Hanggang kailan ko pwedeng maramdaman 'to?

"Lalim ng buntonghininga natin ah," sabi ni Theo na nakahuli sa 'kin habang pumipili ako ng imemeryenda pauwi. Yes, uwian na, at lilipas na naman ang isang araw na hanggang landian lang kami. Hindi naman niya alam na siya ang dahilan ng malalim na buntong hininga na 'yon.

"Di ko kasi alam 'yong imemeryenda ko. Parang gusto ko ng hotdog at calamares at . . . fish ball. Feeling ko gusto ko rin ng siomai. Pero feeling ko ang sarap din ng kikiam . . . at ng kwek-kwek.

"Eh di bilhin mo lahat," sagot niya.

"Sapat lang budget ko para sa tatlong piraso eh." Pinakita ko sa kanya 'yong sampung piso.

"Libre kita."

"I'm a strong independent woman."

"Alam ko naman. Porke ba 'strong independent woman' ka, hindi na kita malilibre?"

Ngumiti ako.

"Lahat?"

"Lahat nga."

Ang ending, meron akong tatlong maliliit na hotdog, tatlong kikiam, tatlong fishball, at dalawang kwek-kwek na nasa isang cup na may matamis na sawsawan. Meron din akong siomai na nasa plastic na puno ng toyomansi habang naglalakad kami pareho pauwi.

"Alam mo—"

"Oo na, oo na," inunahan ko siya. "Matakaw na ako sa street food. Bakit ba? Gutom ako eh. Nag crave ako eh. Food is life."

"Ang defensive mo eh 'no? Hindi naman 'yon 'yong sasabihin ko."

"Eh ano ba?"

"Type ko mga babaeng mahilig kumain."

Ito na, mga kapamilya, kapuso, kapatid, mga kasama sa pananampalataya, mga ka-mantika! Ito na ba? Aamin na ba siya? Haha! Bakit ganyan siya magpakilig? Weh, sinong lelang ang niloloko niya?

"Woo . . . mahilig daw sa babaeng mahilig kumain," tukso ko.

"Totoo naman."

"Sabihin mo, sa 'kin ka mahilig."

HAHA! Confidence level lagpas Toguro na. To all fairness, natural pala natutunan 'to ano? Bale, kung binato ka niya ng banat, batuhin mo rin ng banat na banat.

"Sarap niyong gawing merengue, alam niyo 'yon?" biglang sulpot ni Sean na nag-bi-bike nang dahan-dahan. "Wag niyo na kasi pa-ikutin ang isa't isa."

Kunwaring hinabol ni Theo si Sean kaya nagpedal siya nang mabilis. Natawa lang ako habang inuubos ko 'yong pagkain ko.

"Loko 'yon ah," sabi ni Theo sa 'kin. "Alam naman niyang si Paul eh."

"Si Paul nga ba?" Ngumiti ako.

"Ha? Huy! Ano?"

"Wala. Sabi ko bakit ka sumipol."

"Anong sumipol? Sinong sumipol?"

"Sarap mong itusok sa barbeque stick, ano?" sabi ko sa kanya na may kunwaring pagtangka na tusukin siya ng barbeque stick na hawak ko. Ayoko na ulitin 'yong mga nasabi ko na. Ang bingi, nakakainis.

"Patikim nga ng siomai," sabi niya. "Parang ang sarap eh."

Pinatikim ko sa kanya 'yong siomai nang biglang dumaan 'yong dati kong school service. Biglang nakarinig kami ng isang malakas na "Yiiiii!" mula sa kanila. Natawa na lang ako.

"Gusto ng buong mundo na magkatuluyan tayo, 'no?" sabi niya.

"Ikaw, gusto mo ba?" tanong ko. Confidence level Janina San Miguel.

Lost and FoundHikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin