Nabigla ang isang may edad na babeng papalabas mula sa kusina. "Ano'ng... Tinay, ayos ka lang ba?" Patakbo itong lumapit sa bata, hinawi ang buhok nito.

"Ayos lang ako, 'Nay. Tinulungan ako ni Kuya Pogi." Tumingala sa akin si Tinay nang nakangiti.

"Maraming salamat sa 'yo." Tumayo ang ginang.

"Wala ho iyon. Sa uli-uli ay huwag n'yong hayaang pagala-gala nang mag-isa ang bata. May malaki na pala rito, bakit hindi siya ang bumili ng ulam? Mauna na ho ako." Tiningnan ko nang masama ang babaeng may hawak ng tambo bago ako tumalikod. May mga tao talagang tamad.

Bumalik na ako sa talyer. Natapos na rin agad ang kotse ko. "Salamat ho." Nadaanan ko ulit ang Carinderia, dito rin pala ang daan patungong bayan. Kaunti na lang at nasa UPG na ako, ayon na rin sa address na nasa Waze.

Mahabang kakahuyan din ang nalagpasan ko bago ko natanaw ang ilang estabishment sa paligid. May mga kainan na at shops. Medyo sibilisado na ang lugar na ito. May supermarket na rin. Iniliko ko ang sasakyan sa intersection. Dalawang kilometro mula rito ay UPG na. Dumalang ulit ang mga bahay at shops sa gawing ito.

Nakaturo ang Waze pakanan sa eskinita, sa dulo ang address ng UPG. Binaybay ko na papasok, at huminto sa nakapinid na gate. Ang sabi ni Papa ay may katiwala raw dito. Bumusina ako, maya-maya ay may lalakeng tumakbo patungong gate. Medyo madilim pero pamilyar ang pigura nito. Binuksan ito ang gate at lumapit sa gilid ko.

"Peter?"

"Ako nga, Bossing." Sumaludo pa 'to.

"Kaya pala wala ka sa opisina ni Papa? Kailan ka pa rito?"

"Tatlong araw pa lang. Hindi naman mag-isa si Milet dito. Hindi 'yon pababayaan ni Dark Knight. Alam niyang magagalit ka kapag may nangyari do'n," natatawang biro nito.

"Heh!" bulyaw ko dito. Ipinasok ko na ang kotse sa compound hanggang harap ng malaking bahay. Maluwang ang paligid at maganda. Maaliwalas, may garden pa at gazebo.

Isinara ni Peter ang gate at mabilis na lumapit sa kotse ko. Binuksan ang trunk at kinuha ang dalawang maleta ko. "Ang dami naman nito? Magtatagal ka ba rito?"

"Hindi natin masasabi." Sinipat ko ang kabuuan ng bahay. "Hindi pala building ang kinuha ni Papa. Parang mansyon ito."

"Mansyon nga ito na converted into UPG. Para daw hindi gaanong agaw pansin. Halika, pumasok na tayo. Tingnan mo ang loob." Pinag-tig-isahan namin ang maleta ko paakyat sa bahay. Maluwang ang sala. May tatlong silid ang nasa palibot ng sala. May daan din patungo sa likod. Bukas ko na iikutin ang kabuuan nito. Napapagod na ako.

"Iyong nasa kanan ay gym. Itong nasa kaliwa ay testing area. May ganito rin sa likod para sa monitoring. Itong pinto sa tabi ng hagdan ay classroom area. Nasa taas ang storage room, clinic at ang conference area. Sa third floor ang mga silid natin. Ang garden sa harap at pahingahan sa likod ang meditation area. Hindi ito kalakihan katulad ng building natin na kumpleto, pero sapat na ito para mahasa ang isang may ability," mahabang paliwanag ni Peter.

"Bakit naisipan ni Papa na maglagay ng UPG dito?"

"May nakarating sa kanyang balita noon na may ilang kabataan dito ang may kakayahan. Alam mong nais ng Papa mo na mamulat ang mga may kakayahan na hindi sumpa ang pagkakaroon ng abilidad kundi isang biyaya," may paghangang pagbibida ni Peter kay Papa.

ENIGMATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon