"Okay. May I call on all the single gentlemen in front!" anang wedding host. Tapos nang kumain ang lahat, nagawa na ang ibang seremonya sa reception, at ngayon ay ang garter toss na.

At tinotoo ni Matthew ang pagsasabing lilipat sa tabi niya kapag natapos nang kumain. Kaya bago pa mag-umpisa ang program ay nasa tabi na nila ang binata. Mabuti na lamang at kamag-anakan din ng mga ito ang kasama nila sa lamesa.

Paglipat ng binata roon ay panay tanong ang inabot nito sa mga pinsan na kasama nila sa lamesa. And she can't help but admire the mutual respect that she saw among the cousins. Kahit na ba nagbibiro ang mga ito, naroon ang paggalang.

"Sa unahan na raw, bayaw," ani Daniel.

"Kuya Matthew, galingan mo! Aba, nakakadalawa na sina Ate Lynette, ikaw, wala pa man lang kahit isa," anang pinsan nito.

"Mag-antay kayo, sa isang taon magkakaroon na rin ako," ani Matthew.

"Sus, hindi kami sure! Sa dami ng naging girlfriend mo, Kuya, baka may mga panganay ka na, hindi mo lang sinasabi sa amin," biro ng isa pang pinsan ni Matthew.

"Hindi ako gano'n!" ani Matthew.

"Oo, maingat 'yan si bayaw," ani Daniel na tumatawa.

Tumawa rin si Matthew, "Kapag ako talaga nabasted, lagot kayong lahat sa akin," nilingon siya ng binata. "Wag kang maniniwala sa kanila. Sigurado ako walang batang pakalat-kalat. Hindi ako ganoong uri ng lalaki," anito.

Ngumiti lang siya sa binata, tumingin siya sa unahan. Ayaw niyang makita nito ang nagkakagulong emosyon sa loob niya. Masyado pa naman siyang mabilis mabasa, hindi siya maalam magtago ng emosyon.

"Single gentlemen, in front po," muling tawag ng host.

"Magkita na lang tayo sa unahan mamaya, Kathryn," ani Matthew, ngumiti muna ito sa kanya bago lumapit sa unahan.

Napakunoot-noo siya dahil sa sinabi ng lalaki.

Nakipag-usap ito sa ibang binata sa unahan, nakipagtawanan, at nakipagkamay sa iba.

"Okay. We will play a game to determine who is the lucky guy who will get the garter!" Inabutan ng baso at bola ang bawat lalaki sa unahan. Ang goal ay mapashoot ang bola sa baso, kung sino ang unang makapagpashoot ng bola, siya ang makakakuha ng garter.

Humanay ang mga lalaki sa unahan, inilagay ang baso sa sahig at pinatayo nang isang dipa mula sa baso at nang sabihin ng host ang go signal ay pinatalbog ang bola papasok sa baso.

Kung ang ibang binatang nasa unahan ay animo'y walang energy sa pagpapashoot ng bola, si Matthew ay nagmamadaling mapashoot iyon. Kaya naman hindi kataka-takang si Matthew ang unang nakapagpashoot ng bola sa baso.

"Wow! Kuya, eto na ba 'yon? Ikaw na ba talaga ang kasunod?" ani Lynette.

"About time, bayaw!" ani Daniel, pinagbunggo ng dalawang lalaki ang mga kamao. Naupong muli sa Matthew sa tabi niya. Ipinatong ang braso sa sandalan ng bangkong inuupuan niya.

"Aantayin na lang natin kung sino ang malas na babae," anang pinsan nito na ikinatawa ng ibang kasama nila sa lamesa.

"Bakit naman malas? Mabait naman, ako ah?" pakikisakay nito sa mga pinsan.

"Mabait nga, babaero naman," anang isa pang pinsan nito.

"Para kang si Zaira, walang tiwala sa akin noong una. Pwede namang magbago ang lalaki, lalo na kapag nakita na n'ya ang hinahanap n'ya, kusang magbabago, kusang natino," seryosong sagot ni Matthew.

"Wow! Nakita mo na, Kuya?"

"Oo. Nasa harapan ko lang pala, hindi ko lang kaagad nakita," anito, nilingon siya.

Coffee and Cookies (COMPLETED, Unedited Version)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon