Anumang pagkakatulad sa mga pangyayari, mga pangalan ng tao(buhay o patay), lugar, ay pawang insidente lamang at/o likha ng imahinasyon ng may-akda.
Maagang nakarating si Arthur sa kanilang paaralan, dahil sa hindi siya nakatanggap ng infocast mula sa kanilang paaralan na may pagbabago ng oras sa kanilang pasok. 12:08 P.M sulyap niya sa kanyang relo. Lumipas ang ilan pang mga minuto at hindi pa rin dumarating ang kanyang mga kaklase, at sa pagkainip ay napagdesisyunan niya na lamang na umidlip.
***
"Ehem! Arthur! Baka gusto mo nang gumising?"
Isang pamilyar na boses ang narinig ni Arthur sa kalagitnaan ng kanyang pagtulog. 'Sir?' Tanong niya sa sarili, at saka nag-angat ng ulo.
"Sir, pasensya na po, hindi na mauulit" paghingi niya ng paumanhin sa guro.
Nang umalis na ang guro sa kanyang harapan ay inikot niya ang paningin at nakitang kompleto na ang kanyang mga kaklase sa silid. Lahat ay tila nagpipigil din ng tawa dahil sa paggising sa kanya ng kanilang guro. Tumingin siya sa kanyang relo at nakitang 1:10 na ng tanghali. 'Napasobra ata ang pagtulog ko' sambit niya sa sarili.
"Anong oras pa kayo nagsimula?" Tanong niya sa katabi
"Kanina-nina lang din" sagot naman nito
"Anong oras ba ang klase?" Paghabol niya pa ng tanong
"Hindi mo ba natanggap ang mensahe? Ala una ang simula ng klase" Muli nitong pagsagot.
"A, sige salamat Chris"
'Nakakainis naman, bakit kasi hindi ako nakatanggap ng infocast na 'yon?'
Natapos na magturo ang kanilang guro at nagsitayuan na ang lahat upang magbigay ng paalam. Ngunit sa kanilang pagtayo ay sabay-sabay din silang natumba pabalik sa kani-kanilang upuan, kasama ang kanilang guro. 'Yumanig ba o sadyang nahilo lang ako?' Nagkaroon na ng iba't ibang reaksyon ang mga mag-aaral sa sabay-sabay nilang pagkakatumba. Ang iba ay nagsitawanan, ngunit ang iba naman ay nakaramdam na ng kakaiba, kabilang si Arthur.
"Diyan lamang kayo, at titingnan ko ang nangyayari sa labas" abiso ng kanilang guro
"Ano kaya 'yon?" Tanong muli ni Arthur kay Christian
"Hindi ko alam e, lindol?" Sagot naman nito.
Muling inikot ni Arthur ang kanyang paningin at napako ang atensyon sa nagyeyelong tubig ng kanilang guro na nakapatong sa lamesa. Kitang-kita niya kung paano unti-unting natutunaw ang yelo sa loob ng bote, doon ay napagtanto niyang may kakaiba na talagang nangyayari. Nang tuluyan na itong matunaw ay nakaramdam siya ng matinding init at napahawak sa kanyang leeg na tagaktak na rin pala sa pawis.
Inikot niyang muli ang kanyang paningin at nakitang kanya-kanyang punas na rin ng pawis ang kanyang mga kaklase. Doon ay napagdesisyunan niyang lumabas upang makakuha ng hangin dahil sobrang alinsangan na ng kanilang silid. Lalo na't nasa pinakataas na palapag pa sila ng gusali. Sa kanyang paglabas ng silid ay taliwas ang kanyang nakasalubong, lalong tumindi ang init na kanyang nararamdaman na tila ba ang kaharap niya ay isang malaking pugon. Napansin niyang nakatitig lamang ang kanilang guro sa itaas, akmang kakalabitin niya na sana ito ng biglang may kung anong bagay na tumama sa dibdib ng kanilang guro at ang agad agad na natumba. Nagulat siya sa nangyari kaya't napaatras ito hanggang napahawak siya sa bakal na humaharang sa bawat palapag ng gusali. Ngunit agad rin naman siyang napabitiw dahil sa lubos na init ng bakal, at napabaling sa guro. Lalong pagkagulat ang kanyang naramdaman nang makitang sunog na ang mukha ng kanilang guro at ang tumamang bagay sa dibdib nito ay hindi lamang pala basta-basta, umaapoy na bato.
Sa gitna ng kanyang mga pagtataka ay nakarinig siya ng isang pagtili ng babae na umalarma sa mga estudyante sa kanilang palapag. Lahat ay nagsilabasan ng kani-kanilang silid at nakita ang gurong nakahandusay sa lapag habang unti-unti nang nilalamon ng apoy. Nagsimula ng magsitakbuhan ang mga estudyante habang siya ay tulala pa rin dahil sa nasaksihan, sa isang iglap lamang din ay naubos ang lahat ng estudyante sa kanilang palapag. Napalingon siya sa kaninang tinitingnan ng kanilang guro at nakakita ng animo'y dambuhalang bola ng apoy. Napagtanto niyang doon nanggaling ang bagay na tumama sa kanilang guro. Nabaling naman ang kanyang atensyon sa ibaba kung saan nakita niya ang mga estudyante ng kanilang paaralan na para bang mga langgam sa liit na nag-uunahan makalabas.
"Arthur!"
Bumalik si Arthur sa ulirat ng marinig ang sigaw ng kanyang kaklase, si Christian.
"Arthur! Halika na dito! Delikado na jan!" Pagtawag pa niya kay Arthur.
Nais niya na sanang tumakbo papunta sa kaklase ngunit ayaw gumalaw ng kanyang mga paa. Tinitigan niya ito at pilit na pinapagalaw subalit parang nadikit na ito sa lapag.
"Arthur! Ano ba?!" Pagka-inip na tanong nito.
Napalingon si Arthur kay Christian na tila ba nawawalan na ng pag-asa sa kanyang mga mata. Nakapagbigay hudyat ito kay Christian upang takbuhin si Arthur at akayin pababa ng gusali.
***
Arthur
Sa bawat baitang na tinatahak namin ni Christian pababa ng gusali ay kasabay nito ang mga butil ng pawis ng pumapatak sa sahig.
"Chris, anong nangyayari?" Muli kong tanong sa kanya
"Wala akong ideya, basta't bumaba na muna tayo" sagot naman nito.
Sa loob lamang ng siguro'y isa't kalahating minuto ay nakapanaog na kami ng gusali. Saka ko muli tinitigan ang kalangitan habang patuloy ang paglaki ng bola na apoy na sumusunog na sa mga kabahayan at ibang mga puno. Tila ba'y papalapit ito ng papalapit sa mundo kaya't lalo din itong lumalaki. Doon ay naalala ko ang nabasa kong artikulo sa internet. Ito na nga ba ang magiging katapusan ng sangkatauhan? Anumang oras ay maaaring tuluyan ng bumagsak ang bulalakaw na iyon. Bulalakaw na sisira sa mundo, ngunit magiging dahilan ng pagsibol ng bagong buhay sa kalawakan.
"Paalam Chris"
Sambit ko sa kanya, at sinuklian niya naman ako ng pagtatakang mga tingin.
***
"Ehem! Arthur! Baka gusto mo nang gumising?"
Mga katagang gumising sa akin mula sa pagkakahimbing ng tulog ko at pagkakasasa sa paniginip. Dali-dali akong nag-angat ng ulo at agad na sumulyap sa orasan. Sa aking pagtingin ay kasabay nito ang paglipat ng mahabang kamay ng orasan sa ika-10 numero. 1:10 ng tanghali.
- W A K A S -
BINABASA MO ANG
Arthur
Science FictionKung mabibigyan ka ng pagkakataon na masilip ang hinaharap, nanaisin mo ba?
