“T-tungkulin?”

“Oo. Tungkulin… Tungkulin kong alamin kung sino ang itinakdang papatay sa alteza. Ako ay anak ng punong kawal ng mga Osoru kaya ang katapatan ko ay nasa kanila.” Marahang naglakad-lakad si Cyrus paikot sa akin. “Alam mo kasi, kapag may babaeng labing pitong taon ang edad na pumasok dito sa Enchanted Academy ay awtomatiko iyong malalaman ng alteza. Ngunit dahil hindi na sakop ng kanyang kapangyarihan na malaman kung sino iyon ay kinailangan niya ng salamangkerong maghahanap sa babaeng iyon. At ako iyon.” Huminto siya sa aking harapan. Lumalakas na ang kabog ng aking dibdib. Pinagpapawisan na rin ako ng malamig. “Unang araw ng pagbubukas ng Enchanted Academy, aksidente kong napansin kayong dalawa ni Jareth. Ayaw mong pumasok sa palikuran ng mga lalaki kaya nagduda na ako sa iyo. Ginawa ko ang lahat para mapalapit sa iyo at hindi naman ako nabigo. Araw-araw kitang pinagmamasdan, Kiko… Teka. Kiko nga ba? O baka mas tamang sabihin kong… Kanika?” aniya sabay ngisi.

Ngayon ay malinaw na sa akin ang lahat. Isang traydor si Cyrus! Pinaniwala niya na tunay siyang kaibigan kahit ang totoo ay pakawala siya ni Prosfera. Nakumpirma niya ang tunay kong pagkatao dahil sa narinig niya iyon sa pag-uusap namin ni Jareth.

“Trinaydor mo ako, Cyrus! Itinuring kitang tunay na kaibigan--”

“Hindi kita trinaydor, Kanika! Dahil sa una pa lang ay ang misyon ko na ang nasa isip ko. Alam mo bang magkakaroon ako ng karagdagang kapangyarihan kapag naiharap kita sa alteza? At matutuwa siguro siya kapag isinama ko pa ang dalawang lalaki na kasama mo na nasa ilalim ng kama!” Sa isang kumpas lang ng kamay ni Cyrus ay umangat ang kama pero nagulat ako nang makita kong wala doon sina Hamir at Jareth.

Nasaan na silang dalawa? Alam ko, nandoon pa sila nang lumabas ako doon. Saan sila nagpunta?

Mukhang alam ko na. Tumakas sila. Mabuti naman kung ganoon dahil ayokong madamay sila sa gulong ito.

Bigla akong sinakal ni Cyrus. Napahawak ako sa kanyang kamay dahil napakahigpit ng pagkakapiga niya sa aking leeg. “Nasa’n na sina Hamir at Jareth?!” gigil na gigil na tanong niya.

Sa isang iglap ay nawala na iyong mabait na Cyrus na una kong nakilala. Parang ibang tao na siya ngayon. Ibang-iba na siya. Hindi ko na siya kilala.

“H-hindi k-ko a-alam…” Nahihirapang sagot ko. Pakiramdam ko ay mapuputulan na ako ng hininga. Pahigpit nang pahigpit ang pagkakasakal niya sa akin.

Mula sa kung saan ay sumulpot si Prosfera at nilapitan nito si Cyrus. “Tama na, Cyrus. Hindi mo dapat patayin ang itinakdang papatay sa akin. Hindi pa ngayon. Bitiwan mo siya,” anito.

Mabilis naman akong binitiwan ni Cyrus. Nanghihina akong napalugmok sa sahig habang habol ang aking paghinga. Si Cyrus naman ay lumuhod at yumukod sa harapan ni Prosfera.

“Mahal na alteza, nahuli ko na po ang itinakda ng mga Ligero. Siya po ay si Kanika! At sa makalawa na po ang kanyang ika-labing walong kaarawan. Ang edad ng itinakda na sinasabi sa propesiya!”

“Tumayo ka, Cyrus, upang tanggapin ang kapangyarihang ipinangako ko bilang gantimpala sa matagumpay mong misyon!”

Tumayo si Cyrus. Itinaas ni Prosfera ang tungkod nito at binalot iyon ng usok. Usok na pumasok sa loob ng bibig ni Cyrus.

“Nararamdaman ko na! Ang kapangyarihan!” Tumatawang turan ni Cyrus. Patuloy ang pagpasok ng usok sa kanyang katawan hanggang sa makita kong parang nasusunog na ang kanyang katawan. “Mahal na alteza, tama na po! Labis-labis na po ang kapangyarihan na ito! P-parang hindi ko na kakayanin!” May bahid ng takot ang pagsasalita nito.

“Hindi ba’t iyan ang hiningi mong kapalit sa akin, Cyrus? Ang labis na kapangyarihan na nais mo ay aking ipinagkakaloob sa iyo!”

Mas tumindi ang usok na pumapasok sa katawan ni Cyrus. Gusto ko nang umalis ng mga sandaling iyon para tumakas pero hindi ko magawa. Nanghihina pa rin ako dahil sa pagkakasakal ni Cyrus sa akin kanina.

“Mahal na alteza, tama na po! Tama na! Ahhh!!!” Napasigaw na ito nang biglang nagliyab ang buong katawan nito. Sa isang kumpas ng kamay ni Prosfera ay naging abo si Cyrus sa kanyang harapan.

