastila, ang mga mamamayan ng kaharian ay muling hinati-hati sa Anim na Uri: Maginoo (ang dugong bughaw na angkan ng lakan), Maharlika (ang mga angkan ng lakan at ng pitong datu ng Bagong Namayan), Maygintawo (malayang mga mangangalakal, freemen, at noveau riche), Aliping Namamahay (mga angkan ng mga aliping nilaanan ng gobyerno ng sariling tirahan), at Aliping Sagigilid (mga aliping bawal magkaroon ng sariling tirahan). Napanatili ng pamahalaan ng bansa ang kapayapaan at kasaganahan para sa mga mamamayan kaya't kakaunti ang naglakas-loob o nag-abala man lang na tumutol sa nasabing caste system.

Pero isang pagsubok ang kasalukuyang kinakaharap ng Bagong Namayan – underpopulation. Pitong taon na ang nakalilipas magmula nang ipanganak ang huling mamamayan ng bansa noong 51 MG. Pinangangambahang ang pagka-baog ng marami ay resulta ng tumitinding Ice Age. Maliban sa pagkabaog ng mga tao, isinisisi rin ang underpopulation sa matagal na pagiging legal ng same-sex marriage sa Bagong Namayan at sa mga mamamayan ng bansang kung tawagi'y mga bayogin.

Sa mga pahayag ng kasalukuyang lakan ng Bagong Namayan na si Lakan Dimalupig, wala siyang ibang hangad kundi ang kaligtasan ng bawat mamamayan maging heterosexual man o bayogin. Kaya't sa ganap na ika-9 ng Hunyo, 59 MG, balak niya at ng kanyang Lupon ng mga Tagapayo na ipatupad ang kauna-unahang Panlahing Pagbubukod – a mandatory psychological test na tutukoy kung ang isang graduating high school student ay isang bayogin o isang ‘normal’ naheterosexual citizen. Bukod dito’y ipinagbawal na ang same-sex marriage sa buong bansa.

Lahat ng matutuklasang bayogin at magpapahayag ng kanilang pagiging bayogin sa Araw ng Pag-amin ay puwersahang magiging mga mamamayan ng government-built concentration camp o ghetto sa Balangay-Benguet na kung tawagi'y 'Bayogin Safety Zone'.

The catch: Ang sinumang maging mamamayan ng Bayogin Safety Zone ay hinding-hindi na makakalabas mula sa mga ito. Ang parusa sa lalabag sa nasabing batas ay bitay.

Ang Panlahing Pagbubukod, ayon kay Lakan Dimalupig, ang simula ng muling pananaig ng kapayapaan sa kanyang nasasakupan. Pero paano'ng magkakaroon ng kapayapaan sa isang bansang binabalot ng takot, galit, at diskriminasyon?

*AUTHOR'S NOTE: Your votes will be greatly appreciated! :)

MAGNANAKAW NG APOY (Magnanakaw Files #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon