Sinundan naman ni Iñigo ng tingin ang direksyong tinatanaw ng Koronel. Mula sa kabilang kalsada ay natanaw niya ang lalaking tinutukoy nitong Rafael. Nakasuot ito ng uniporme at nakikipaglitan ng usapan sa limang guwardiya sibil na tila nagkakatuwaan.

Hindi niya naibigan ang kanyang nakikita. Oras ng trabaho ay pagkukuwentuhan ang inaatupag ng mga guwardiya ng kanyang kapatid.

"At ang limang guwardiya sibil na kanyang kausap ay kanyang mga kasapi sa dati nilang kilusan at si Rafael ang pinuno niyon. Lahat sila ay binigyan ng katungkulan ng iyong kapatid at si Rafael naman ang nakinabang sa posisyon ng namayapa kong kaibigan. Sa katunayan heneral, hindi ako pabor sa naging pasya ng iyong kapatid. Kung tutuusin, mas matagal na sa serbisyo bilang Sarhento si Manriquez at siya ang masasabi kong karapat-dapat na maging Tenyente dahil marami na siyang naging kontribusyon at karanasan. Minsan napapaisip ako kung ano ang ipinakain ng lalaking iyan sa Gobernador-Heneral at kung bakit mabilis niyang nakuha ang loob ng iyong kapatid. Nakababahala."

"Sang-ayon ako sa iyong mga tinuran, Koronel." Pinukulan niya nang masamang tingin ang direksyon ni Rafael na ngayon ay nabangga ng isang paslit.

Agad tinulungan ni Rafael na makatayo ang paslit. Ito pa ang pumagpag sa suot na kamiso ng bata na bahagyang nadumihan. Humingi ng paumanhin ang bata na tinanggap naman ng Tenyente at nakangiting tumakbo paalis ang bata para habulin ang mga kalaro nito.

"Nakababahala na inilagay agad siya ng aking hermano bilang Tenyente at isang malaking insulto iyon para sa ating mga nagmula sa ibaba na maraming pinagdaanang hirap, pagsasanay at digmaan bago natin narating kung na saan tayo ngayon. Hindi ko palalagpasin ang maling gawain na ito." Pagkasabi ay sinimulan nitong palakarin si Asturia upang tumawid sa kalsada.

"Heneral, saan ka pupunta?"

"Kakausapin ko ang magaling nating Tenyente."

Kahit nakabakasyon siya, hindi niya hahayaan na may mababang opisyal na hindi sumiseryoso sa iniatang na tungkulin. Kung malakas ang loob ng Tenyente na maghari-harian habang hindi nakabalimg ang pansin ng kanyang kapatid dito, puwes, ibahin siya nito.


"ANO pa ang ginagawa ninyong lima rito?" Tanong ni Rafael sa lima niyang kaibigan na naabutan niyang nakatayo at nakaupo lamang sa baitang ng hagdan ng himpilan. "Bakit wala kayo sa mga pook na ibinigay sa inyo upang magbantayan?" Sita pa niya sa mga kaibigan nang makalapit na siya sa mga ito.

Sabay-sabay na tumayo mula sa pagkakaupo ang lima.

"Magandang umaga, Pinuno." Bati ng mga ito sa kanya.

"May hinihintay daw kasi si Joaquin." Tugon ni Karyo.

"Hinihintay? Sino?" Sabay baling niya kay Joaquin.

"Ah," lang ang naitugon ni Joaquin ngunit si Santiago ang sumalo rito.

"Hinihintay niya si Clarita." Nakangising tugon nito.

Doon na nagsalubong ang kilay niya nang balingan niya si Joaquin.

"Bakit mo naman hinihintay ang aking kapatid, Joaquin?"

"Kasi gusto raw niya si Clarita-"

Biglang tinakpan ng kamay ni Joaquin ang bibig ni Santiago at isang pilit na tawa ang pinakawalan nito.

"Ang ibig sabihin ni Santiago, Pinuno..." sabi nito habang humihigpit ang pagkakatakip sa bibig ni Santiago, "nagustuhan ko ang biko na ginawa kahapon ni Clarita." Paglilinaw nito. "Kaya nagbabaka sakali kaming lima na baka dumaan siya rito na may dala uling makakain."

El Gobernador General De Mi CorazónKde žijí příběhy. Začni objevovat