Chapter 1

33 4 0
                                        

~~~

Iminulat ko ang mga mata ko. Nakahiga ako sa isang malambot na kama. Bumangon ako at umupo. Inilibot ko ang paningin ko sa paligid ko. Sa gilid ng kama ay may isang maliit na lamesa. Nakapatong dito ang isang vase at may laman itong mga dilaw na bulaklak. May isang malaking cabinet din akong nakita na nasa may bandang paanan ng kama. May nakita din akong isa pang pinto sa loob ng kwartong ito.

Hindi ko alam kung galing ba ako sa isang malalim na pagkakatulog. Pakiramdam ko ay galing ako sa isang mahabang paglalakbay. Ngunit wala akong matandaan na kahit ano. Hindi ko alam kung nasaan ako. Wala akong maalala kahit isa. Pero wala akong nararamdaman na kaba o takot.

Nakaupo pa rin ako sa kama nang may kumatok sa pinto ng kwarto. Tinignan ko ang pinto. Bumukas ito at pumasok ang isang taong hindi ko kilala.

"Gising ka na pala. May dala akong gatas. Drink this." Naglakad siya papalapit sa lamesa na nasa gilid ng kama at pinatong doon ang baso ng gatas pagkatapos ay nakangiti siyang humarap sa’kin.

"May damit diyan sa cabinet. Sigurado akong kasya sa iyo ang mga ‘yan," sabi niya habang nakaturo sa cabinet. Tumalikod siya sa akin at binuksan ang isa pang pinto sa kwartong ‘to. "Ito ang banyo. Pagkatapos mong inumin ang gatas, maligo ka na at magbihis. Kapag tapos ka na pwede ka nang lumabas. Hihintayin kita."

"Sino ka? Nasaan ako?" tanong ko sa kanya.

Ngumiti siya sa akin bago niya ako talikuran. Sinundan ko siya ng tingin. Binuksan niya ang pinto ng kwarto at muli siyang humarap sa’kin “Nandito lang ako sa labas. Hihintayin kita,” yun lang ang sinabi niya at lumabas na.

Wala talaga akong ideya kung nasaan ako at kung sino yung taong pumasok dito sa kwarto. Kinuha ko ang baso ng gatas. Tinikman ko muna ito. Masarap. Ininom ko ito at ng maubos ko ay tumayo na ako at lumapit sa cabinet. Binuksan ko ito. Puno ito ng damit. Iba’t-ibang kulay. Tinignan ko ang iilan sa mga ito at tama nga siya. Kasya sa akin ang mga damit.

Kinuha ko ang tuwalya na nakita ko sa loob ng cabinet at pumasok na sa banyo para maligo.

***

Pagkasara ko ng pinto ay sumandal ako dito. May bago na namang trainee. Ayoko man ng ganito pero hindi maiwasan. Dadating at dadating talaga sila. Naglakad lakad ako sa harap ng pinto. Pabalik balik habang hinihintay siya na lumabas nang kwarto niya. Kahit na linggo linggo ay may mga trainee akong inaasikaso at tinuturuan ay naninibago pa rin ako. Hindi na ako nasanay.

Ayoko na nang gawain na ‘to. Gusto ko ng bumalik sa dati kong ginagawa. Ayoko nang maging trainer. Ayoko nang mag train ng mga bagong salta dito sa Sactuary.

Pero alam ko naman na wala na akong magagawa. Dahil hihinto lang ang pagdating ng mga bagong salta kung titigil din sila sa ginagawa nilang iyon.

Sana, kung may darating man na bagong salta ay dahil sa nakatakda itong mapunta dito sa Sanctuary, katulad ko. Hindi dahil sa ginagawa nila.

~~~

Nakaligo na ako at nakabihis. Palabas na ako ng kwarto nang mapansin kong wala akong suot na sapatos o tsinelas man lang. Binuksan ko ang cabinet at tinignan kung may mahahanap ako na kahit anong pwedeng suutin ngunit wala akong nakita.

Napansin kong may drawer sa pinakababa ng cabinet. Binuksan ko ito. Hindi naman ako nadismaya dahil may nakikita akong tatlong paris ng sapatos at tatlong paris ng tsinelas. Kumuha ako ng isang paris ng sapatos at isinuot ito, ngunit nahirapan akong itali ang sintas kaya hinayaan ko na lang.

