"Talaga po, Kuya? Libre n'yo? Walang bayad?" Namimilog ang mga mata nito.

"Oo naman." Ginulo ko ang buhok nito.

Ipinagbalot ni Manang Lydia ang bata, inabot dito ang isang plastic ng pagkain. "O, Tinay, magpasalamat ka kay Kuyang Pogi ha."

"Salamat po, Kuyang Pogi." Nakangiti ito habang tinitingnan ang dala-dala. Naglakad na rin ito pauwi.

Tumayo na rin ako at nagbayad. Naghanda na akong umalis pabalik sa talyer nang may marinig akong biglaang preno ng sasakyan at tili ng isang bata.

"Hesusmaryosep!" tili rin ni Manang Lydia. "Tinay!"

May lalaking nakatakip ang mukha ang dumampot sa bata. Nagpapapalag ito at tila kinagat ang kamay ng lalake kaya napahiyaw ito. Hindi na ako nagdalawang isip pa. Tinakbo ko ang mga ito para saklolohan ang bata. Hiniklas ko ang lalakeng may hawak sa bata at saka ko sinuntok. Sadsad ito sa lupa.

Bumaba ang isa pang nakasakay sa likuran ng van at ang driver na pareho ring may takip ang mga mukha. Tinangka akong suntukin pero nakailag ako. Sinapak ko ito sa mukha saka tinadyakan ang kasama nitong papalapit sa akin. Parehong bagsak ang dalawa. Muling sumugod ang unang napabagsak ko. Hindi na ako nagdalawang isip. Dinukot ko ang baril ko sa likod ng pantalon ko at itinutok sa mga ito. Nagtaasan sila ng mga kamay.

"Ano? Kakasa pa kayo?"

Nagkatinginan ang mga ito saka tumakbo at nagsipulasan ng sakay sa van, paharurot na umalis. Hinayaan ko na sila. Ayokong gumawa ng eksena sa ngayon at malaman ng iba na pulis ako. Masisira ang pagmamanman ko.

"Ayos ka lang ba?" Yumuko ako at hinagod ang ulo ni Tinay para patahanin ito.

"Opo, Kuya, kaso iyong pagkain po." Pinagmasdan nito ang nagkalat na pagkain. Humikbi ito. Natawa ako. Muntikan na 'tong madukot pero mas iniyakan ang pagkaing natapon.

"Hayaan mo na. Io-order ulit kita." Inalalayan ko ito at bumalik sa Carinderia para umorder ulit ng pagkain. "O hayan ha, dinamihan ko na. Para hanggang bukas ay may ulam kayo. Initin n'yo na lang mamaya bago matulog para hindi masira agad."

"Opo, Kuya, salamat po." Maluwang na ngiti ang iginanti nito.

"Ihahatid na kita sa inyo."

"Salamat, Hijo. Problema talaga namin dito ang pagkawala ng kabataan. Ngayon ko lang nasaksihan ang tangkang pagdukot nila. Nakakatakot na rito." Napaantanda ang ginang.

"Sige po, salamat. Ihahatid ko muna ang bata." Inakay ko na ito pauwi sa kanila. May kalayuan pala ang bahay nito.

"Doon po kami, Kuya." Turo nito sa sira-sirang kubo. Kakahuyan na rin ang halos 'di kalayuan sa likuran ng bahay nila.

"Tao po. Narito na po si Tinay," tawag ko sa mga tao sa loob. May isang binatilyo ang nakaupo sa wheelchair, habang isang dalaga ang humawak ng walis tambo, ipinangturo sa bata.

"Tinay, bakit ba ang tagal mo. Nagugutom na kami," sita nito sa bata.

Nag-init ang ulo ko sa inasta nito. "Muntik lang namang madukot ng mga lalakeng nakamaskara ang kapatid mo."

ENIGMAWhere stories live. Discover now