Ikaw at Kami

411 26 22
                                    


Naniniwala ako na sa puntong ito, hawak mo itong parihaba't lukot na papel sa iyong mga kamay. Bigla ka na lamang mapapaisip kung para saan nga ba ang bagay na ito at kung ano ang halaga nito sa iyo. Pasensya ka na, wala akong balak na guluhin ka. Sadyang ito lamang ang tanging daan upang masabi ko kung ano man ang dapat mong malaman-- matuklasan. Gagamitin ko ang "talento kong maituturing" sa paglalaro ng letra't mga salita; hinihiling na sana'y 'di mo ito ipagpasawalang bahala.

Ito.

Ang sulat na 'to.

Ang tanging hiling ko.

Sana ay tapusin mo.

Hanggang dulo.

     Natatandaan mo pa ba nang maging tayo? Nang sagutin kita ng "oo"? Ibang klaseng saya ang nadama ko noong araw na 'yon, walang halong biro. Puro at totoo. Sapagkat ikaw ang aking una. Una na hindi naging huli sa aking buhay.

     Tanggap ko naman. Tanggap ko na ako ang pangalawa. Ewan, basta, hindi ko maintindihan.  Sa tuwing kasama kita, nawawala ang lahat. Ang pagkainis ko dahil hindi mo ako sineseryoso. Ang selos na nararamdaman ko dahil hindi ako ang gusto mo't ang nasa puso mo. At higit sa lahat, ang galit ko sa 'yo dahil panakip-butas mo lamang ako.

     Tanga ba ako? Gago ba 'ko?

     Oo.

     Isang malaking "oo".

     Hindi na nakapagtataka iyon. Pumayag naman ako 'di ba? Nagpauto ako sa mga pakulo mo! Sa mga sinambit mo! Sa mga pangako mo. Sa mga mabubulaklak mong mga salita na nagpaantig sa puso ko at sa buo kong pagkatao!

     "Hindi kita mahal sa ngayon pero gusto kita. Alam kong mas lalo pa kitang magugustuhan. Bigyan mo lang ako ng sapat na oras para makalimot dahil mamahalin din kita nang buong-buo. Na sa 'yo lamang ako," sambit mo habang nakatingin sa aking mga mata.

     "Pangako," dugtong mo pa at saka mo ako biglang niyakap. Isang mahigpit na yakap na animo'y magpapatunay sa lahat.

     Nang sabihin mo ang mga iyon, hinayaan kita sa gusto mo. Ang sabi mo ay liligawan mo ako. Ipakikilala sa mga magulang mo't mamahalin mo. Subalit, tila mali yata ang narinig ko? Mali ako nang pagkakaintindi sa mga lumabas sa labi mo!

     "Sagutin mo na ako, please. Ito na 'yong pinakamalaki kong pabor sa 'yo. Gusto kong ipakita kay Geanne na hindi siya kawalan. Na ako ang sinayang niya. Na hindi niya kayang mag-isa dahil wala ako," tumikhim ito sumandali. "Parang awa mo na, please. Hinding-hindi mo 'to pagsisisihan. Hinding-hindi."

     Sa pangalawang pagkakataon, niloko kong muli ang sarili ko. Pumayag ako sa larong binuo mo; nagpakatanga ako!

     Ano bang mayroon ka? Ano bang mayroon ka at baliw na baliw ako sa 'yo? Bakit ako pa? Sa dinami-rami rito, ba't ako?

     Naguguluhan.

     Nagugulumihanan.

     Umaabot hanggang sa 'king kalamnan.

     "Hayaan mo muna ako. 'Pag nakalimutan ko na siya, sa 'yo na ako. Magkakaroon na ng tunay na "tayo". Kaunting tiis na lang. Sana ay mahintay mo ako."

     Labis-labis na ang pagmamahal na inialay ko. Lahat ng kalokohan mo ay pinatulan ko. Kung saan ka masaya, naroon ako. Sa mga pag-inom mo, sa kawalan ng gana mo sa buhay. Sa pagkawasak mo. Naroon ako! Hindi ako umalis! Hindi kita iniwan! Kahit na ano mang nangyari'y nanatili ako.

