“Ha? B-bakit ako--” Babalik sana ako papasok sa loob ng kwarto pero unti-unting naglaho ang pinto hanggang sa ang buong paligid ko ay nagbago na.

Nandito na ako sa likurang bahagi ng Enchanted Academy kung saan naroon ang malaking puno ng balete.

Ano bang nangyayari? Tinapik-tapik ko ang aking pisngi at baka nae-engkanto na ako.

Hanggang sa may marinig akong mga boses ng isang babae at lalaki. Nanggagaling iyon sa itaas ng puno ng balete. Napatingala ako doon at nakita ko ang isang lalaki at babae na magkatabing nakaupo sa sanga habang nakatingin sa akin. Kapwa sila nakangiti. Sa tantiya ko ay kasing-edad ko lang sila.

“Hoy, bumaba nga kayong dalawa diyan. Mamaya mahulog kayo, e. Ako pa masisi!” Naba-bother lang ako na mahulog sila dahil nasa iisang sanga lang sila nakaupo.

Muntik na akong mapasigaw at maloka nang bigla silang tumalon mula doon. Ang akala ko ay mabilis silang bubulusok paibaba pero hindi. Marahan silang bumagsak paibaba na akala mo ay lumilipad. Ngayon ay nasa harapan ko na ang dalawang iyon. Hindi kaya magkasintahan sila at nagde-date sila sa itaas ng puno? Naku, nakaistorbo pa yata ako sa kanila. Nakakahiya naman. Baka isipin nila na ang bitter ko para gambalain sila.

“Ah, sige, aalis na ako. Sorry. Nakaistorbo pa yata ako sa inyo.” Hindi pa man ako nakakatalikod nang tawagin ng babae ang aking pangalan.

“Kanika…”

“Ha? H-hindi ako si Kanika. Kiko. Iyon ang aking pangalan--”

“Kanika. Ikaw ay si Kanika…” Pilit ng lalaki.

Naku na! Nagkalokohan na. Mukhang may nakaalam na ng aking tunay na pagkatao. Katapusan na ng maliligayang araw ko dito sa Enchanted Academy!

Ano na ang gagawin ko? Teka… baka naman madadala sila sa mahinahon na pakiusapan. Tama! Ganoon ang gagawin ko. Mahinahon ko silang papakiusapan na huwag nilang ipagsabi sa iba ang sikreto ko.

Huminga ako nang malalim at biglang lumuhod sa harapan nila. “Parang awa niyo na! Huwag niyong sasabihin sa iba na ako ay isang babae! Maawa kayo! 'Wag na 'wag niyong sasabihin!” Naghihisterikal na turan ko at may pagyakap pa talaga ako sa mga binti nila.

Agad naman akong dinaluhan ng babae at itinayo niya ako. “Hindi mo na kailangan pang lumuhod sa aming harapan. Wala kaming sasabihin sa kahit na sino tungkol sa iyong pagkatao, Kanika…” Magiliw niyang sabi.

“Talaga? Pangako?” Sabay silang tumango. “Naku, salamat! Ang bait niyo! Pero paano niyo nalaman na isa akong babae? Sino ba kayo, ha?”

“Hindi mo ba talaga kami nakikilala?” ani ng lalaki.

“Hindi ko naman tatanungin kong kilala ko kayo, 'di ba?”

“Masdan mo ang aming mga mukha at sigurado ako na makikilala mo kami,” ani ng babae.

At talagang papahirapan pa nila ako, ha. Hindi ba pwedeng sabihin na lang nila kung sino sila. Pero dahil hindi naman nila sasabihin sa iba ang sikreto ko ay ginawa ko na lang ang sinabi ng babae. Tinitigan ko ang kanilang mga mukha. Teka, parang pamilyar nga sila sa akin. Parang may kamukha sila… Isang picture ang rumehistro sa aking utak. Para akong binuhusan ng tubig nang sa wakas ay makilala ko na sila.

Nanginginig ang aking daliri na itinuro silang dalawa. “'W-wag n-niyong sabihin na kayo ang aking ama at ina?” Nakangiti silang tumango. Nangilid ang luha sa gilid ng aking mata. “B-bakit? P-patay na ba ako? Binangungot ba ako at hindi na nagising?”

Enchanted Academy (Book 2)Où les histoires vivent. Découvrez maintenant