Ngunit nang muling tumunog ang kanyang cell phone ay hindi na niya napigilang sagutin iyon para tumigil na ito sa pangungulit.

"Wala ako sa mood na sumagot sa mga tanong mo, Ai," agad niyang bungad dito.

Pero imbes na si Aika ang narinig niya, mga taong nagsasagutan ang narinig niya sa kabilang linya.

"Tumigil ka na, Ziggy, ano pa ba magagawa mo? Nasaktan na si Freya at umuwi na siya ng Canada kasama ng kapatid niya kaya huwag ka nang makulit." Narinig niyang sabi ng sa hula niya ay si Jaeda.

Natigilan siya nang marinig ang pangalan ng lalaki. Ano naman ang ginagawa ni Ziggy kasama ni Jaeda? At bakit parang nag-aaway ang mga ito?

"Pero kailangan kong magpaliwanag. Please naman... Sabihin niyo na sa 'kin kung saan ko siya puwedeng puntahan," pagmamakaawa ni Ziggy.

"At para ano? Sasaktan mo na naman siya? No way in hell, Zigmundo," boses ni Aika na mas malakas kumpara sa dalawa.

Ilang segundong katahimikan ang dumaan. Pigil-pigil niya ang kanyang hininga bago may muling nagsalita. "Hindi lang naman siya ang nasaktan..."

Natapos ang tawag sa sinabi ni Ziggy. Sinubukan niyang tawagan si Aika pero cannot be reached na ito. Ganoon din ang cell phone ni Jaeda.

Nagmamadaling lumabas siya ng bahay at nagtungo sa garahe. Isang lugar lang ang naisipan niyang puwedeng puntahan. Ang restaurant. Sana nga lang ay maabutan niya pa ang inaasahang maaabutan doon.

KANINA pa nagpipigil si Ziggy na sakalin sina Aika at Jaeda. Kahit anong pilit at makaawa niya kasi ay ayaw magsalita ng mga ito. Isang araw mula noong kasal ng kapatid niya ay bahagya niyang nalaman ang tungkol sa kapatid ni Freya.

Nang nakita niya ang dalaga sa bukana ng simbahan ay laking tuwa niya ngunit nang makita niya ang lalaking kausap nito sa restaurant at hospital ay ganoon na lang ang pagbangon ng selos at sakit sa dibdib niya. Ikakasal na ang mga ito o baka nga ikinasal na kaya bakit pa ba siya umaasang pupuntahan ni Freya? Kaya buong lakas niya itong tinalikuran at kinalma ang mga bisita para matuloy na ang kasal ng kapatid.

Nang matapos ang kasal laking gulat niya nang makitang naghihintay sa may labas ng simbahan si Tristan. Papalapit ito sa kanya. Walang anu-ano ay bigla na lang siya nitong sinuntok. Napaupo siya sa sahig sa lakas ng suntok nito.

"That's for hurting my sister, you jerk!" Tumalikod na ito at naglakad papalayo. Naiwan siyang tulala. Hanggang sa reception ng kasal ay ganoon pa rin ang isip niya upang maklaruhan sa sinabi nito. Sa pagkakaalam kasi niya ay matagal nang patay ang kapatid ni Freya kaya paano nito naging kapatid si Freya?

Nabuhayan siya ng loob sa sinabi nito kaya agad siyang dumiretso sa Lé Magnifique sa pag-aakalang matatagpuan niya roon si Freya ngunit nabigo siyang makita ito roon.

Dalawang araw na niyang kinukulit ang mga kaibigan ni Freya ngunit ayaw mag-cooperate ng mga ito. Lagi siyang tinataboy at tinatalikuran ng mga ito. Suko na siya sa mga ito kaya kailangan na niyang humanap ng ibang paraan para magkausap sila ni Freya. Isang tao lang ang pumasok sa isip niya.

Dinampot niya ang kanyang cell phone at may idinial na numero.

"Rieley, I need your mad skills, pare."

"Anong skills? Sa babae o adventure trip? Sure pare, marami akong spare para sa 'yo," pagyayabang nito.

Napailing siya. "Neither, pare. I'll be needing your detective skills though."

The Prude Damsel (published/unedited)Where stories live. Discover now