Inggo Inggitero

240 2 0
                                    

Napaaway na naman si Inggo sa kaniyang mga kaklase dahil sa pangingialam ng gamit na hindi sa kaniya.

"Ibalik mo na sa akin ang kinuha mong lapis at papel, kundi isusumbong kita kay Teacher!" sigaw ni Nilo habang hawak-hawak ang kaniyang dalawang braso.

"Wala akong kinukuha sa 'yo! Bitawan mo ako!" Tinulak ni Inggo si Nilo kaya napasubsob ito.

Bumangon naman agad si Nilo at hinablot ang bag ni Inggo para halughugin.

Kinabahan si Inggo habang hinahalungkat ni Nilo ang bag niya.

"Sinungaling ka! Sabi mo wala kang kinukuha. Bakit nandito ang lapis at papel ko?" galit na galit na tanong ni Nilo.

Hiyang-hiyang yumuko si Inggo sa dahil nabuking siya.

"Tara na, Nilo! Hayaan na natin iyan si Inggo Inggitero!" yaya ng kaniyang mga kaklase.

Lumakad na rin si Inggo patungo sa bahay nila.

Sa totoo lang may mga lapis at papel pa siya, kaya lang pudpod na. Ang papel naman ay gusot-gusot na, kaya naman kinaiinggitan niya ang mga gamit ni Nilo.

Nasa tahanan na si Inggo.

"Mano po, Inay!" bungad ni Inggo sa ina.

"Kaawaan ka ng Diyos, anak! O... anong nangyari sa bag mo? Bakit gusot ang mga gamit mo?" usisa ng ina.

Tiningnan ni Inggo ang bag niya. Nakabukas pala ito at magulo ang laman.

"Anong nangyari sa 'yo?" tanong ng ina.

"Wala po, Inay," nakayuko at halos pabulong na sagot ni Inggo.

"Anak, magsabi ka nang totoo... Ano ang nangyari sa 'yo? May ginawa ka na naman ba?" sunod-sunod na tanong ng ina para piliting umamin ito.

"Kinuha ko po ang lapis at papel ni Nilo. Naiinggit po kasi ako kasi sa kaniya mga bago at sa akin lahat, luma na," mangiyak-ngiyak na pag-amin ni Inggo.

"Makinig ka nga, anak. Hindi ba lagi kong sinasabi ko sa 'yo, na huwag na huwag kang makikialam ng gamit ng iba? Huwag mo nang uulitin 'yan, ha?"

"Opo, Inay."

"Sige, magbihis ka na at sumunod ka sa kusina para magmeryenda ka."

Tumango lang si Inggo.

Kinabukasan, nahuli si Inggo sa klase. Tinatamad pa kasi siyang pumasok. Nahihiya rin siya sa nangyari kahapon.

Pagbungd niya sa pinto, nagbulungan at nagtinginan ang mga kaklase niya.

"Ayan na si Inggo, inggitero na, pakialamero pa ng gamit! Huwag ni'yo siyang patatabihin baka mainggit sa gamit ni'yo... kunin na naman," pairap na sabi ni Nilo.

Narinig iyon ni Inggo kaya siya na mismo ang umiwas. Naupo siya sa pinakadulo. Wala siyang katabi.

Sa oras na iyon, gusto nang matapos ni Inggo ang klase para makauwi na siya dahil alam niyang siya ang pinag-uusapan ng mga kaklase. Kaya nang tumunog ang bell, hudyat na ng recess.

Nagpasalamat si Inggo at lihim na natuwa. Nagmamadali namang nagsilabasan ang mga kaklase niya. Habang aiya ay nanatili na lang sa room dahil wala naman siyang pambili ng pagkain. Pero, meron siyang baong dalawang piraso ng nilagang saging.

"Dito ko na lang ito kakainin para walang makakita sa akin na ito lang ang baon ko. Nakakahiya kasi. Sila, marami at masasarap ang baon, samantala ako, ito lang," usal niya sa sarili.

Habang kumakain siya, nakakita si Inggo ng pagkain, na nakapatong sa arm chair.

"Jollibee?!" Namilog ang mga mata ni Inggo bago niya ilapitan iyon habang palinga-linga sa loob ng kuwarto.

Dali-dali niya itong kinuha at lumabas na siya. Nagtago siya sa isang puno, kung saan malayo sa paaralan nila.

"Dito na lang ako. Siguradong walang makakakita at makakaalam na ako ang kumuha nito." Nilantakan na ni Inggo ang french fries, fried chicken, hamburger, spaghetti, at coke. Sarap na sarap siya sa pagkain at para siyang mauubusan sa bilis ng pagsubo.

Klang! Klang! Klang!

Nagulantang si Inggo sa narinig niyang tunog.

"Time na pala! Kailangan ko na itong ubusin." Kaya, sunod-sunod ang subo niya. Halos mabulunan na siya sa pagmamadali. Isinubo na niyang lahat ang hamburger sa bibig at pinunasan ito, sabay takbo patungo sa paaralan.

Nadatnan niya si Diana, na umiiyak dahil sa nawawala niyang pagkain. Napatingin sa kaniya ang mga kaklase, na parang sinasabi ng mga mata na siya nagnakaw ng baon ni Diana.

Hindi naman makatingin si Inggo. Patay-malisya na lang aiyang naupo sa kaniyang puwesto at nakikiramdam kung ano sasabihin ng mga kaklase.

Matapos ang klase, wala namang naganap na turuan kung sino nga kumuha ng baon ni Diana. Nakauwi nang maayos si Inggo at masaya siya dahil natikman na niya ang matagal na niyang kinaiinggitan at pinapangarap na pagkain.

Sa sobrang kabusugan, hindi na kumain si Inggo ng hapunan at natulog na agad siya.

"Araaay! Ang sakit ng tiyan ko!" Napabalikwas siya sa higaan at hawak-hawak ang humihilab na tiyan. Halos mamimilipit siya sa sakit. Pinagpapawisan pa siya. "Araaaay!" paimpit na ungol niya. Ayaw niya kasing marinig siya ng kaniyang ina. Sigurado siyang magtatanong naman ito. Ayaw niyang mabuking siya.

Namilipit pa sa sakit si Inggo.

"Ang sakit-sakit talaga. Baka ang ninakaw kong pagkain dahilan ng pagsakit ng tiyan ko. Sabi kasi ni Inay, huwag akong magnanakaw ng kahit ano, lalo na ang pagkain kasi sasakit daw ang tiyan ko. Totoo nga." Umiyak siya at napaluhod sa sakit. "Lord, pagalingin Mo na po ako. Pangako, hindi na ako magnanakaw at mainggit pa para hindi na rin nila ako tawaging Inggo Inggitero."

Mayamaya, unti-unting nawala ang sakit ng tiyan ni Inggo.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Apr 26, 2018 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Mga Kuwentong Pambata ni GinaWhere stories live. Discover now