Chapter 27: Pasko sa Mansion

Magsimula sa umpisa
                                    

"Naranasan mo na bang mag-pasko sa impiyerno, Father?" sabi ng Don.

Namutla si Father Markus.

At narinig niya ang kaluskos mula sa kisame.

At nang tumingala siya'y nakita niya si Miguel na gumagapang sa kanyang uluhan na parang gagamba. Tumingin ito sa kanya. Kanyang mukha'y nakapangingilabot. At bigla siyang umungol nang malakas, at ang kanyang mga braso ay humabang parang mga galamay at inabot ang leeg ng pari.

Napasigaw si Father Markus.

At siya'y nagising.

"Padre, okay ka lang?" tanong ni Andy.

Nakita ni Father Markus na katabi niya si Andy sa likuran ng Revo.

"Nanaginip ka ata, Father," sabi ni Hannah na nagmamaneho sa harap at may stick ng Marlboro reds sa pagitan ng kanyang mga daliri.

Inayos ng pari ang kanyang upo. Pinagpawisan siya. Panaginip. Isang panaginip lamang. "Anong oras na?" tanong niya.

"Quarter to Nine, Father," tingin ni Jules sa kanyang relo.

Tumingin sa bintana si Father Markus at nakitang nasa isang provincial road sila na bukirin ang paligid. "Nasaan na tayo?" tanong niya.

"San Ildefonso, Bulacan," sabi ni Andy. "At malapit na tayo sa kuta ng mga Satanista."

***

Dinala sila ng GPS tracker sa San Ildefonso, Bulacan na malayo na sa Metro Manila, lampas ng Baliuag at San Rafael at halos boundary na ng San Miguel. Dalawang sasakyan na magka-covoy. Pasado alas-nuebe ng gabi at madilim ang daan.

Biglang humudyat si Andy. "Huminto sila," aniya na nakatingin sa GPS map ng kanyang cellphone. "Itabi mo muna."

Nagsignal light si Hannah at itinabi sa side road ang Revo. Tumabi rin ang Pajero nila Tony. Nagbabaan ang mga sakay, nagsipagyosi at nagsipag-unat. Nakita nilang nasa kalagitnaan sila ng mahabang kalsada na bakanteng lote ang magkabila. Ayon sa GPS tracker ni Andy, huminto ang van ng mga Satanista mga dalawang kilometro mula sa kanila.

"Okay, kelangan na nating mag-ready," sabi ni Tony, at ipinasuot sa lahat ang mga jacket na may tatak na NBI. Mula sa Pajero ay kinuha niya ang malaking gym bag at nang buksan ay nakita nilang laman noo'y mga baril.

Ipinasa ni Tony ang mga baril. .38 pistols kina Hannah, Dean, Father Markus, Marissa, at Vic, at kay Jules, isang maliit na .22 caliber. Napataas ng kilay ang parapsychologist at pinagtawanan ni Hannah.

"Olats lang!"

"Okay, gets ko," sabi ni Jules. "Wala kayong tiwala sa marksmanship ko."

"Nag-iingat lang," hawak ni Tony sa kanyang balikat.

"Anong pakiramdam, Padre?" baling ni Andy sa pari. Hawak ni Father Markus ang trenta'y-otso.

"Dapat ata kay Father machine gun!" bulalas ni Hannah.

"Para 'yung tulad ni Philip Salvador nung gumanap siyang rebeldeng pari sa movie!" masayang sabi ni Vic.

"Baka si Balweg 'yung sinasabi mo," pagtapik ni Marissa sa balikat ng messenger.

"Ilagay n'yo sa safety ang mga baril tulad ng tinuro ko," sabi ni Tony sa lahat. "Remember 'yung mga natutunan n'yo sa firing range."

Nagtanguan ang lahat.

"Ikaw, sir, anong dala mo?" tanong ni Dean kay Tony.

Ipinakita ni Tony 12-gauge na shotgun.

"Wow, 'yan ang baril!" ngiti ni Dean.

"Okay, let's go!" hudyat ni Andy.

Nagsisakayan silang muli sa mga van at sinundan ang direksyon ng GPS tracker kung saan dinala sila sa mas liblib pang lugar, lubak-lubak na daan na walang ilaw sa poste't puro talahib ang paligid. Ilang minuto sa daanang lubak na ito'y nakita nila ang nabubulok na bakal na gate na papasok sa isang makitid na daan.

"Doon," turo ni Andy.

Itinabi nila sa gild ang mga sasakyan at nagsibabaan. Ang gate ay may sign na "Private Property. No Trespassing." Nakita nila ang tire tracks na ginawa ng itim na van ng mga Satanista papasok ng gate at naglakad sila para sundan ito. Mahaba ang makitid at maputik na daan, sa magkabila'y matataas na talahib. Madilim at tanging sinag ng bilog na buwan ang nagbibigay liwanag. Kaluskos ng mga dahon sa tama ng hangin habang patuloy sila sa paglalakad hanggang sa may matanaw silang nag-iisang bahay na nakatirik sa mataas na lupain.

Isang bahay na pinturado ng kulay itim.

Habang nagtago sila sa likuran ng puno't malalagong mga halaman ilang yarda mula sa Bahay na Itim, ay may na-sense si Hannah.

"Bakit?" tanong ni Jules.

"Naririnig ko sila. Mga kaluluwa," sabi ng psychic, nakapikit at hawak kanyang ulo.

Madilim ang lugar at kita nila ang outline ng bahay gawa ng liwanag ng buwan. May mahinang ilaw ang nagmumula sa mga bintana nito. Ayon kay Hannah, ramdam niya mismo ang kadiliman ng bahay, at siya'y napadilat.

"Angbuong bahay...ang buong bahay ay kasamaan," aniya. "Pure evil!"


NEXT CHAPTER: "Ang Bahay na Itim"

Ang Dalawang Anino ni SatanasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon