Paalam sa pagkabata

359 0 0
                                    

Teoryang Humanismo

  “PAALAM SA PAGKABATA” (KUWENTO/CEBUANO) 

Salin ni Nazareno D. Bas 

“Panamilit sa Kabantanon ni Santiago Pepito Wala akong nakikitang pagbabago. Tulad nang nagdaang mga madaling-araw: ang ginaw, katahimikan, dilim- iyon din ang bumubuo ng daigdig ng aking kamalayan. Maraming bagay ang dapat mailarawan. Ngunit alam kong iisa lamang ang kahulugan ng mga iyon. Alam ko.

Sa kabilang silid, sa kuwarto nina Nanay at Tatay, naririnig ko ang pigil na paghikbi. Umiiyak na naman si Nanay. Ang sunud-sunod na paghikbi ay tila pandagdag sa kalungkutan ng daigdig. Napabuntong-hininga ako. Umiiling-iling. Hanggang ngayon hindi ko pa nakikita ang tunay na dahilan ng damdaming iyon na matagal nang umalipin sa kanya.

Walang malinaw sa aking isipan. Mula sa aking pagkamulat ang pagkainip ay kakambal ng aking buhay. Sa aking pag-iisa di ko maiwasan ang pangarap na magkaroon ng batang kapatid na nag-aangkin ng mabangong hininga at taglay ang ngiti ng isang anghel. Ngunit ang damdamin ko’y tila tigang na lupang pinagkaitan ng ulan.

Maliwanag na ang silangan nang ako’y bumangon. May bago na namang umaga. Ngunit ang tanawin sa bahay ay walang pagbabago. Tulad ng dati, nakikita ko si Nanay na nakaupo at nag-iisip sa may hagdanan. Nakatitig siya sa sampayan ng lambat ni Tatay. At madalas ang kanyang pagbubuntong-hininga.

Matagal ko nang nakikita ang sampay na lambat. Ngunit hindi ko nakikitang ito’y ginagamit ni Tatay. Noon ay walang halaga ito sa akin. Nagsimula ang pagpansin ko sa lambat noong ito’y itinapon ni Nanay mga dalawang taon na ang nakakaraan. Galit na galit si Tatay sa ginawa ni Nanay. Pinagbuhatan ni Tatay ng kamay si Nanay. Pagkatapos ipinabalik kay Nanay ang lambat sa sampayan.

“Hanggang ngayon ba’y hindi ka pa nakakalimot, Tomas? Alam ng Diyos na wala akong kasalanan. Ang kanyang ginawa ang siya mong ginagawa tuwing ikaw ay darating sa madaling-araw. Ang kanyang amoy ay siya ring amoy na galing sa dagat. Magkatulad ang inyong ikinikilos. Sino ang hindi mag-aakala na siya ay hindi ikaw? Huli na nang malaman ko ang katotohanan. Huli na nang siya ay aking makilala. Totoong lumigaw siya sa akin. At mula noon ay alam mo iyon. Ikaw ang aking iniibig, Tomas. Kailan mo pa malilimutan ang nangyari?”

Tuluyang umiyak si Nanay. Umungol lamang si Tatay. Nanlilisik ang mga matang tumingin sa lambat at pagkatapos ay bumaling sa akin. May ibig sabihin ang tingin niyang nag-aapoy. Maliban sa takot na aking nararamdaman ay wala akong naintindihan sa pangyayaring iyon.

Mula noon ay hindi na ginalaw ni Nanay ang lambat. Naluma na ito ngunit buong-buo pa rin sa aking paningin. Buong-buo pa rin sa paningin ni Nanay. Ano kaya ang misteryong napapaloob sa lambat na iyon? Alam kong alam ni Nanay ang hindi ko nalalaman. At kailangang malaman ko ito. May karapatan akong makaalam.

Nilapitan ko si Nanay na malalim pa rin ang iniisip. Hinalikan ko ang kanyang kamay. May ibi akong itanong tungkol sa  misteryo ng lambat. Ngunit nauntol ang ibig kong sabihin nang magpatuloy ang kanyang pagluha.

“Lakad na Celso, malapit nang dumating ang Tatay mo.”

Sa labasan, sumalubong sa akin ang bagong araw. Tumingin ako. Maliwanag ang langit. Langit? May gumugulo sa aking kalooban. Kalawakan. Iyan ang sabi ng aking guro sa ikaapat na baitang ng primarya. Iyan ay hindi langit kundi hangganan lamang ng pananaw ng tao. Ang langit ay nasa tao. Hindi nakikita. Hindi nahihipo. Hindi naaabot. Naabot na kaya ni Nanay ang langit?

“Ano pa ang hinihintay mo, Celso?

Ipinahid ko sa mukha ang suot kong sando. Humakbang pagkatapos. Maya-maya’y tumakbo na ako ng matulin.

Nasa dalampasigan ang mamamili ng isdang dala ng mga bangkang galing sa laot. Masasaya silang nagkukuwentuhan habang hinihintay ang mga mangingisda. Sumalampak ako sa buhangin, malapit sa kinauupuan ng dalawang lalaking may katandaan na. Sa laot ako nakatingin at pinagmamasdan ang galaw ng mga alon na pandagdag sa kagandahan ng kalikasan.

FilipinoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon