Final Battler #3: Fate Diary

Start from the beginning
                                    

May pinagsamahan ba kaming dalawa kaya gano'n? Kasama kaya siya sa mga alaalang kumupas sa aking isipan? May koneksyon ba kami sa isa't-isa?

Napasuklay na lamang ako sa aking buhok. Bukas ko na lamang iisipin ang mga bagay-bagay. Masyado na akong napagod sa buong araw kaya't gusto ko na nang mamahinga. Ipinikit ko na lamang ang aking mga mata. Makakatulog na sana ako nang bigla akong nakaramdam na para akong nahuhulog.

Binuksan ko ang aking mata at tama nga ang aking hinala. Nahuhulog nga ako sa isang malalim at madilim na bangin. Nanlaki ang magkabila kong mata at napasigaw ng malakas dahil sa takot, ramdam na ramdam ko rin ang bilis ng pagtibok ng aking puso. Para itong bomba na sasabog sa bilis ng tibok. Napapikit na lamang ako ng mata upang maibsan ng kahit kaunti ang aking takot.

Nagpatuloy lamang ako sa pagsigaw hanggang sa bumagsak ako sa matigas na sahig. Napamulat ako ng mata at agad naman itong nanlaki dahil sa aking nakita.

Anong lugar ito?

Kulay ginto ang bawat pader na nakikita ko, kahit nga ang sahig at mga kagamitan ay kulay ginto rin. Nakakatakot tuloy humawak ng kahit anong kagamitan dito.

Napatingin ako sa aking likod at agad naman akong napatalon sa gulat nang nakakita ako ng isang babaeng nakangiti ng pagkatamis-tamis sa'kin. Mala-anghel ang kanyang hitsura ngunit grabehang takot pa rin ang idinulot niya sa aking katawan.

Tatakbo na sana ako palayo nang bigla niyang hinawakan ang aking pulso ng mahigpit. Lalo naman akong natakot sa kanyang ginawa. Ngayon nararamdaman ko na yata ang takot na naramdaman ng lalaking nakabangga ko sa ospital. Marahil ito ang nararamdaman niya nung nakita niya ako.

Muli sana akong sisigaw nang naglapat siya ng palad sa aking bibig, kaya pilit ko namang kumakawala sa kanyang mga kamay. Pakiramdam ko tuloy gagahasain niya ako kahit na babae siya.

Patuloy lang ako sa pag-alis sa kanyang mga kamay sa'kin nang bigla siyang nagsalita.

"Anak, 'wag kang matakot sa'kin. Ako ito, ang iyong ina." Kalmado niyang saad sa akin at kusang namang napatigil ako sa pagwawala. Napatingin ako sa kanya na diretsong rin namang nakatingin sa'kin.

Pinagloloko niya ba ako?

Lumuwang ang kanyang pagkakahawak sa'kin kaya't agad ko siyang tinulak ng malakas palayo sa'kin. Mukhang hindi niya inasahan ang aking aksyon kaya nakakalas ako sa kanyang piling.

Dapat ngayong oras na ito ay tatakbo na ako palayo sa lugar na ito, ngunit hindi iyon ang aking ginawa. Nanatili lamang ako sa aking kinatatayuan habang nakatingin sa aking kaharap.

"Pinagloloko mo ba ako? Paano kita naging ina? Kahit na wala akong naalala sa aking nakaraan, alam kong namatay ang aking ina sa isang aksidente!" Bulyaw ko at hindi siya natinag, muli siyang lumapit sa akin at hindi manlang ako gumalaw sa hindi malamang dahilan. Bakit nga pala hindi ako umaalis sa lugar na ito? Kanina lamang ay malaki ang aking kagustuhan na lisanin ang lugar na ito. Pero bakit parang gusto ng aking puso na manatili dito?

May naramdaman akong humawak sa aking magkabilang pisngi na nagpabalik sa akin sa reyalidad. Napatingala ako at nakita ko ang babaeng dapat kanina ko pa tinakasan.

"Amaine anak, pakiusap, makinig ka sa'kin. Nauubos na ang oras ko. Ako talaga ang iyong ina, binisita lamang kita sa iyong panaginip, nananaginip ka lang ngayon." Paliwanag ng aking kaharap at biglang kumalma ang aking katawan. Nawala na ang aking takot at kaba sa isang iglap. Marahil ay dahil ito sa kanyang sinabi sa'kin.

"Pero bakit mo ako binisita sa aking panaginip, ina?" Tanong ko at bumuntong-hininga naman siya. May kinuha siya sa kanyang bulsa at isang yong maliit na notebook.

Watty Writer's Guild Writing BattleWhere stories live. Discover now