     Para sa 'yo.

     Sa 'yo!

     Ngunit, tila hindi umayon sa 'kin ang tadhana. Hindi nito ako napagbigyan na makasama ka. Pilit ka nitong inilayo sa akin. Hinayaan niya ako na mag-isa sa kawalan. Walang nagmamalasakit, walang may pakialam. Sa isang madilim na silid, bumuhos ang pinigilan kong pagluha.
Ang pighati ay kumawala!

     Tumawag ka sa akin isang araw. Gusto mong makipagkita, na tayong dalawa lamang. Walang pag-aalinlangan akong umalis sa amin nang hindi nagpapaalam. Sa isip-isip ko no'n, "Ok lang na mapagalitan ako ni Mama at Papa. Sasabihin ko na lang na may mahalaga akong ginawa."

     Sa totoo lang, hindi ko rin naman sila masisisi. Dahil mula umpisa pa lang, 'di na sila pabor sa ating dalawa. Saksi sila sa kalungkutang 'di ko namalayang naipakita ko sa kanila.

     Isa.

     Dalawa.

     Tatlo.

     Nauna kang dumating sa sinambit mong tagpuan-- sa parke. Suot mo'y asul na polo't itim na maong na bumagay sa 'yong kabuoan. Malalim ang iyong tingin. Seryoso. Walang matamis na ngiti ang mapapansin. Madilim. Tila may mabigat na kinikimkim.

     Napatingin ka sa aking gawi. Napatayo, at saka ka sumenyas na lumapit ako sa iyong tabi. Ako naman, nakaramdam pa ng kaunting kilig. Wala pang ilang segundo'y napalitan din naman ng nginig.

     "Tapos na tayo. Wala na. Wala. Sorry, sorry. Patawarin mo 'ko, Arianne. Hindi ko 'to sinasadya. Patawarin mo sa--." Hindi mo na natapos pa ang gustong mong sabihin.

     Isang malakas na sampal.

     Makahulugan.

     "Anong tapos na? Anong tapos na tayo, Migs? Talagang niloko mo lang ako, ano? Pinatutunayan mo talaga na pampalipas oras mo lang ako? Na wala akong halaga sa 'yo?" mariin kong sambit.

     "Tangina. Ano 'to? Gaguhan? Isang malaking kalokohan? Sa isang iglap wala na? Dahil sa alam mong mahal kita dati pa ay lolokohin mo na lang ako? Tatapak-tapakan mo na lang ako nang ganito?" dugtong ko habang unti-unting tumutulo ang luha sa aking mga mata.

     Masakit.

     Masakit umasa.

     Masakit maniwala sa kasinungalingan.

     "Buntis si Geanne! Buntis siya," malakas mong sagot. "Kailangan ko siyang panagutan. Kailangan niya ako, Arianne. Kailangan nila ako."

     Ikaw.

     Ako.

     Mananatili na lang ba tayong panghalip na hindi konektado?

     "Patawarin mo ako... Wala 'to sa inisip ko. Kaya't nandito ako, Arianne. Gusto ko nang matapos ito hindi lang para sa ikabubuti ko. Kundi para rin sa ikabubuti nating dalawa."

     Ikaw.

     Paano mo 'to nagawa?

     "Hindi ako para sa 'yo. May mas mabuting darating na magmamahal sa 'yo nang tunay at buong-buo. Isa lamang akong kamalian na nararapat mo nang burahin diyan," sabay turo sa aking dibdib. "Kailangan nila ako. Patawad."

     Kung binabasa mo pa rin ito hanggang dito, nais kong magpasalamat sa 'yo.

     Sa kabila nito, humihingi rin ako ng kapatawaran sa 'yo at sa pamilya ko. Patawad dahil hindi ninyo na ako magagawang makausap matapos nito. Patawad dahil sa napili kong aksyon.

     Ikaw.

     Kami.

     Kami ng magiging anak mo.

     "Wala na."

Ikaw at KamiWhere stories live. Discover now