Chapter 16: Ilang Mga Pamamaalam

Start from the beginning
                                    

Ikaw o sila, paulit-ulit niyang sinabi. Nahuhuli na niya ang ibig sabihin noon.

Nagtungo si Andy sa kabinet at nilabas ang kanyang maleta at kanyang ipinatong sa kama. Binuksan niya ang zipper. Sa ilalim ng kanyang mga damit ay naroon ang isang baril. Isang Smith & Wesson na kalibre .38. Silver na may rosewood na handle. Kanya itong inilabas sa holster at pinakiramdaman sa kanyang kamay.

"Ikaw o sila," aniya habang hawak ang baril.

Pagkatapos ay ipinatong niya ang baril sa kama at dinampot ang kanyang cellphone at binasa ang huling message niya kay Pauline.

Thanks! Love you - Dad.

Wala pa itong reply hanggang ngayon.

Hindi naman niya inaasahang magrereply ang anak ng I love you, too. At naisip niya, baka lang hindi natanggap ang kanyang message. O natanggap man ay nakalimutan lang ni Pauline na mag-reply. Baka naubusan ng battery. O baka busy. Mag-t-type na sana si Andy ng panibagong message pero natigilan siya. Alam naman niya talaga kung bakit walang reply si Pauline.

Dahil ayaw nito.

Mahirap man, pero ang katotohanang kailangan niyang tanggapin ay matagal na siyang binura ng anak sa kanyang buhay.

Malungkot na napaupo si Andy sa kama.

Ngayo'y nahaharap siya sa isang mahalagang desisyon at kung magte-text lang sana si Pauline ay kayang baguhin ng anak ang binabalak niyang gawin.

Hinanap ni Andy sa cellphone ang number ni Carol, ang kanyang ex-wife at ina ni Pauline. Pinindot niya ang CALL, at narinig ang paulit-ulit na ring. Ika-cancel na sana ni Andy ang tawag nang may sumagot sa telepono.

"Hello?"

"H-hello, Carol?" sabi ni Andy.

"Andy? Ikaw ba 'yan?" gulat na sabi ng boses sa kabilang linya. "Napatawag ka."

"W-wala. Mangungumusta lang." May konting ilang sa tono ni Andy. "Kumusta ka?"

"O...okay naman," sagot ni Carol. "Ikaw?"

"Okay lang ako," sabi ni Andy.

Maririnig ang boses ng teenager na lalaki mula sa background.

"Mommy! We're ready, let's go!"

"I'm coming!" sigaw ni Carol sa tumawag.

"Si Troy ba 'yon? Binata na ang boses a," sabi ni Andy.

"Heto, ihahatid namin ni George sa school, may outing sila," sabi ni Carol.

"Kumusta naman si George?" tanong ni Andy.

"He's okay."

Natahimik si Andy at tila naubusan ng sasabihin, pero, sa katunayan iisa lang naman ang dahilan ng pagtawag niya.

"Si...si Pauline ba nakakausap mo?" tanong ni Andy.

"Yes. Once in awhile," sabi ni Carol. "Siguro, twice, thrice a week."

"'Pag nakausap mo, tell her I love her," sabi ni Andy.

"S...sure..." sabi ni Carol na may pagtataka.

Nagbuntong-hininga si Andy.

"Andy, okay ka lang ba?" masinsinang tanong ni Carol. Na-sense niya. Matagal na silang hiwalay ni Andy pero kilala niya ito, alam niya ang ganoong tono.

Hindi na nakasagot ni Andy pagka't nadinig na naman na tumatawag ang anak ni Carol. Wala rin naman siyang balak sabihin sa dating asawa ang tunay na nararamdaman. Hindi ugali ni Andy iyon. Sinasarili niya ang prublema.

Ang Bayang NaglahoWhere stories live. Discover now