CHAPTER ONE

7.4K 145 1
                                    

NAGISING si Freya sa sunud-sunod na pagtunog ng doorbell niya. Napaungol siya at nagtakip ng unan sa ulo sa pag-asang magsasawa rin ang nagdo-doorbell. Tatlong oras pa lang ang tulog niya dahil puyat siya sa pagbabasa ng isang fiction series nang nagdaang gabi. Nagandahan kasi siya sa binabasa na hindi na niya namalayan ang oras hanggang sa natapos niya ang tatlong libro ng series.

Nang mukhang wala talagang balak umalis ng kung sino mang nambubulabog sa kanya napilitan na siyang bumangon.

Pupungas-pungas siyang bumangon sa kama. Hindi na siya nag-abala pang mag-ayos bago tinungo ang pinto. Hindi na rin siya nagsuot ng salamin niya dahil nasa bahay lang naman siya. Pagbukas niya ng pinto ay maagang bumungad sa kanya ang isang halimaw.

"Mor—" Hindi na nito natapos ang sasabihin dahil pabalabag niyang isinara ang pinto nang makita kung sino ang nang-istorbo sa tulog niya.

Hindi pa siya tuluyang nakalalayo sa pintuan ay tumunog uli ang doorbell. Sa pagkakataong iyon ay walang tigil na ang pag-doorbell nito. Kung hindi lang siya nahihiya sa mga katabing unit niya ay pababayaan niya lang ang bakulaw na iyon na magsawa sa kado-doorbell.

Nakataas ang isang kilay na binuksan niya ang pinto. "Ano'ng kailangan mo at ang aga-aga ay naghahasik ka ng lagim?"

Isang matamis na ngiti ang iginawad sa kanya ni Ziggy. "Morning!" Hinagod nito ng tingin ang kanyang ayos. "Nagso-shorts ka pala kapag natutulog."

Napatingin siya sa kanyang ayos. Isang lumang t-shirt at shorts lang ang suot niyang pantulog. "Bakit, masama ba?" mataray niyang tanong dito.

Nagkibit-balikat ito. "Wala lang. Akala ko kasi pajamas ang kadalasan mong sinusuot... Sobrang conservative mo kasi..." mahinang sambit nito ng mga huling salita.

Hindi niya iyon pinansin at pasimpleng sinuri ang ayos nito. Nakasuot ito ng white long-sleeves polo na pinatungan ng black vest at tinernuhan ng black slacks and black leather shoes. Guwapong tingnan ang mestisong mukha nito na mukhang bagong ahit. Ang bilugan nitong mga mata ay bahagyang naniningkit sa pagkakangiti. Namumula rin ang mga pisngi nito. Napadako ang kanyang tingin sa mga labi nito. Marahas siyang napailing bago tumikhim. "Ano ba talaga ang ginagawa mo rito?"

Hindi nawala ang ngiti sa mga labi nito. "Dinalhan kita ng breakfast mo. Your favorite for breakfast." Itinaas nito ang isang supot na hindi niya napansing dala-dala nito kanina.

Tumingin siya sa wall clock sa sala. Alas-otso pasado na nang umaga. Medyo gutom na nga siya dahil hindi siya naghapunan nang nagdaang gabi, brunch lang ang kinain niya dahil ayaw niyang hiwalayan ang binabasang libro. Wala naman siyang mapapala sa kusina niya dahil hindi pa siya nakakapag-grocery.

Mariin niyang itinikom ang mga labi nang malanghap niya ang mabangong amoy ng bacon at brewed coffee nang inilapit nito ang dalang supot. Sa sobrang kagutuman ay biglang kumalam ang tiyan niya.

Natigilan siya. Pinapanalangin niyang walang ibang may nakarinig ng pag-iingay ng tiyan niya. Nang magtama ang mga mata nila ni Ziggy, nakita niya ang malokong ngisi sa mga labi nito. Base sa hitsura nito, siguradong narinig nito ang pag-eeskandalo ng tiyan niya!

Kusa na itong pumasok sa loob. Tinungo nito ang kusina at inihanda ang mga pagkain sa mesa.

"Sinong nagsabi sa 'yo na puwede kang pumasok?" Humalukipkip siya habang nakataas ang isang kilay niya.

He gave her a boyish smile. "I took your stomach's grumbling as a sign para ipaghanda na kita ng pagkain."

Naramdaman niyang nag-init ang mga pisngi niya. Pinukulan niya ito ng masamang tingin.

The Prude Damsel (published/unedited)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon