Nagtatakang napatingin ako sa reyna.

“O, bakit ganyan ang tingin mo sa akin, Kanika? May problema ba?”

“Tinawag niya akong prinsesa, lola. Hindi naman ako isang--”

“Isa kang prinsesa, lira. Apo ka namin ng hari at anak ka ng anak namin na si Matias kaya ikaw ay isang prinsesa! Iyan ang nakaguhit sa iyong palad!”

Nanlaki ang mata at napanganga ako sa aking narinig. Oo nga naman. Hari at reyna ang lolo at lola ko kaya isa nga talaga akong prinsesa! Wow! Nakakatuwa naman. Parang Cinderella nga talaga ang kwento ko. From rugs to riches! Riches talaga? E, hindi ko nga alam kung mayaman ba ang lolo at lola ko. Pero sa tingin ko naman higit pa sa materyal na bagay ang meron ang lolo at lola ko. Ang respeto at paggalang sa kanila ng lahat ng mga Ligero ay higit pa sa kahit na anong kayamanan. Aba, mahirap makuha ang respeto ng isang tao, ha.

Maya maya ay isang gwapong lalaki ang lumapit sa amin ng reyna. Kasama ng lalaking iyon ang hari.

“Kumusta naman ang iyong gabi, aking lira?” tanong ng hari sa akin.

“Mabuti naman po, lolo. Medyo naninibago lang po ako.”

“Oo nga pala, nais kong ipakilala sa iyo si Calvin.”

Tiningnan ko ang lalaki at nginitian. Isang matipid na ngiti lamang ang isinukli niya.

“Ikinagagalak ko po kayong makilala… Ako po si Kanika.” Inilahad ko ang kamay ko na agad naman nitong tinanggap.

“Kanika, si Calvin ay ang dating hari ng Osoru na ngayon ay kaanib na natin. Siya rin ang kaibigan ng iyong mga magulang noong sila ay kaedad mo,” ani ng reyna.

“Talaga po? Maaari niyo po ba akong kwentuhan tungkol sa aking ina at ama?” Excited na sabi ko.

“Kapag may oras. Hayaan mo at kukwentuhan kita ng tungkol sa kanila…” nakangiting sagot ni Calvin sa akin.

Marami pa akong nakilalang Ligero ng gabing iyon. Nawala na rin ang hiya na aking nararamdaman dahil sa mainit nilang pagtanggap sa akin. Tunay nga ang kasabihan na walang kasing sarap kapag ikaw ay nasa iyong tahanan. Pero hindi ko pa rin maiwasan ang hindi malungkot nang maalala ko si Ninang Nimfa. Alam ko na labis siyang nalulungkot sa pag-alis ko. Tapos mag-isa pa siya. Basta, kapag natapos ko na ang misyon ko dito sa Erkalla ay babalikan ko siya. O kaya ay dadalhin ko siya dito at dito na lang kami maninirahan. Atleast dito hindi na niya kailangan pang matrabaho para lang mabuhay kaming dalawa. Hindi na siya mahihirapan.

Natapos ang piging na iyon na may ngiti sa aking mga labi. Ang saya-saya ko talaga. Iyon nga lang, isang malaking pressure sa akin na ako ang pag-asa nilang lahat. Sa ngayon ay hindi ko pa alam kung paano ko ba maapatay si Prosfera pero alam ko na magagawa ko iyon para sa mga Ligero at sa pagkamatay ng aking ina at ama.




KINABUKASAN, matapos ang almusal ay pinapunta ako ni Leya sa isang silid kung saan may isang malaking pabilog na lamesa sa gitna. May mga upuan sa paligid niyon at naroon ang hari, reyna, si Calvin at isang matandang lalaki na ngayon ko lang nakita.

Pinaupo nila ako sa isang upuan. Pinagigitnaan ako ng hari at reyna. Ipinakilala nila sa akin ang matandang lalaki bilang si Oscar-- ang pinakamahusay na manghuhula sa lahi ng Ligero.

“Ano po ang meron? Bakit niyo po ako pinapunta dito?” tanong ko.

“Dahil nalalapit nang buksan ang Enchanted Academy para sa mga gustong matuto ng salamangka, Kanika,” sagot ni Haring Davidson.

“Kahapon ko pa naririnig ang Enchanted Academy. Alam ko po na isa iyong paaralan. Ngunit ano ang meron doon?”

Si Calvin ang sumagot sa tanong ko. “Ako na ang sasagot sa iyong katanungan, Kanika, dahil minsan na akong naging estudyante ng paaralan na iyon. Ang Enchanted Academy ay ang nag-iisang paaralan dito sa Erkalla. Doon ay tinuturuan ang mga kabataang salamangkero para matuto sila ng salamangka. Mahuhusay ang mga guro doon kay magagabayan ka nila nang husto. Bilang ikaw ang itinakda ngunit nabuhay ka sa mundo ng mga tao, kinakailangan mong matuto ng mahika o salamangka upang matalo mo si Prosfera. At kapag natutunan mo na ang paggamit ng salamangka, maaari nang kami ang magturo sa iyo. Ang pagpasok mo rin sa paaralang iyon ay upang maging pamilyar ka sa mga bagay-bagay dito sa Erkalla. Isang bagay pa, sa aking pagkakaalam ay bumibisita rin sa Enchanted Academy si Prosfera. Makikita mo siya doon. Maganda na makilala mo kung sino ba ang iyong makakalaban…” Mahabang paliwanag ni Calvin.

