PROLOGUE

5.1K 189 10
                                    


KANINA pa kinakagat ni Joshua ang mga kuko niya sa kamay. Papalit-palit. Kapag wala na siyang makagat na kuko sa isang daliri ay lilipat naman siya sa isa. Nakaupo siya sa isang sulok ng kwartong iyon. Nakatiklop ang kanyang dalawang tuhod at nakasandal ang likod sa dingding. Gulong-gulo ang utak niya at mababanaag iyon sa kanyang mukha. Nangangalumata ang kanyang mata at bahagyang nanginginig ang katawan. Napangiwi siya nang sumagad ang pagkakakagat niya sa kuko niya sa hintuturo. Tinignan niya iyon at nakita niya ang natuklap na laman doon. Dumugo pa iyon ng kaunti.

“T-tulungan mo ako, please…”

Kakagatin na naman sana niya ang kanyang kuko nang magsalita ang babaeng kasama niya sa silid na iyon. Magulo ang buhok nito at ang tanging saplot nito sa katawan ay ang panty at bra nito. May pasa ito sa braso at binto. May bahid ng dugo sa gilid ng labi. May natuyong dugo rin ito sa hita malapit sa pagkababae nito. Nakatali ang mga kamay nito gamit ang isang pinunit na tela ng damit. Walang patid ang pag-agos ng luha sa pisngi nito. Nakakaawa itong tignan.

Iniiwas ni Joshua ang kanyang mata sa babae dahil ayaw niyang talunin siya ng awa niya para dito. Muli niyang kinagat ang mga kuko niya sa kanyang daliri.

“K-kung papakawalan mo ako, h-hindi ako magsusumbong. J-joshua…” Muli siyang napatingin dito nang tawagin siya nito sa kanyang pangalan. “Joshua, tama? Iyon ang pangalan mo, 'di ba? M-may nanay ka rin o kapatid na babae. Paano kung sa kanila ito mangyari? Iyon na lang ang isipin mo. Nakikiusap ako sa iyo. Alam ko, nararamdaman kong hindi ka masama.”

Natutulirong ipinagpatuloy niya ang pagkagat sa kanyang mga kuko. Tama ang babae. Hindi siya masama. Kailanman ay hindi niya inisip na mapupunta siya sa ganitong sitwasyon.

Napapitlag siya nang biglang bumukas ang pinto at tuloy-tuloy na pumasok ang kaibigan niyang si Macoy. Pawisan ito at katulad niya ay banaag sa mukha nito ang pagkabalisa. Nilapitan nito ang babae at hila sa kamay patayo.

Napatayo na rin si Joshua at lumapit sa dalawa. “A-anong gagawin mo sa kanya?” Kinakabahan niyang tanong sa kaibigan.

Titig na titig si Macoy sa babae habang panay ang luha nito.

Walang namutawing salita kay Macoy. Hinila nito ang babae papunta sa kama na may bahid ng dugo ang bedsheet. Itinulak nito ang babae sa ibabaw niyon at patihaya itong bumagsak. Impit itong napasigaw. Kinuha ni Macoy ang isang unan at mariin nitong itinuon sa mukha ng babae.

“Macoy!” sigaw niya. Hindi siya makapaniwala sa ginagawa ng kanyang kaibigan.

Nilapitan niya ito at sinubukang pigilan. Hinawakan niya ang braso nito ngunit siniko lang siya nito. Sapol siya sa nguso at dumausdus pa siya sa sahig. Napaupo siya. Sinapo niya ang ngusong natamaan ng siko at nakita niyang dumudugo iyon.

Kitang-kita niya kung paano takpan ni Macoy ng unan ang mukha ng babae. Akala mo ay isdang inalis sa tubig na nagpapasag ang babaeng iyon. Sa hitsura ni Macoy ay tila desidido na itong patayin ang babae!

Muli siyang tumayo. “Macoy! Tama na!” Kinakabahan niyang hiyaw nang makita niyang tila humihina na ang pagpasag ng babae. Sa tingin niya ay mamatay na talaga ito!

HighWhere stories live. Discover now