Halos hindi ako makapaniwala sa aking nakita. Nakakahindik na kamatayan ang sinapit ni Cyrus sa kamay ni Prosfera. Pinatay ito ng itinuturing nitong diyos kahit na ang ginawa lang nito ay sundin ang utos nito. Ngayon ay napatunayan ko nang wala ngang kasing sama si Prosfera. Ang dapat dito ay mamatay!

“Iyan ang nararapat sa mga nag-aasam ng labis na kapangyarihan!” Pagkasabi ni Prosfera niyon ay humarap siya sa akin. Agad ko siyang pinanlisikan ng mata. Ayokong ipakita sa kanya na natatakot ako. “Ikaw pala ang itinakda na papatay sa akin. Tila may nakaligtaan ang aking mga kawal nang ipapatay ko ang lahat ng babaeng may edad na labing pito dito sa Erkalla…”

“Dahil hindi ako nanggaling sa Erkalla! Ako ay nanggaling sa mundo ng mga tao. Anak ako nina Helena at Matias! At ikaw ang naging dahilan ng kanilang kamatayan!” galit na sigaw ko. Tumayo ako at hinarap siya.

“Ah, ganoon ba? Tama ka, ako nga ang dahilan ng kamatayan nila-- ng iyong walang kwentang mga magulang. Nabuhay si Helena para ako ay buhayin at ngayon ang anak naman pala niya ang papatay sa akin. Ngunit ang propesiya ay hindi na matutupad. Bago pa sumapit ang iyong kaarawan sa makalawa ay papatayin na kita!”

“Hayop ka! Wala kang kasing sama! Pinatay mo si Cyrus kahit sinunod lang naman niya ang iyong utos! Wala kang pagpapahalaga sa buhay kaya dapat na mamatay ka nga, Prosfera!”

“Pinatay ko si Cyrus dahil naghahangad siya ng labis na kapangyarihan. Malay ko ba kung gagamitin niya iyon laban sa akin. Isa pa, tapos na ang kanyang misyon kaya dapat na siyang magpahinga. At ikaw…” Itinutok niya sa akin ang kanyang tungkod.

Naglabas ng itim na usok ang tungkod ni Prosfera at binalot niyon ang aking katawan. Hindi ako makagalaw na para bang nakatali ako. “Pakawalan mo ako! Hayop ka!” pumalag ako pero walang kwenta iyon. “Kung papatayin mo na ako, patayin mo na ako ngayon, Prosfera!”

Umiling ito. “Huwag kang magmadali sa iyong kamatayan, Kanika. Bago kita tuluyang patayin ay gusto muna kitang pahirapan. Unti-unti… Gusto ko iyon! Ganoong kamatayan ang nararapat sa iyo. Naiintindihan mo ba?!” Naglabas ng itim na usok ang isa niyang kamay at binalot ako niyon. “Ipakita mo sa akin ang tunay mong anyo!”

Humaba ang aking buhok at ang damit na panlalaki na suot ko ay nagbago rin. Naging pambabae iyon, gaya ng suot ng mga estudyanteng babae sa Enchanted Academy. Itinapon niya ako sa matigas na pader ng kanyang silid.

Tumama ang aking ulo sa pader at dahil doon ay nawalan ako ng malay tao. Parang niyakap ako ng walang hanggang kadiliman…





UNTI-UNTI ay may liwanag akong nakita. Pinilit kong ibukas ang aking mata kahit parang ang hirap gawin niyon. Ramdam ko ang pananakit ng iba’t ibang parte ng aking katawan. Nang sa wakas ay maibukas ko na ang mata ko ay nakita ko na kung nasaan ako. Nasa gitna ako ng malawak na parang ng Enchanted Academy! Napapalibutan ako ng mga estudyante na parang nandidiring nakatingin sa akin.

“Siya iyong taksil na estudyante! Gusto niyang patayin ang ating alteza!”

“Oo nga! Dapat lang sa kanya iyan!”

Narinig kong bulong ng ilan.

Nakatali ang mga kamay ko sa kawayan na ginawang hugis krus. Nakatusok iyon sa lupa kaya hindi ako makakaalis. May mga pasa ako sa katawan. Mukhang binugbog ako ng kung sino man habang wala akong malay.

Kailangan kong makatakas dito. Hindi ako pwedeng mamatay. Dahil kapag namatay ako, papatayin ko rin ang pag-asa ng Erkalla na maibalik ito sa dati. Paano na lang kung wala nang isilang na itinakda? Paano kung ako na pala ang huli?

Hindi ako makakapayag na hindi matupad ang propesiya! Lalaban ako hangga’t kaya ko, hanggang meron akong hininga. Ipaghihiganti ko ang kamatayan ng aking mga magulang!

Isang bato ang biglang tumama sa balikat ko. Iyon pala ay may isang estudyanteng babae ang bumato sa akin. “Ang dapat sa iyo ay patayin! Isa kang lapastangan sa aming alteza!” sigaw pa ng babae.

Napailing na lang. Tila nabulagan na nga silang lahat o mas tamang sabihin na masyado na silang binalot ng takot kay Prosfera kaya ganoon na lang nila ito sambahin.

Enchanted Academy (Book 2)Where stories live. Discover now