"Gusto ko rin," aniya sabay lahad ng envelope rito. "Pero ikaw muna ngayon. Babalikan kita, aakyat muna kami ni Grace. Papatulugin ko siya." Nanliit ang mga mata ni Eugene sa sinabi niya pero hindi niya 'to pinansin. Suminghap naman si Grace sa gilid. "Wag ka nang kumontra, Grace. Tingnan mo 'yang eye bags mo, sobrang laki na. Tara!"

Hinigit na niya ang kaibigan bago pa ito makapagreklamo. Siya na mismo ang humawak sa kandila at saka tuluyang naglakad paakyat. Ngunit hindi pa man tuluyang nakaaakyat sa hagdan ay mabilis niyang nilapitan si Eugene at hinawakan sa baba. Napapitlag ito at halatang nagulat sa ginawa niya.

"Baka gusto mong sa katabing kwarto ka na lang para mas safe? Kahit hindi ko sure kung talagang safe." Sabay kamot sa ulo niya.

"Hindi na, dito na lang ako. Kaya ko ang sarili ko."

Tumango-tango siya. "Babalik ako, pangako," bulong niya. "Mag-iingat ka."

"Hihintayin kita." Puno nang takot ang mga mata nito pero pinilit nitong ngumiti nang matamis sa kanya. Dahil doo'y napangiti na rin siya.

* * *

TATLUMPUNG minuto na ang nakalipas mula nang magsimula si Eugene sa paghahanap ng clue pero hanggang ngayo'y bigo siya. Una'y wala naman kasing kakaiba sa mga pangalan nila. Pangalawa, ang ibang mga pangalan ay hindi niya mabasa dahil mukhang nabasa ang papel. Pangatlo, sa hindi malamang dahilan ay hindi siya makapag-concentrate sa tuwing nakikita niyang nakasulat ang salitang YhiGene. Hindi niya alam pero bigla-bigla na lang siyang napapangiti at mapapailing. Sa tingin niya nga'y nababaliw na siya.

Huminga siya nang malalim at hinilot ang sentido. Nilingon niya ang hagdanan pero hanggang ngayon ay wala pa rin ni anino ni Yhinn. Gusto na niya itong sunduin sa taas pero pinipigilan niya ang sarili. Ibinaling na lang niya ang atensyon sa papel at muling nag-isip. Kung hindi ito clue, ibig sabihin ay nagsasayang lang siya ng oras sa wala. Pero wala rin namang mawawala kung susubukan niya kaya nagpatuloy siya.

Divina Santillan, Ivy Mae del Fierre, Eugene Torres, Vince Almeniana, Gerard Montablan, Ulyses Lucas Benedicto, Nigel Peter Vidall, Mikaella Polo, Isaac Cruz

'Yan lang ang mga pangalang kaya niyang basahin dahil maayos pa ang pagkakasulat. Ang iba ay hindi na maintindihan dahil nabasa raw ng kung ano. Pumikit siya nang mariin at lumapit sa kandilang may sindi para mas makita ang mga pangalan. Napailing pa siya nang biglang kumulog at makarinig siya ng sigaw mula sa itaas. Si Anya talaga, sa isip-isip niya. Habang tinitingnan ang listahan ay bigla siyang napasinghap. Lumapit siya sa liwanag ng kandila para masiguro ang nakita at totoo nga! Sa ibabang bahagi ng papel ay nakasulat ang mga katagang... Ab Initio.

"Bakit? Ano'ng ibig sabihin no'n? Ab Initio ang pangalan ng resort, may iba pa bang ibig sabihin 'yun?" sambit niya. Mas lalo niya tuloy ginustong makita si Yhinn para mahingi ang opinyon nito. Tinapik-tapik niya ng ballpen ang maliit na mesa sa harap niya. Huminga siya nang malalim at mariing nag-isip.

Ab Inito. Ab Initio. Ab... Napapitlag siya nang biglang maalala ang literal na kahulugan ng salitang iyon. Kung tama ang pagkakaalala niya ay napag-aralan niya iyon sa Sociology. Sa parte kung saan tungkol sa legal marriage ang paksa. Dekada man ang nakalipas ay natatandaan niya pa rin ang paulit-ulit na pagsambit ng paborito niyang propesor sa tatlong salitang iyon. Void ab initio. Void... ab initio. Void from the beginning.

Napatayo siya at napasuntok sa hangin. "From the beginning," bulong niya. Pero mabilis ding napaupo nang may tanong na mabuo sa kanya. "Paano naman naging parte ng clue 'yon?" Napakamot siya sa ulo. Mahaba-habang isipan 'to.

Ab InitioWhere stories live. Discover now