PASAN MO AKO, PASAN KITA

33 0 0
                                        

"Pasan kita, Pasan mo ako"

MAEJESTY

Siguro kung lumaki ako sa ibang bansa tulad ng Amerika o Europa ako'y lagalag sa North Michigan Avenue o ako'y palaging lango sa alak sa Connaught bar. Lahat tayo ay may mga tanong na mahirap sagutin o di kaya mga tanong na walang sagot. Lumaki tayong kuyumanggi, pango ang ilong, maraming sabi-sabi ng kanono-an ang pinaniniwalaan. Isa na doon ang tumanaw ng utang na loob sa mga taong sa iyo'y nagsakripisyo ang iyong mga magulang.

Mula noong mga bata pa tayo nakatatak na sa ating murang isipan na ako'y mag-aaral ng mabuti dahil pag ako'y nakahanap ng maayos na trabaho ako naman ang magbibigay ng rangya sa aking mga magulang. Pero papano pag noong ako'y nakatapos na ng pag-aaral, nakahanap nga ng trabaho pero dahil sa maraming kakompetensya kung anong trabaho nalang ay aking papasukan. Ako'y nasa tamang edad na, gustong makipagsabayan sa mga pangangailangan ng mga babaeng kaedad ko bagong damit, sapatos, bag, kolorete sa mukha at bagong pabango. Pero sa tuwing ako'y mag-aabot na ng aking pambayad agad kong maiisip "Ako ba ay nakapagbigay na kay Ina?" bulong ng aking konsensya kaya perang dapat sa mga personal na pangangailang kinalimutan na.

Ngayong may edad na ako gusto kong magtanong. Hanggang kaylan ko papasanin ang utang na loob sa aking magulang? Hanggang kaylan ako magbabayad utang? Hanggang sa maisip ko na lamang na mahirap pala magpalaki ng magulang. Masasaktan ka sa araw-araw dahil matigas ang kanilang ulo ayaw makinig sa mga sinasabi mo rason nila napagdaanan na nila yan, ikaw naman daw ang dapat matuto. Minsan sa sobrang sama ng loob maiiyak ka lang pero hindi ka galit. Uulitin ko hindi ka galit, maiiyak ka lang. Alam mo kung bakit naiiyak ka nalang sa kabila ng lahat? Kasi hindi mo sila kayang saktan, ang dami-dami mong gustong isumbat pero sa kaloob-looban mo lang sinasabi, hindi mo ito pwedeng sabihin sa harap nila dahil pagdamdamin na nila ang sinaktan mo humingi ka man ng tawad hindi nila matatanggap. Ikaw saktan mo ang sarili mo, iiyak ka pag gising mo bagong umaga lang.

Siguro kung lumaki ako sa ibang bansa tulad ng Amerika o Europa ako'y nakaupo sa isang upuang di gulong, kumakain ng malabsang kanin, walang lasang sopas, nag-iisa, kasama ang mga taong ni buong kabataan ko hindi ko kilala o nakasama at sa huli nakatingin sa malayo yung naghihintay nalang ba kung kaylan mapapagod huminga. Pero kumurap ako, hindi pala ako taga Europa o Amerika. Lumaki ako sa lupang hinirang, sa Silangan na sa tuwing sisikat ang araw bagong pag-asa. Mga taong hindi nawawalan ng pag-asa at patuloy na lumalaban sa hamon ng buhay.

Ngayon naalala ko na ang kabataan ko, sumakit yung dibdib ko dahil sa plema si Ina ngingiti at sasabihing okay lang yan ibibili ka ni mama ng gamut. Ngayon sasakit ang dibdib ni Ina dahil sa hika, maiiyak ako at iisipin kung saan kukuha ng perang pambili. Noon, madapa ako papagpagan ni Ina ang aking tuhod at hihipan. Ngayon madapa si Ina hindi ko pa kayang itayo. Noon, buhat ako ni Ina sa tuwing napapagod ako. Ngayon hindi ko kayang buhatin si Ina kahit sya ay nanginginig na ang tuhod sa bawat pagtayo. Lumaki ako kay Ina at Ama, hindi ako lango sa alak kasama ang barkada lumaki ako sa yakap at kalinga nila. Hindi pala mahirap magpalaki ng magulang ang mahirap? Ang pantayan ang pagmamahal na sayo ay binigay nila simula ng bata ka pa.

Noon, pinasan nila ako dahil mahal nila ako. Ngayon papasanin ko rin sila dahil nagmamahal ako.

PASAN MO AKO, PASAN KITAStories to obsess over. Discover now