Yumukod si Leya. “Kung iyan ang iyong nais. Hihintayin na lamang kita sa likod ng inyong bahay…”

Pagkasabi niyon ni Leya ay lumipad na ito at lumabas ng bintana.

Ako naman ay lumabas na ng aking silid at pumunta sa silid ni Ninang Nimfa. Pagpasok ko doon ay naabutan ko siyang mahimbing na natutulog.

Masuyo kong hinaplos ang kanyang mukha. Sigurado ako na hindi alam ni ninang ang nangyaring iyon sa aking ina at ama. Marahil sinabi na lamang niyang namatay ang mga ito dahil alam niyang hindi na nila ako babalikan. Nararamdaman ko iyon. O kung alam man niya, ayaw lang niya akong masaktan nang dahil sa katotohanan.

Hinalikan ko siya sa noo. Gumalaw ang talukap ng kanyang mata at nagising na siya nang tuluyan.

“Kanika? Anak, ano ang ginagawa mo dito?” Napabalikwas siya ng bangon.

“Ninang, maraming salamat po sa lahat…” Maiyak-iyak kong sambit.

Kumunot ang noo niya. “Ano bang sinasabi mo? Bakit bigla kang nagpapasalamat sa ganitong oras? May nangyari ba? Magsabi ka sa akin, Kanika!” Bakas ang pagtataka at pag-aalala sa kanyang mukha.

Lumunok ako ng laway. “A-alam ko na po ang lahat, ninang. Alam ko na ang totoo kong pagkatao…” hayag ko.

“A-ano?”

“Alam ko na po ang tungkol sa Erkalla at ang tunay kong pagkatao. H-hindi ako isang normal na tao. Isa akong salamangkero.”

“Diyos ko! H-hindi totoo iyan--”

“Ninang, tama na po. Katulad ng aking ina ay mayroon din po akong tungkulin sa aking tunay na tahanan. Ngunit kung sa kanya ay para sa pagkabuhay ng kasamaan ang sa akin naman ay ang pagpapabagsak niyon. Ninang…” Hinawakan ko ang isa niyang kamay.

Natahimik bigla si ninang. Humikbi siya at napaiyak na rin. “Sinasabi ko na nga ba at darating din ang kinakatakutan ko-- ang malaman mo ang tunay mong pagkatao.” Tumango siya. “Tama ka. Isa kang salamangkero at ganoon din ang iyong ama at ina. Kaya nga pinagbabawalan ko ang ginagawa mong pagtulay sa lubid dahil alam kong sa pamamagitan niyon ay unti-unti mong natutuklasan ang iyong tunay na ikaw. Patawarin mo ako, anak, kung inilihim ko sa iyo ang lahat. Gusto lamang kitang protektahan!”

“Alam ko po iyon, ninang. Wala po akong hinanakit sa inyo. Pero kailangan ko pong pumunta ng Erkalla ngayon. Kailangan ko pong tuparin ang aking tungkulin na ibalik ang kapayapaan doon. Gusto ko ring ipaghiganti ang kamatayan ng aking ina at ama!”

“Ipaghiganti? A-ano bang sinasabi mong bata ka? Kamatayan? Kanika, ang totoo niyan ay hindi ko alam kung buhay o patay na ang mga magulang mo. Pero alam kong nasa Erkalla sila at--”

“Patay na sila, ninang. Pinatay sila ng mga Osoru!”

“Diyos ko!” Naitutop niya ang isang kamay sa kanyang bibig.

“Kaya magpapaalam na po ako sa inyo dahil aalis na ako. Maraming-maraming salamat po sa lahat…”

Mariin siyang umiling. “Hindi, Kanika! Hindi kita pinapayagan. Kung totoong pinatay ng mga Osoru ang ina at ama mo, ayokong mangyari sa iyo iyon! Hindi ka aalis. Dito ka lang! Gusto mo bang mamatay ako sa pag-aalala sa iyo kapag nandoon ka na? Narating ko na ang lugar na iyon at puro agawan sa kapangyarihan lamang ang aking nakita doon. Mapapahamak ka lamang sa Erkalla!”

“Buo na po ang desisyon ko. Patawarin niyo po ako. Basta, ipinapangako ko sa inyo na aalagaan ko ang aking sarili. Magtutungo lamang ako doon para ipaghiganti ang aking ina at ama. Pagkatapos niyon ay babalik muli ako dito sa inyo. Pangako po…

Panay ang agos ng luha sa mga mata naming dalawa.

Mahigpit akong niyakap ni ninang. “Hindi sabi! Bakit ba nag tigas ng ulo mo, Kanika? Iiwan mo na lang ba ako dito nang mag-isa habang nag-iisip kung ano na ang nangyayari sa iyo, ha? Papatayin mo ako sa pag-aalala sa iyong bata ka!” Atungal pa niya.

Enchanted Academy (Book 2)Dove le storie prendono vita. Scoprilo ora