"Eh kasi naman, sana inawat n'yo si Milet na pumunta rito. Pwede namang 'yong may psychometric ability na lang ang pinadala n'yo rito at paghanapin sa kapatid ni Milet at sa mga nawawala rito." Nilinga-linga ko ang kahabaan ng kalsada. Mangilan-ngilan lang ang bahay, puro puno pa ang magkabilang bahagi.

"Papunta na sila riyan pero next month pa. Marami pa silang dapat tapusin bago lumipat diyan. Don't worry, medyo sibilisado na rin naman pagdating sa kabayanan. May ilang parte lang talaga ang hindi pa matao."

"Wala ngang data connection dito. Buti natawagan pa ko pa kayo. Kahit paano pwedeng tumawag." Sinipat ko sa 'di kalayuan ang gumagawa sa gulong ng kotse ko. Tatlo ang flat. Kung minamalas ka nga naman. Tsk.

"Sige na, Son. Balitaan mo ako mamaya kapag nasa UPG branch ka na." In-end call na ni Papa ang tawag. Napabuga na lang ako ng hangin. Sinipat ko ang oras sa phone screen, 5:30 pm. Kaya pala medyo papadilim na. Humahapdi na rin ang sikmura ko.

Nilapitan ko ang gumagawa sa kotse ko. "Boss, saan mayroong mabibilhan ng pagkain dito?"

"Ah, medyo may kalayuan pa. Doon sa pang limang poste, may daan na pa-kanan. Pumasok ka ro'n, mga ilang bloke lang ay makikita mo na ang karinderya ni Manang Lydia." Turo nito sa malayo-layong posteng tinutukoy nito. "Matagal-tagal pa 'to. Malalaki ang butas eh. Nireremedyohan ko na lang para makarating ka sa bayan."

"Sige, Boss." May kalayuan nga pero ayos lang. Mabuti na ring maglakad-lakad para hindi ako mainip. Hindi na naman mainit kaya ayos lang. May kalamigan pa nga ang hangin, tumatagos sa jacket na suot ko. Tinungo ko ang pang-limang poste saka kumanan. Natanaw ko ang karatulang Lydia's Carinderia sa 'di kalayuan. Kumalam agad ang sikmura ko pagkakita ko ro'n. Lakad-takbo na halos ang ginawa ko dahil sa gutom.

May babaeng may edad na ang bantay. "Manang, ano pong ulam?" Inangat ko ang takip ng isang kaldero.

"Kalderetang Baka, Paksiw na Bisugo, Menudo, Ginataang Alimasag saka Sisig," sagot nito habang nakangiti. "Ngayon lang kita nakita rito, hijo."

"Ay, opo, patungo pa lang ako sa kabayanan. Taga-Maynila po ako." Sinilip ko ang Kalderetang Baka. Ang bango! "Ito na lang po, saka dalawang order ng kanin."

Naupo na ako at naghanda sa pagkain. Takam na takam ako, ni hindi na yata ako huminga sa pagitan ng pagkain ko. "Hijo, dahan-dahan at baka mabulunan ka." Pinagsalin ako ni Manang ng tubig sa baso.

"Salamat po."

"Manang, pabili pong dalawang order ng kanin saka kalahating Menudo," boses ng batang babae. Napalingon ako dito. Nasa pitong taon lang siguro ito.

"O sige." Kumilos si Manang para ipagbalot ang bata.

"Bakit kalahating Menudo lang ang bibilhin mo?" nagtatakang tanong ko rito.

"Wala na po kasing pera si nanay eh. Ito lang ang kasya." Ibinuka nito ang kamay para ipakita ang perang dala niya. Apat na sampung pisong barya.

"Ilan ba kayong kakain?"

"Apat po," masayang sagot ng bata. "Si Ate Bebeng, si Kuya Edgar, si Mama at ako po." Tuwag tuwa pa habang nagbibilang sa daliri nito.

Bumilib ako rito. Magkakasya silang apat sa kalahating Menudo? Gaano ba karami 'yon? Tiningnan ko ang order ko. Isang order ito pero sa akin lang ay kulang pa. Saka pitong taon ang inutusang bumili sa tindahan sa ganitong oras? Napailing na lang ako. "Manang, pakibalot po sila ng tig-iisang order ng ulam n'yo saka apat na order ng kanin. Ako na po ang magbabayad."

ENIGMAWo Geschichten leben. Entdecke jetzt