"Parang lang," sagot ko at sumimangot naman siya.

"Kung bakit kasi nagyapak ka pa. Napakalaking abala nitong nangyari sa 'yo, malalagot pa ako kina Mama! Sasabihin na naman ng mga iyon ay pinababayaan kita. Kung bakit kasi may pagsunod ka pa rito sa tabing-dagat? Pwede namang maghintay ka na lamang doon sa bahay," litanya ko at hindi naman siya umimik.

Iniupo ko siya sa may malaking bato sa may tabing-dagat at nilinis ang sugat niya gamit ang tubig dagat at ang dala kong towel.

Naramdaman ko ang pagpiksi niya at nakita kong napangiwi siya.

"Aww," sabi niya habang binubuhusan ko ng tubig dagat ang sugat niya. Hindi naman kalakihan ang sugat niya pero mukhang mahapdi iyon.

"Huwag kang magreklamo. Kasalanan mo rin naman kung bakit."

"Hindi naman ako nagrereklamo. Alam ko namang kasalanan ko kung bakit ganyan ka ngayon sa akin. Nami-miss ko na iyong dating ikaw, iyong trato mo sa akin dati," sabi niya sa tinig na pahina nang pahina na halos bulong na lamang.

Hindi ako umimik at nagpatuloy lamang sa ginagawa ko.

"Sorry kung hindi ako dumating. Sorry kung sumira ako sa pangako, kung sumira ako sa usapan, at sorry din kung umalis ako. Hindi ko naman talaga ginustong umalis ..." patuloy niya pero hindi ko iyon pinansin.

"Tayo na, bababahin na kita at ipalinis natin nang mabuti sa bahay iyang sugat mo. Sa susunod ay huwag ka nang sumunod sa akin dito, puro disgrasya at abala lamang ang idinudulot mo sa akin," masungit kong sabi. Hindi na rin naman siya sumagot at bumaba na lang sa akin. Nang naglalakad kami ay nakita ko ang isa sa mga kabayo ng papa at sinipulan iyon. Agad iyong lumapit nang makilala ako.

Isinakay ko si Sophia sa likod niyon at sumakay na rin ako. Mabuti na rin at nakita ko si Pardo na isa sa mga kabayo ni papa dahil may kalayuan ang lokasyon namin sa bahay.

Nanatili kaming walang imikan ni Sophia.

Nang makarating kami sa bahay ay ipinasok ko siya sa loob. Swerteng wala sina mama sa may likuran at walang nakakita sa aming dalawa na dumating. Wala ring nakakita na binuhat ko si Sophia.

Mabilis akong kumuha ng mga kailangan ko sa medicine cabinet at saka ako nakita ni mama. Nakita ko sina Chino at Latte na nakaupo rin sa sala at nakikinood na kay Frappe.

"Aanhin mo iyan?" tanong ni mama sa akin nang makitang dala ko ang medicine kit.

"Nasugatan si Sophia," sabi ko lang. Mabilis namang tumayo si mama at sumunod sa akin sa may kusina.

"Naku hija, ayos ka lang ba?" tanong ni mama na exaggerated ang reaction.

"Okay lang po ako. Nalinis na rin naman po ni Esso kanina itong sugat ko," sabi ni Sophia at alanganing ngumiti. Lumuhod naman ako sa harap niya at muling nilinis iyon.

Nag-uusap silang dalawa ni mama at hindi na ako nakikomento pa dahil baka mauwi lang sa argumento kung sasagot pa ako sa kanila. Nilagyan ko ng gasa ang sugat niya matapos kong linisin at tumayo na ako.

"Umuwi ka na," sabi ko sa kanya. "Nasaan ang sapatos mo?"

"Nasa may labas," sabi niya at madali ko iyong kinuha.

"Dito ka na mananghalian, Pia. Malapit na rin namang magtanghali," sabi ni mama.

"Hindi na, uuwi na siya, Ma," sabi ko.

"Bakit? Pwede namang mamaya na siya umuwi. Kasabay namin siyang pumarito at ang paalam nga namin sa daddy at mMommy niya ay dito muna siya," sabi ni mama pero umiling ako.

"Hindi nga po, uuwi na siya," may diin kong sabi.

"Uuwi na po ako, Tita. Sa ibang araw na lamang po ako babalik. Ayaw ko rin naman pong makaabala ako ngayon sa inyo," sabi ni Sophia at buong suyong ngumiti kay mama. Nag-iwas naman ako ng tingin.

Black WaterDär berättelser lever. Upptäck nu