Talagang at home na at home na ang lambanang ito sa balikat ko, ha.

“Wala naman. 'Di pa ako inaantok. Sayang, 'no? Hindi pala kita makakasama sa Enchanted Academy. Gusto pa naman sana kitang kasama. Alam mo naman na ikaw ang una kong nakilala dito sa Erkalla.”

Bumuntung-hininga ang lambana. “Maging ako din. Gusto ko sanang sumama sa iyo doon pero hindi naman maaari…”

Bigla akong may naisip. Napangiti ako sa kawalan. “Alam ko na! May naisip ako, Leya!” masayang sabi ko.

“Ano naman iyon?”

“Sasabihin ko sa iyo pero ipangako mo na sikreto lamang nating dalawa iyon, ha?”

Mabilis na tumango si Leya. “Pangako! Ano iyon? Sabihin mo na, Kanika!” At parang excited si Leya sa aking sasabihin. Halatang-halata sa kanyang pagsasalita.

“Nakaisip na ako ng paraan kung paano ka makakasama sa akin sa Enchanted Academy!” sabi ko sabay kindat sa kanya.





“ANO ito? Walis?” Nakangiwi kong turan nang bigyan ako at si Jareth ng walis ni Calvin. “Magwawalis ba muna kami bago kami magpunta sa Enchanted Academy?”

Paano ay paalis na kami ni Jareth. Ito na kasi ang araw na papasok kami sa Enchanted Academy. Nasa labas na kami ng bahay ng hari at reyna tapos biglang dumating si Calvin na may dalawang walis. Waling tingting siya tapos may mahabang patpat na hawakan.

Ngayon ay hitsurang lalaki na talaga. Talagang push na push na ako sa pagpapanggap ko bilang isang lalaki sa Enchanted Academy.

Malakas na tumawa ang hari at reyna sa aking sinabi.

“Nagkakamali ka, aming lira. Hindi ka magwawalis,” sabi ni Reyna Jadis. “Ang walis na iyan ay ang inyong sasakyan ni Jareth para makarating kayo sa Enchanted Academy!”

Ano daw? So, parang magmumukha kaming mangkukulam ni Jareth?

“Pero kung nais mo naman na magwalis muna dito bago tayo umalis, bakit hindi?” biro naman sa akin ni Jareth habang pigil niya ang kanyang pagtawa.

Pabiro ko siyang inirapan. “Sige lang! Pagtawanan mo lang ako, Jareth. Malay ko ba na ito ang sasakyan natin, 'no! Saka sa mundo na pinanggalingan ko, pang-walis lang talaga ito. Kapag sumakay ka dito ay isa kang mangkukulam!”

“Ngunit nasa Erkalla ka na, Kanika. Dapat ay masanay ka na sa mga mahihiwagang bagay na iyong makikita!”

“O, tama na iyan at baka kayo ay magkapikunan pa…” turan ng reyna.

Nilapitan ako ng hari at reyna upang yakapin. “Kadarating mo lang ngunit aalis ka na naman, Kanika. Kami ng iyong lolo ay masasabik sa iyong pagbabalik…” Malungkot na sabi ni Reyna Jadis.

“Ako rin po. Pero gagawin ko naman ito para sa ating lahi at sa buong Erkalla…” tugon ko.

Matapos nila akong yakapin ay si Jareth naman ang kanilang kinausap.

“Jareth.”

“Mahal na hari?”

“Ikaw na ang bahala sa aming lira. Bantayan mo siya. Huwag mo siyang papabayaan na mapahamak. Gabayan mo siya dahil siya ay bago pa lamang dito sa Erkalla. Ipinagkakatiwala namin sa iyo ang ating hinirang…” ani Haring Davidson.

Yumukod si Jareth sa hari habang nakalagay ang kamay sa dibdib. “Ipinapangako ko po na hindi ko papabayaan ang hinirang. Asahan niyo po iyan!”

“Kanika…” tawag sa akin ni Calvin. Humarap ako sa kanya. “Sana ay maging mahusay kang salamangkero paglabas mo ng Enchanted Academy. Hayaan mo, paglabas mo doon at pagbalik mo dito ay kukwnetuhan kita tungkol sa iyong ama at ina!” Nakangiti niyang sabi.

Enchanted Academy (Book 2)Where stories live. Discover now