Chapter 42: Magical

Magsimula sa umpisa
                                    

'Yong nakulong kami ni Jeydon sa loob ng gym na kaming dalawa lang, konektado rin 'yon. Ngayon ko nga lang din naisip na baka 'yong nag-text sa 'kin noon at no'ng birthday ni Stacey ay iisa lang. Sina S and B din siguro 'yong nagbato ng kutsilyo na tumama kay Jeydon. Malamang kinulong niya kami para masaktan na niya kami roon. Tinitignan din siguro nila ako mula sa malayo. Matagal ko nang nararamdaman na may nakatingin sa 'kin at nagbabantay. Mukhang may malaking galit sila sa amin ni Jeydon para gawin lahat ng 'to.

"Candice..." Muntik na akong mapatalon sa kinakaupan ko sa gulat.

"Anne?" Mukha siyang hingal na hingal. "Anong kailangan mo?"

"May gusto akong sabihin sa 'yo..." Mukha siyang kinakabahan. Ano kayang problema?

"Ano 'yon? Anong problema?" Tumayo ako tapos hinawakan ko 'yong kamay niya. "Ano 'yong sasabihin mo?"

Nanlaki bigla 'yong mata niya na para siyang nakakita ng multo pagkatapos ay inalis niya 'yong kamay ko sa kamay niya. Tumakbo na lang siya bigla papunta sa malayo.

"Anne! Sandali lang!"

"Candice!" tawag sa 'kin ni Stacey. Lumapit siya sa 'kin pagkatapos ay hinawakan niya 'yong kamay ko.

"Anong problema? Bakit hinahabol mo 'yong babae na 'yon?" Kinalma ko 'yong sarili ko.

"Ah wala, may itatanong lang sana ako. Hayaan mo na. Tara na?" Kinuha ko 'yong bag ko pagkatapos ay hinila ko na si Stacey papunta sa parking.

Mas mabuting ilihim ko na lang lahat sa kanila. Ako lang dapat ang mag-ayos ng problema na 'to.

"Nasa'n na sina Ginny at Marky?" tanong sa akin ni Stacey habang nagda-drive ako.

"Nauna na sila roon. Malapit na rin tayo." Binilisan ko 'yong pagpapatakbo ng sasakyan ko dahil baka mainip pa 'tong si Stacey.

Pagkadating namin, dumiretso agad kami sa loob. Marami na ring tao sa loob. Mukhang magiging successful 'yong show ni Pinsan ha.

"Candice!" tawag sa 'kin ni Ginny. Lumapit agad kami ni Stacey sa kanila ni Marky. "Salamat sa pagsama sa 'kin dito ha," nakangiti niyang sabi sa 'kin.

"Wala 'yon. Oo nga pala, si Stacey, best friend ko," pagpapakilala ko. Inabot agad ni Stacey 'yong kamay niya kay Ginny.

"Hi, Ginny! Hope we can be friends." Ang laking ngiti ni Stacey kay Ginny.

Ang lakas ng pakiramdam ko na may kinalaman si Ginno sa inaasta ni Stacey ngayon. Kaya ba siya sumama para makita si Ginny? 'Yong kapatid nang pinagpapantasyahan niya? Kung gano'n nga, mukhang seryoso si Stacey sa pagkagusto niya kay Ginno.

"Ang ganda mo, katulad ni Candice. Bagay kayo ng Kuya ko." Natawa ako bigla sa sinabi ni Ginny. Ang bilis niya makapuntos kay Ginno. Napatingin tuloy silang tatlo sa 'kin.

"Anong nakakatawa?" tanong ni Marky

"Wala 'yon," sagot ko. "Tara na?" aya ko sa kanila.

Pumasok kami sa loob. Parang theater type 'yong venue at nasa harapan kami kasi VIP tickets 'yong bigay sa 'kin ni Paulo. Marami nang tao at mukhang puno lahat ng upuan. Natutuwa tuloy ako para sa pinsan ko. Sana mag-enjoy si Ginny mamaya. Sabi nga nila, "Laughter is the best medicine." Hindi man siya tumawa, kahit ngumiti lang ay ayos na.

"Bee, sandali nga," kalabit sa 'kin ni Stacey. "Si Blake 'yon, 'di ba?" Tinuro niya sa 'kin 'yong pwesto kung nasaan si MM. Aba, nando'n nga siya at teka lang...

"Menchi?" Bakit niya kasama si Blake?

"Ha? Menchi? Siya ba 'yong kasama ni Blake?" Oo, siya nga. Hindi ako pwedeng magkamali. Magkakilala pala silang dalawa? "Girlfriend niya ba 'yan?"

The Good Girl's Revenge (Published under IndiePop)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon