“Anne! Itigil mo na ito!” sigaw ko ngunit wala lang ito sa kanya. “Bakit mo ito ginagawa? Bakit mo pinatay ang mga kaibigan natin?”

“Hindi ako ang pumatay sa kanila!” nawala ang ngiti sa kanyang labi at napalitan ito ng galit. “Ikaw! Ikaw ang pumatay sa kanila!”

Hanggang ngayon ay hindi ko parin maintindihan ang sinasabi nila ni Sammy, na ako ang pumatay.

“P-paanong ako? Anne, kailanman ay hindi ko magagawang pumatay ng tao. Lalo na ang mga kaibigan natin! Anne, tama na itigil mo na ‘to!”

“Itigil?!” huminto siya, ilang distansya na lang ang aming agwat. Itinutok niya sa akin ang patalim na hawak. “Pinatay mo silang lahat! Oo! Aaminin ko! Ako ang pumatay kay Lim at Andrew. Wala sa plano ko iyon ngunit kailangan ko iyong gawin para hindi ka nila matulungan! Iyon lang ang ginawa ko! Kaya huwag kang magpanggap na wala kang kasalanan! Ngayong nag-iisa ka na lang, magagawa ko na ang patayin ka! Dinamay mo pa si Dexter! Pati siya pinatay mo!”

Umiling ako sa sinabi ni Anne. “Hindi, Anne! Hindi ako ang pumatay kay Dexter!”

“Anong hindi?!” sigaw niya. “Kitang-kita ng dalawa kong mata! Pinatay mo sila! Pinatay mo si Dexter! Ang taong mahal ko!” nabasag ang boses ni Anne, at mangiyak-ngiyak siyang nagsalita. “Paano mo nagawa iyon? Bakit mo sila pinatay?”

“Anne, mali ang iniisip mo, kailanman ay wala akong pinatay!”

“Wala kang pinatay? Si Alfred? Si Coleen? Hindi mo sila pinatay?”

Naguguluhan akong umiling.

“Ikaw ang pumatay sa kanilang lahat! Si Alfred, nalunod siya sa ilog, nilunod mo siya hanggang siya ay mamatay! Nakita kita! Basa ang mga paa mo habang natutulog ka. Si Richard, ako mismo ang nakakita kung paano mo siya pinalo sa ulo at dinala sa kagubatan. Nagtago ako sa mga oras na iyon, rinig na rinig ko ang daing ni Richard habang sinusunog mo siya ng buhay!”

Hindi ko maintindihan ang aking sarili habang pinapakinggan si Anne, pakiramdam ko ay unti-unting lumilitaw ang mga pangyayaring iyon sa aking utak.

“Simula noong nakauwi na tayo, sinimulan kong bantayan ka Anna, at sundan ka saan ka man magpunta. Ang pagkamatay ni Adrian, kakadismiss pa lang iyon sa amin ni Adrian sa meeting nang bigla kang pumasok sa office. Paglabas n’yo, doon mo tinusok ang mata niya ng lapis. Kitang-kita ko kung paano mo siya inilibing nang buhay!” puro galit na ang nakarehistro sa kanyang mata.

Ako ay gulong gulo na, halos mabingi na ako sa mga naririnig kong boses sa aking ulo. Mga hiyaw at daing at iyak ng aking mga kaklase.

“Humingi ako ng tulong kay Sammy dahil natatakot na ako at baka ako na ang isunod mo, pero pati siya ay pinatay mo, Anna!”

“At nagtataka ka pa kung bakit ako lumayo sa’yo? Ha? Lumayo ako sa’yo dahil mamatay tao ka! Ni hindi ko alam kung ano ang dahilan mo sa pagpatay sa kanila.”

Unti-unting luminaw sa akin ang lahat.

Kung bakit napapanaginipan ko ang pagkamatay nilang lahat. Napanaginipan ko ang pagkamatay ni Alfred dahil iyon pala ang matagal nang plano ng utak ko. Hindi rin panaginip noong nakita ko kung paano namatay si Coleen, Richard, Adrian, Sammy, Christine at Diana dahil totoong nangyari ang lahat ng iyon. Nakita ko kung paano sila namatay dahil nandoon ako at ako mismo ang pumtay sa kanila. Hindi panaginip ang lahat.

At ang dahilan kung bakit ako sumusulat ng mga note, dahil sa akin din pala nanggaling ang lahat ng note na natanggap nila. Naalala ko kung paano ko binibigay ang mga note sa kanila, ang hindi ko maintindihan ay kung bakit ngayon ko lang ito naalala lahat.

Laro Tayo (Completed)Where stories live. Discover now