Makulimlim ang kalangitan. Nagbabadya ng masamang panahon. Parang inilalarawan nito ang buhay ko ngayon.
Unti unting bumabagsak ang butil ng ulan. Tulad ng unti unting bumabagsak ang luha sa aking mga mata.
Masakit. Sobrang sakit. Parang pagbuhos ng ulan ang pagbuhos ng mga ala alang gusto ko ng makalimutan. Mga ala alang pumapatay sa kaliit liitang himaymay ng aking pagkatao.
"Lumalakas na ang ulan ng umuwi galing sa kanilang paaralan si Ella. Mula sa kanilang bahay, bumungad sa kanya ang mga tao. Mga taong nakikiusyuso. Na kahit gaano na kalakas ang ulan ay wala yatang makakapigil sa kanila para mag usisa.
Pagpasok sa kanilang tahanan, natulala siya sa kanyang nadatnan. Hindi siya makakilos. Hindi siya makapagsalita. Ni ayaw man lang niyang ipikit ang kanyang mga mata dahil sa pagbabasakaling dinadaya lamang siya ng kanyang nakikita.
Sa sahig nandoon ang kanyang ina, ang kanyang pinakamamahal na ina, ang nag iisang tao na kasama niya sa buhay, wala ng buhay at naliligo sa kanyang sariling dugo.
Sakit. Galit. Poot.
Sakit. Galit. Poot. Sigaw.
Iba't ibang klase ng sigaw ang umaalingawngaw. Hanggang sa unti unti na siyang nilamon ng kadiliman."
Yugyug sa balikat ang muling nagpabalik ng katinuan ni Ella. Si Sister Alice pala ang kanina pang kumakausap sa kanya at oras na raw para sa misa. Habang nag aayos sa harap ng salamin, dalawang mukha ang nakikita niya. Nakikita niya ang mukha ng isang inosenteng bata, at mukha ng isang mamamatay tao.