Lumabas na ako ng kwarto at nakita ko siya na nag-iintay sa akin. Binigyan niya agad ako ng isang ngiti na sinuklian ko naman.

“Tama nga ako. Kasyang kasya sayo ang mga damit,” sabi niya sa akin.

Tinignan ko ang suot kong damit at binalik ko ang tingin ko sa kanya at ngiti lang ang naisagot ko dahil hindi ko alam ang sasabihin ko.

“Pupunta muna tayo sa lobby bago kita ilibot sa buong lugar. Tara,” sabi niya at nagsimula ng maglakad. Naglakad na din ako at sinabayan ko siya.

“Ako ang makakasama mo sa paglilibot dito. Sanctuary ang tawag sa lugar na ‘to. Malaki ang lugar na ito pero ‘wag kang mag-alala dahil makakasama mo ako sa loob ng pitong araw. Ililibot kita sa buong Sanctuary para maging pamilyar ka dito at hanggang sa malaman natin kung saang department ka ilalagay,” pagpapaliwanang niya sa akin.

Anong department? Hindi ko maintindihan. Hindi ko alam kung anong ginagawa ko dito. Hindi ko alam kung paano ako napunta dito. Hindi ko alam kung saan ako galing. Ang dami kong hindi alam. Ang daming tanong sa isip ko.

“Sino ka?” tanong ko.

“Ay, oo nga pala,” sabi niya. Huminto siya sa paglalakad kaya huminto din ako. May kinuha siya sa bulsa niya na isang name pin. Ikinabit niya ito sa damit sa bandang kaliwa ng didbdib niya. May nakasulat dito na “Hi! I’m Trainer 328.”

“Ako si Trainer 328. Kung may mga tanong ka tungkol sa lugar na ito o kung may kailangan ka, wag kang mahihiya na magtanong at magsabi sa akin,” sagot niya sa tanong ko at isang ngiti na naman ang binigay niya sa akin.

Nagpatuloy na siya sa paglalakad pero nanatili akong nakatayo sa pwesto ko. Napahinto naman siya kaagad at nilingon ako. “Tara na?” pag-aya niya sa akin habang nakangiti.

“Ako. Sino ako?” muli kong tanong sa kanya.

Napayuko lang siya at napansin niya yata ang suot kong sapatos. Napayuko din ako at tinignan ito. Lumapit siya sa akin at lumuhod sa harap ko. Itinali niya ang sintas ng sapatos ko at maayos naman niya itong nagawa. Tumayo siya at tumingin sa akin ng nakangiti.

“Isang halimbawa ang bagay na ito na pwede mong ipaturo sa akin,” sabi niya na tinutukoy ang pagtali ng sintas ng sapatos ko.

Tumalikod siya at nagsimula ng maglakad pero nanatili pa rin ako sa kinatatayuan ko. Tumigil siya at nilingon ako.

“Malalaman mo rin at masasagot ang lahat ng tanong mo. Tara na?” sabi niya sa akin. Naglakad na rin ako at sinabayan ko siya.

Wala man akong maalala, hindi ko man alam kung nasaan talaga ako, hindi ko man alam kung sino ako, at hindi ko man kilala kung sino itong kasama ko, ay hindi ko magawang matakot. Wala akong maramdaman na kaba.

Hindi ko alam pero pakiramdam ko ay ligtas naman ako sa lugar na ito at pakiramdam ko rin ay hindi masamang tao ang kasama ko at mapagkakatiwalaan ko siya.

***

Tinanong niya ako kung sino siya pero hindi ko ito masagot sa kadahilanang hindi ko rin alam kung sino siya. Ipinapahawak sa amin ang mga trainees pero hindi pinapaalam sa amin kung sino sila.

Oo alam namin kung ano sila at saan sila nanggaling ngunit hindi namin ito pwedeng ipaalam sa kanila hangga’t hindi pa tamang oras. Bukod doon ay wala na kaming alam na iba tungkol sa kanila.

Sa loob ng pitong araw na makakasama namin ang trainee na naka-assign sa amin ay makikilala namin sila kasabay ng pagkilala nila sa mga sarili nila.

- - -
To be continued...

💛 ysa

SanctumWhere stories live. Discover now