Tumango-tango ako. Mukhang kailangan ko ngang matuto ng salamangka. Hindi ko naman siguro magagapi ang Prosfera na iyon ng pagtulay ko lang sa lubid. Iyon lang naman ang alam ko, e.

“Sige po. Kung iyan ang dapat kong gawin ay gagawin ko. Kailan po ba magsisimula ang pasukan sa Enchanted Academy?”

“Sa susunod na linggo na. At iba na ngayon ang patakaran doon. Anim na buwan kang mag-aaral sa Enchanted Academy at hindi ka pwedeng lumabas doon sa loob ng anim na buwan. Doon ka maninirahan at mag-aaral.”

“Tamang-tama! Eksaktong paglabas ni Kanika sa Enchanted Academy ay labing walong taon na siya. Iyon ang edad na nakasaad sa propesiya kung saan mapapaslang niya si Prosfera,” turan ni Oscar.

“Mainamn kung gano’n. Tila sumasang-ayon talaga sa atin ang pagkakataon,” turan naman ng hari.

“Ngunit kung maninirahan ako ng anim na buwan sa Enchanted Academy, maaari ko bang isama doon si Leya?” tanong ko sa kanila.

Siyempre naman, 'no. Hindi pa ako nakakapunta sa paaralan na iyon tapos sasabak agad ako nang mag-isa. Wala pa akong ideya sa kung ano ang meron sa paaralan na iyon. Mas makakabuti kung makakasama ko doon si Leya.

“Alam namin na nangangamba ka sa pagpasok mo sa Enchanted Academy, Kanika. Subalit ikinalulungkot namin na hindi mo maaaring isama doon si Leya. Hindi lingid sa kaalaman ng mga Osoru na naglilingkod si Leya sa amin,” sabi sa akin ni Reyna Jadis. “Malalaman nila na ikaw ay isang Ligero. Pero huwag kang mag-alala dahil may isang anak ng Ligero kang makakasama sa pagpasok mo sa Enchanted Academy. Hindi naman namin hahayaan na pumasok ka doon nang ikaw ay mag-isa lang. Bilang si Leya na iyong gabay ay hindi makakasama sa iyo, bibigyan ka namin ng bagong gabay.”

“Sino po?”

“Si Jareth. Anak siya ng isa sa magigiting na kawal natin. Mamaya ay ipapakilala namin siya sa iyo para naman makapagpalagayan na agad kayo ng inyong mga loob…”

“Mabuti naman po pala kung ganoon, mahal na reyna. Ang akala ko kasi ay mag-isa lang ako doon. Sa totoo lang ay medyo natatakot ako sa gagawin kong ito pero alam kong ito ay isa sa mga hakbang upang magapi at mapaslang ko si Prosfera! Kaya ito ay aking gagawin.”

“Wala na palang problema kung ganoon…” sambit ng hari.

“Meron pa, mahal na hari…”

“Ano iyon, Calvin?”

“Nangangamba ako na baka malaman nina Prosfera na si Kanika ay ang hinirang o itinakda. Sa edad niya at kasarian, hindi malabong malaman niya ang totoong pagkatao ni Kanika…”

Oo nga, 'no. Sigurado ako na kapag nalaman ni Prosfera ang edad ko tapos isa pa akong babae ay ipapapatay niya agad ako. Nakakatakot naman! Alam ko rin naman sa sarili ko na wala pa akong sapat na kakayahan para kalabanin ang bruhang iyon.

Nababahalang hinawakan ng reyna ang kamay ko. “Huwag mo na kayang ituloy ang pag-aaral sa Enchanted Academy. Sa sinabi ni Calvin ay parang natatakot na ako kapag nangyaring matuklasan ni Prosfera kung sino ka talaga. Lalo na’t wala pang bisa ang propesiya dahil wala ka pa sa edad na labing walo…”

“Ngunit, mahal na reyna, kinakailangang mag-aral doon ni Kanika para naman magising ang kanyang natutulog na kapangyarihan at tanging ang mahuhusay na mga guro lamang sa Enchanted Academy ang makakagawa niyon. Matagal na nanirahan si Kanika sa mundo ng mga tao kaya naman walang nagturo sa kanya kung paano gamitin iyon noong siya ay bata pa lamang,” sabi naman ni Oscar.

“May naisip na akong paraan upang si Kanika ay hindi pagdudahan ni Prosfera,” sabi naman ni Calvin.

“Anong paraan iyon, Calvin?” tanong ng hari.

“Pagdududahan lamang ni Prosfera si Kanika kung siya ay isang babae. Kahit ang edad niya ay labing pito, kung hindi siya isang babae, hindi siya pag-iinitan ng mata ng mga Osoru at ng alteza. Tama ba ako?”

“Ano nga ang iyong naiisip na paraan?”

“Nais ko sanang magpanggap na isang lalaki si Kanika habang siya ay nasa loob ng Enchanted Academy!” deklara ni Calvin na ikinagulat naming lahat.

Ako? Magpapanggap na isang lalaki?

O... M… G!

Enchanted Academy (Book 2)Where stories live. Discover now