“Isa iyan sa kakayahan ng mahuhusay na salamangkero!” sabi ko naman.

Kanika, Jareth, kayo ay nakakonekta sa aking isip upang kayo ay aking makausap. Kumusta naman kayong dalawa diyan?” tanong ni Calvin.

“Ayos lang naman po kami dito. Sa kabutihang palad ay wala pa naman po kaming nagiging problema,” sagot ko.

Ikaw, Kanika? Kumusta ang pagpapanggap mo?”

“Maayos din naman po. Magaling akong magpanggap na lalaki kaya wala pang nakakahalata kahit na sino.”

Mabuti naman pala kung ganoon. Paghusayan niyong dalawa ang inyong pag-aaral diyan lalo ka na, Kanika. 'Wag kang mag-alala, oras na matapos mo ang misyon mo ay may malaking sorpresa ako sa iyo…

“Sorpresa? Anong sorpresa?”

Sorpresa nga, 'di ba? Hindi ko pa maaaring sabihin sa iyo ngayon. Ang alam ko lang ay labis mong ikakagalak ang sorpresang iyon!

Napakamot sa ulo niya si Kanika. “Grabe naman. Kakabitin naman iyan, Calvin. Pero, sige, maghihintay na lang ako. Sanay naman akong maghintay, e!” bahagya itong tumawa.

Sige na. Puputulin ko na ang pag-uusap natin na ito. Baka maramdaman ni Prosfera na ako ay kumokonekta sa inyo. Mag-iingat kayong dalawa diyan. Paalam!” Matapos iyon ay hindi na namin narinig ang boses ni Calvin.

“Jareth! May sorpresa daw si Calvin sa akin kapag natapos ko na ang misyon ko dito!” Masayang sabi ni Kanika pagkatapo.

“Narinig ko, Kanika. Hindi mo na kailangan pang sabihin sa akin. Teka, may gusto ka pa bang puntahan dito sa Enchanted Academy?”

Itinirik ni Kanika ang kanyang mata. “Anong klaseng tanong ba iyan? Wala naman tayong ibang mapupuntahan dito, 'no.” Napahinto siya na parang nag-iisip. “Alam ko na! Ano kaya kung pumunta tayo sa silid ni Prosfera dito sa Enchanted Academy? Parang gusto ko lang makita ang kwartong iyon. Malay mo, may makita tayong kung ano doon na makakatulong sa atin para talunin siya.”

Mariin akong umiling. “Hindi magandang ideya iyang naiisip mo. Masyadong mapanganib kung pupunta tayo doon. Paano kung mahuli tayo ni Prosfera?”

“Paano kung hindi?” Hinawakan niya ako sa braso at niyugyog iyon. “Sige na, Jareth! Naiinip lang talaga ako ngayong araw lalo na at wala naman tayong klase. Saka walang klase ngayon, ibig sabihin ay nasa kanyang palasyo si Prosfera at wala sa kanyang silid dito sa paaralan.”

Masyado talagang makulit itong si Kanika. Kahit alam niyang ikakapahamak niya ay gagawin niya. Katulad na lang ng pagpapanggap niya bilang isang lalaki dito sa Enchanted Academy. Kahit alam naman naming lahat na mapanganib ay ginagawa niya pa rin. Kung tutuusin ay mas matapang pa pala siya sa akin.

“Hindi talaga. Magtungo na lamang tayo sa ating silid o kaya ay mag-ensayo. Mas maganda pang gawin iyon kesa sa sinasabi mong pumunta tayo sa silid ng alteza ng mga Osoru. Masyadong mapanganib!”

“Kung ayaw mo akong samahan, ako na lang--”

“Ako. Sasamahan kita!”

Sabay kaming napalingon ni Kanika sa papalapit na si Hamir. Nakalagay sa magkabilang bulsa ng kanyang suot na pantalon ang kanyang mga kamay.

“K-kanina ka pa ba diyan? Narinig mo ba ang pinag-uusapan namin kanina?” Kinakabahan kong tanong dahil baka narinig niya ang iba pa naming pinag-uusapan.

Pagtingin ko sa balikat ni Kanika ay wala na roon si Leya. Napansin ko na gumagalaw ang bag niya. Mahusay rin si Leya. Mabilis siyang nakapagtago bago pa man ito makita ni Hamir.

Enchanted Academy (Book 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon